88. Lucien's Skill

82 0 0
                                    

"Ate Aydehart... gising..."

Napabangon ako sa kama at tumakbo paalis sa kwarto at dumeretso sa banyo. Pagkatapos ay pinunasan ko ang aking bibig, "Ate Aydehart... nagdadalang tao ka?"

Marahan akong tumango at lumabas na ng banyo, "sa bayan na ako mag-aalmusal, sasama ka?" Tanong ko, tumango ang paslit at inalalayan akong maglakad na ikinatawa ko, "ano ka ba, kaya ko pa naman kumilos-kilos."

Nagpaalam kami kila Lupin bago umalis, ipinaalam ko na rin na baka gabihin kami at nangako na iingatan ang bata. Naglakad kami patungo sa bayan, nadaanan ko ulit ang nagtitinda ng mga isda, mukhang namukhaan ako kaya humarang sa harapan namin.

Itinago ko sa likuran si Lucien dahil baka saktan siya ng mga ito ngunit nagulat ako nang bigla na lamang silang lumuhod at nagmakaawa na gumawa ulit ng ginawa ko sa salmon.

Ikinagulat ko iyon, "para saan?" Pagtataka ko.

"Dahil nagustuhan ko ang nagawa mo." Sagot niya.

Hindi ako kumbinsido, pansarili pa rin ang kaniyang puntirya. "Gagawan kita ngunit, gusto kong ibahagi mo sa iba. Maaari mo silang pagalitan kung maging gahaman sila ngunit ibahagi mo nang pantay-pantay. Kung magagawa mo iyon, gagawan ulit kita bukas."

Hindi agad siya nakasagot, "babalik ako mamayang gabi o mamayang hapon kapag nakapag-isip-isip ka na." Bilin ko at nilagpasan siya.

"Nga pala, Lucien... tinanghali nanaman ba ako ng gising?" Pagtataka ko at tumango siya.

Lagot...

Hinila ko si Lucien at kumaripas ng takbo papuntang daungan kung saan wala na akong naabutan. Hingal na hingal akong napa-upo sa pangpang, "mukhang nakaalis na sila..."

"Sinong sila, Ate Aydehart?" Pagtataka ng paslit.

"May dumaong na mga pirata rito kahapon kaya ginabi ako ng uwi, may kabaitan naman at hindi gulo ang hanap kaya nilutuan ko ng makakain." Malungkot akong napayuko.

"Tumayo ka nga riyan." Bigla kong narinig ang boses ni Koji. Lumingon kami sa likuran, nakita ko siyang papalapit sa amin.

"Mabuti naman at nakabalik ka, nagugutom na kami." Reklamo niya.

Napangiti ako sabay tayo mula sa pang-pang, "saan ang iba?" Pagtataka ko.

"Tinataboy kami rito kagabi kaya lumipat kami sa dalampasigan, may mga nahuli na rin kami na mga isda, tara lutuin mo na." Pag-anyaya niya. Sumang-ayon ako at sumunod sa kaniya kasama si Lucien.

"Kapitan siya, Ate Aydehart?" Tanong ni Lucien. Tumango ako bilang sagot.

Nilingon siya ni Koji, "sino ang paslit na ito? Kapatid mo?"

"M-Mukhang ganoon na nga.." Usal ko. "Siya si Koji, ang kapitan ng mga pirata na dumaong kahapon."

"Nga pala, kumusta ang lobo?" Tanong ko.

"Nanghihina pa rin, mukhang hinahanap ka nga. Ayaw magpa-amo sa'kin." Buntong hininga niya. Bumaba kami sa dalampasigan kung nasaan ang kanilang barko. Kumaway ang mga tauhan niya sa'min habang hinuhugasan ang mga lamang dagat na nakuha.

Agad akong lumapit sa lobo na wala nang tali sa mga paa at wala na rin sa net. Nakahiga ito sa gilid ng barko, sa silong dahil medyo mainit ngayon sa dagat. "Tubig..." Usal ko.

Narinig naman ni Koji ang sinabi ko at nakisuyo ng tubig sa mga tauhan para sa lobo. Nilapitan ko ang libo at hinaplos ang balihibo nito, dumilat ang kaniyang mga mata at tumingin sa'kin nang matalim. Ngunit nang makilala niya ako ay lumambing ang kaniyang mga mata. Nakahinga ako nang maluwag, "hahandaan kita ng makakain mo, upang gumaling ka..."

Center Empire PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon