02

616 8 0
                                    

***

"Ate, isa pa pong stick ng isaw!"

Alas sais na ng gabi ngunit narito pa rin kami ni Eliot sa labas at kumakain ng ihaw-ihaw. Ngayon niya ako nilibre dahil kahapon ay biglang bumuhos nang malakas ang ulan. Ang ending tuloy ay nagsi-uwian ang mga nagtitinda ng street foods kaya hindi niya ako nalibre kahapon. Pero nangako naman siya na ililibre niya ako at ito na nga ang nagyayari ngayon.

Nakakasampung stick na yata ako ng isaw. Ang sarap naman kasi, e! Hindi nakakasawa. Kung araw-araw mo akong papakainin ng isaw ay papayag ako. Sino ako para tumanggi sa grasya 'di ba? Busog na ako pero hindi pa rin ako nag-aayang umuwi. Mamaya na lang kapag naubos ko na ang pera ni Eliot. Minsan lang manlibre 'to kaya susulitin ko na, 'no! Baka next year pa maulit 'to.

"Hoy, Tasha, may dragon ba diyan sa tiyan mo? Ang takaw-takaw mo, ubos na ang pera ko," nagrereklamong sabi ni Eliot.

"That's the plan," sabi ko bago kumagat sa isaw.

"Grabe ka! Planado mo pala 'to," may hinanakit na sabi niya.

"Pagkatapos mo diyan umuwi na tayo," sabi niya. Tumango na lang ako dahil abala ako sa pagkain ko.

Hindi pa man ako natatapos kumain ay bigla na lang akong hinila ni Eliot palayo sa ihawan. Nabayaran na rin naman niya lahat ng kinain namin kaya ayos lang 'yon. Pero naiinis ako sa kanya dahil hindi pa ako tapos kumain, e! Ang sarap-sarap kumain tapos iistorbohin ako. Kainis talaga 'to si Eliot kahit kailan.

"Eliot, sandali nga!" angal ko dahil hila-hila niya pa rin ako. Papunta na kami sa terminal ng mga tricycle.

'Hindi, Anastasia, uuwi na tayo," malamig ang boses na sabi niya. Nagtaka naman ako dahil sa tono ng boses niya. What happened? Kanina lang ay inaasar pa ako nito, a'?

Itutulak na sana niya ako paloob sa tricycle na nakuha niya nang may marinig akong pamilyar na boses. Isang boses na kahit kailan ay ayaw ko nang marinig pa. Isang boses na mula pagkabata ko ay kinamumuhian ko na. Kahit hindi ko nakikita ang mukha niya ay alam ko na kung sino siya. Anong ginagawa niya rito ngayon? Bakit ngayon lang siya nagpakita sa akin sa loob ng sampung taon? Bakit ngayon pa kung kailan sanay na akong mag-isa?

Hinarap ko ang pinanggalingan ng boses at tama nga ang hinala ko. Ang boses na 'yon ay galing sa kinamumuhian kong tao.

"Anong ginagawa mo rito?" malamig ang tonong tanong ko sa kanya. Ngumiti ito nang maliit sa akin na hindi ko sinuklian. Nagagawa pa talaga niyang ngumiti sa kabila ng mga nagawa niya?

"Anak... A-Anastasia, ikaw na ba 'yan?" nanginginig ang boses na sabi niya. Hindi ko siya sinagot. Tinitigan ko lamang ang mukha niya na ngayon ko na lang ulit nakita matapos ang sampung taon.

"Sagutin mo ang tanong ko. Ano pang ginagawa mo rito?" pag-uulit ko sa tanong ko kanina. Naramdaman kong mahigpit akong hinawakan ni Eliot sa braso pero agad ko 'yong iwinaksi. Kaya pala bigla na lang niya akong hinila palayo sa ihawan.

"Tasha, tara na lang," malambing ang boses na sabi ni Eliot.

"Hindi. Sampung taon, Eliot. Alam mong sampung taon akong naghintay sa pagkakataong 'to. Gusto ko malaman kung bakit itinakwil niya kami ni Mama!" nanginginig ang boses na sabi ko. Nagtatangka na ring lumabas ang luha sa dalawang mata ko pero pinipigilan ko 'yon.

Sampung taon... Sampung taon na ang lumipas nang iwanan niya kami bigla ni Mama. Ang sabi niya noon ay magta-trabaho siya sa malayo kaya kailangan niyang umalis, at dahil bata pa ako noon ay pinaniwalaan ko ang sinabi niya. Ang sabi niya babalik siya pero ilang buwan na ang lumipas ngunit wala pa rin siya. Hanggang sa gabi-gabi ko nang naririnig ang pag-iyak ni Mama. Sa bawat hikbi niya ay ramdam ko ang sakit. Iniisip ko noon na baka miss niya lang si Papa, pero hindi. Iba na pala ang dahilan ng mga luha niyang 'yon.

The Model's Hidden SonWhere stories live. Discover now