69. Agreement

93 1 0
                                    

"Itutuloy namin ang kasunduan."

Nanlaki ang mga mata ni ama dahil sa sinabi ko nang makabalik kami sa kasiyahan, kusa kaming lumapit ni Haru sa kaniya at ibinalita iyon.

"Mabuti naman ay napag-isipan mo na ang tungkol dito, Farrah. Hindi na ako mahihirapang pilitin ka." Hindi ko alam kung sarkastiko ba itong linya ni ama o seryoso talaga siya.

"Ipinapangako ko pong iingatan ko ang prinsesa lalo na sa araw ng kaniyang pagdadalang tao." Sambit naman ni Haru. Kadiri, at sinong nakatitiyak na lalaki ang iluluwal ko?

Marahang napatawa ang hari, "mukhang nasasabik ka talaga sa prinsesa ko."

"Ama, sumasama ang pakiramdam ko, maaari na ba muna akong dumeretso sa kwarto ko? kailangan ko ng tulog." Paalam ko. Dahil sa saya na nararamdaman ni ama, agad niya akong pinayagan at ipinahatid pa ako kay Jace, sumama din naman si Haru.

"Nasaan ang prinsesa ng kanluran?" Tanong ko kay Jace.

"Idinala na siya sa manggagamot, kamahalan." Tugon nito habang nakahagkan sa'kin habang naglalakad kami.

"May gusto ka bang kainin bago magpahinga? hindi ka ba nagutom sa kasiyahan?" Kunsulta ni Haru sa'kin. Napangiti ako sabay sandal sa kaniyang balikat, "gusto ko lamang magpahinga, tiyak naman ako na magugutom ako pagkagising ko at gusto ko ng presa mamaya."

"Hanggang ngayon, ang hilig mo pa rin sa presa, ano?" Hagikgik naman ni Haru.

'Oo naman, dahil iyon din ang paborito ni Farrah.' Nginitian ko siya, "lalo na ang presa na nagmula sa timog, napakasarap."

"Dadalhan kita ng maraming presa dito o hindi naman kaya'y maaari kitang dalhin sa timog upang makita mo rin ang kanilang taniman ng presa." Puno ng sabik ang tono ng kaniyang boses na animo'y bata na pinayagan kumain ng sorbetes.

"Maaari mo naman akong dalhin bukas sa timog." Nginitian ko siya at sinabayan ang kaniyang kasabikan. Nilingon ko ang kasama naming wala lamang kibo. Tiyak na sanay na 'to sa nakikita niya kila ama at sa kerida nito. 

"Maaari niyo na akong iwan dito mag-isa, may kawal namang nagbabantay sa paligid ko kaya wala kayong dapat alalahanin." Saacd ko nang makarating sa aking kwarto. 

"Magpahinga ka nang mabuti, Farrah." Humalik sa noo ko si Haru. Tumango ako bilang tugon. Sinulyapan ko si Jace at sinenyasan na bantayan ang Prinsipe Haru, gamit ang hintuturo idinikit ko ito sa aking pisnge hudyat na huwag din niyang pababayaan ang Prinsipe Franses. 

Rinig ko ang kaniyang buntong hininga bago isara ang aking pinto. Nang mabalot ng katahimikan ang silid ay tsaka ako dumeretso sa terasa upang magpahangin, "bakit hindi ka nakadalo, mahal ko?" Buntong hininga ko sa hangin habang nakatingin sa regalo ni Liam.

Ilang minuto lamang ay bumalik na rin ako sa loob ng kwarto at nagpahinga sa kama, "I hope magtuloy-tuloy na ang plano. Gusto ko nang umalis sa impyernong ito." Pagkausap ko sa aking sarili habang nakatingala sa kisame. Gayunpaman, hindi ko alam kung saan ang punta ko kapag nakaalis na ako ngunit kailangan kong makaalis agad dito. Ipinikit ko na ang aking mga mata at nagpahinga.


Aifrel

"Tila'y hindi ka mapakali sa iyong inuupuan?" Kalabit ni Julia sa'kin. Inoobserbahan ko ang paligid nang mapansin kong wala na si Hana sa silid. 'Saan nanaman siya dinala ng prinsipe na iyon?' At isa pa, hindi ako kampante na magiging maayos ang kasiyahan ngayong mainit ang dugo ng mga taga-kanluran dahil sa ginawa ng kapatid ko kanina.

"Hindi lamang ako mapakali dahil hindi ko mahagilap si Farrah." Tugon ko sa kaniya.

"Pupuntahan ko ba ang prinsesa?" Agad na tumayo sa kinauupuan si Fergus nang tulakin siya paupo ni Jace, "Manatili ka lamang diyan."

"Ano ang dahilan at pumarito ang magiting kong kawal?" Nginitian ng reyna si Jace. Agad na lumuhod ang kawal sa harapan nito at humalik sa likuran ng kaniyang palad, "Gusto ko lamang tiyakin na maayos kayo rito, kamahalan."

