Chapter 20
HINDI maalis ang mga mata ni Amelie kina Tristan at Dave na magkatabi sa inuman sa labas ng garden ng mga Javier. Dumating sina Drake, Bench, Carlo, at Eve kanina. Nabalitaan ng mga ito na umuwi si Tristan kaya nagpasyang magkita-kita roon. Imbis tuloy na uuwi na sila ay ipagpapabukas na lang dahil nagkayayaang uminom ang mga ito.
Nagkakasiyahan ang mga ito, naroroon din si Sunny— pinaggigitnaan ito nina Eve at Dave. Napabuntonghininga siya. Hindi niya alam na nagkakilala na sina Dave at Sunny, nanliligaw na pala ang huli, hindi nito nabanggit samantalang nagkita sila kahapon sa grocery. Ni wala itong sinasabi sa kaniya na sasama ito rito sa San Simon. Nagbatian lang silang dalawa kanina, pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ito para sana tanungin. Narinig niya na lang kanina sa kuwentuhan na anak si Dave ng nakabili ng lupa na ibinebenta ni Dad dito sa San Simon.
"Hija, bakit hindi ka maki-join sa kanila?" tanong ni Mommy Bianca na nasa likuran niya na pala.
"Eh . . ." Paano niya ba sasabihin na gustong-gusto niya kaso inaabot siya ng hiya? Alam naman kasi niya na inis sa kaniya ang mga kaibigan ni Tristan dahil sa ginawa niya, si Drake nga lang ang bumati sa kaniya nang dumating ang mga ito.
"Oh, ikaw na ang maghatid nito roon at maki-join ka kaysa naman tanaw ka lang nang tanaw riyan," nakangiting ani Mommy Bianca. Iniabot nito sa kaniya ang bandehado ng morcon na ginawa nila kanina.
"Eh . . . Mommy . . ."
"Amelie," putol nito sa sasabihin niya. Hinawakan nito ang braso niya. "Sige na, anak, 'wag mong iburo ang sarili mo rito." Bahagya pa siya nitong itinulak.
Wala na siyang nagawa kundi ang lumakad palabas. Kabado siya lalo na at biglang natahimik sina Carlo at Bench na malakas na nagtatawanan at napatingin sa kaniya. Napayuko na lang siya.
"Amelie!" sabay na tawag sa kaniya nina Dave at Drake, namumula na ang mukha ng mga ito halatang tinamaan na ng alak. Napaangat siya ng tingin at ang una niyang nakasalubong ng tingin ay si Tristan na nakakunot ang noo na nagpapalipat-lipat ang tingin sa dalawang lalaki.
Tumayo si Drake, medyo mabuway ang lakad at tawa nang tawang inakbayan siya nito nang makalapit sa kaniya. Amoy niya kaagad ang alak sa hininga nito.
"Ang baho mo!" lukot ang mukha na aniya rito at pinagpag ang balikat para matanggal ang pagkakaakbay nito sa kaniya.
Tumawa ito nang malakas. "Oy, pareng Tristan, 'tong asawa mo sinasabihan akong mabaho, ikuwento mo nga rito kung paano ako singhutin ng mga nagiging chicks ko," ani Drake kay Tristan na tumagay lang at hindi nagsalita. "Ano 'yan? Pulutan namin?" tanong ni Drake at kinuha sa kaniya ang bandehado saka siya giniya sa puwesto nito. Inilagay nito ang bangko sa tabi ni Tristan at doon siya itinulak paupo. Muntik pa siyang matumba kung 'di lang siya mabilis na naalalayan ng asawa.
Masamang tiningnan niya si Drake na ngingisi-ngising naupo sa tabi niya. Inilapag na nito ang dala niya sa lamesa.
"Oh, mamulutan naman kayo, pero 'wag niyong gawin ulam. Hindi 'to hapunan!" anito kina Bench at Carlo na pasimpleng tumingin sa kaniya.
Bigla siyang nailang kaya napayuko siya. Napansin niya pang napairap sa kaniya si Eve.
"Hmm . . . it looks delicious," ani Dave na kumuha ng morcon at tinikman. Nakangiti ito sa kaniya. "Oh! This is really good," tatango-tangong anito.
Bahagya niya itong nginitian.
"Oo, luto ni Amelie 'yan, e," pagyayabang naman ni Drake.
"Really?" Lumingon sa kaniya si Dave tila genuine na namangha.
Si Drake naman ang sumagot, "Oo! Magaling magluto 'to. Bata pa lang 'to ay trainee na 'to ni Tita Bianca. Kaya nga nag-asawa agad, e." Binuntutan ni Drake iyon ng tawa na ikinatawa rin ni Dave. Silang dalawa lang ang natawa at gusto niyang batukan ang mga ito.
BINABASA MO ANG
MY CHEATING HEART (completed)
RomanceDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...