"Mahal- ang ibig kong sabihin Julia! may gusto ka bang kainin na prutas o inumin? kukuha ako." Muntik pa ako roon, hindi pa alam ni ina ang tungkol dito kaya hindi pa ako malayang tawagin siya sa paraang gusto ko. Gulantang ang mukha ni Julia, "w-wala, kamahalan."

Hinawakan ko ang kaniyang pulsuhan sa ibaba ng lamesa, nagpapahiwatig na humihingi ako ng tawad tungkol doon. Marahan niyang tinabig ang kamay ko, ang hirap talagang paamuhin ng babaeng 'to, hindi pa rin ba siya naniniwala na itataya ko ang buhay ko sa kaniya dahil ganoon ko siya kamahal? A, basta! antayin mo lamang Julia at lalambot ka rin sa'kin.

Napanguso na lamang ako, ngunit nang makita niya ang mukha ko ay nakatanggap ako ng kurot mula sa kaniya sa aking tagiliran, "i-ito na nga titigil na." 

Lumapit ako sa kaniya at bumulong, "mahal ko, lilisan muna ako saglit." Paalam ko.

"Saan?"

"Nakakaamoy ako ng daga sa paligid, gusto ko lamang hulihin." Saad ko at marahang humawak sa kaniyang tiyan, "huwag kang uminom ng alak, maliwanag." Paalala ko pa sa kaniya bago tumayo sa kinauupuan. Sinabihan ko rin si Fergus na bantayan si Julia.

Huminga ako nang malalim at hinawakan ang espada ko nang makalabas sa lugar. Naglakad ako sa pasilyo at mabilis na tumungo sa silid ng kapatid ko kung saan nadatnan ko siyang mahimbing na natutulog, "hindi ako pabor sa pagbabantay mo sa prinsesa habang natutulog ito. Lumabas ka riyan."

Agad akong tumingala sa kisame at agad na umiwas nang umatake ito sa'kin, "letse, gusto mo bang gisingin ang prinsesa?" Inis ko siyang pinagsabihan.

"Siguro." Sambit niya at tinanggal ang suot na balabal. 

Inatras ko ang aking espada nang mapagtanto na ito ang dama ng Prinsipe Liam, "talaga namang ang lalakas manloob ng mga taga-silangan, ano?"

Napabuga ng hangin si Zariyah sabay upo sa kutson na nasa silid ni Farrah, "Hindi nakadalo ang prinsipe kaya't narito ako upang tingnan ang kalagayan ng prinsesa. Ako nanaman ang nadamay sa pesteng pag-iibigan ng mga kamahalan na ito."

"Ayusin mo nga iyang lenggwahe mo. Sa'yo siguro natutunan ni Julia ang ganiyang pananalita." Irita akong napaiwas ng tingin.

"Julia?" Tanong niya.

"Asawa ko, hindi na nakapagtataka na hinahangaan ka niya noon pa, halos magkaparehas kayo ng ugali." Tugon ko. Nginisian niya ako, alam ko na agad ang kaniyang hudyat, "subukan mong agawin ang asawa ko, kakalabanin kita."

"Kumalma ka, prinsipe. Ni-hindi ko kilala ang asawa mo, hindi ko nga alam na may asawa ka o sadyang wala lang talaga akong pakialam sa buhay mo."

"Talaga namang-! Ang tulis ng dila mo." Pinigilan ko ang inis ko at baka maistorbo ko pa si Hana.

"Nga pala, bakit hindi nakadalo ang prinsipe? Siya lamang ang inaantay ng kapatid ko at wala pa siya. Kanina ko pa nga napapansin ang pagka-irita ni Farrah at pagkabalisa na animo'y hindi siya mapakali sa mga tao sa kaniyang paligid."

"Nakakahanga, kaya mong malaman ang nararamdaman ng prinsesa base lamang sa mukha nitong walang ekspresyon?"Sarkastikong aniya.

"Maniwala ako sa pagkahanga mo, hindi mo lamang mabasa ang prinsesa kaya wala kang maibalita diyan sa prinsipe mo pero sinabi ko na ang nararamdaman ni Farrah kaya may ibabalita ka na mamaya." Paliwanag ko.

Napatawa siya, "hindi lamang iyon, may malaki pa akong ibabalita sa kaniya na hindi mo alam."

"Ano?"

"Akala ko ba bantay sarado mo 'yang prinsesa? bakit hindi mo alam na pumayag na siyang magpakasal sa panganay na prinsipe ng timog?" 

'Ano? Si Hana? Papayag sa ganoon?' Nanlaki ang mga mata ko sa kaniyang ibinalita, "kailan?"

"Kanina lamang bago siya magpahinga, mukhang nagulat ka sa biglaang rebelasyon ko, patawad." Tinapik niya ang aking balikat bago siya lumisan.

"Hana? pumayag ka?" Gulat pa rin ang naramdaman ko. Hindi, hindi, hindi papayag si Hana sa ganoon, tiyak na may plano ang babaeng ito. Ano nanaman ang plano mo, Hana?

Center Empire PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon