Nasa labas na naman ng classroom si Casmin, nakaluhod at nakataas ang mga kamay.
"Nahuli ka na naman na nagbabasa ng online novel ano, habang nagtuturo si Teacher Emma." Nakapamaywang na sabi ng kaibigan niyang si Belle. Papunta ito sa kabilang silid para magpasa ng assignment at napadaan sa labas ng classroom nila.
Napanguso si Casmin. Palage na lamang siyang napapagalitan ng guro nila dahil kahit na nagtuturo ito, palihim naman siyang nagbabasa ng pocketbook, o ba kaya mga latest online or web novel na kakalabas lang sa online.
Adik na adik siya ngayon sa bagong trending na online novel na "You're My Miracle". Nahuli niyang nagbabasa ang Ate niya sa nobelang ito kaya naman sinubukan niya rin at nalamang kapanapanabik ang mga kaganapan sa kwento kaya naman halos pagpuyatan na niya sa gabi at kanina lang nahuli din siya ng guro nila na nagbabasa ng you're my miracle novel sa cellphone niya. Kaya naman kinumpiska ng guro ang kanyang cellphone at pinatayo siya sa labas ng classroom bilang parusa.
"Sabi ng Author na mag-a-update daw siya ng tatlong chapters ngayong araw. Gusto ko ng mabasa agad. Baka kasi ima-monetize na naman at mala-lock na bago ko mabasa ng libre." Sagot ni Casmin at napasimangot.
Carmela Jasmin Montivero na may palayaw na Casmin. Sixteen years old. At mahilig magbasa ng mga online novels o mga pocketbook.
"Bakit kasi hindi mo pa hinintay na magsilabasan na at sa bahay mo nalang basahin?" Sagot ni Belle.
Hindi na siya sumagot. Malilintikan din naman siya ng kanyang ina kapag nahuli siyang nagbabasa ng online novel sa halip na mag-aral. Hindi na rin siya nakapagpigil kanina kaya palihim siyang nagbabasa kaso nahuli siya ng kanilang guro.
Pag-uwi niya sa bahay, mabilis na kinuha ang cellphone at binuksan. Hinanap agad ang paborito niyang novel na siyang trending ngayon. Hindi niya gusto ang mga kwentong may drama at may mga tragic ending ngunit nakakaantig puso at nakakapukaw ng atensyon ang kwentong binabasa niya na kahit ayaw niya sa flow ng story nahahatak parin ang kanyang curiosity.
"Yes, may bagong update na naman." Napasuntok siya sa ere. Mabilis siyang nagtipa sa cellphone para mabuksan ang bagong chapter.
You're my miracle. Ito ang titulo ng kwentong kinahumalingan niya. Isang fantasy romance novel na pinagbibidahan ng isang prinsesang lumaki sa mahirap na pamilya at isang cold yet heroic prince na mula sa kalabang kaharian.
"Huh? Bakit gano'n? May namatay na naman? Bakit kailangan pang may mamamatay para sa kaligtasan ni Sayuri ha?" Isa sa kinaiinisan niya sa kwento ay ang pagkamatay ng mga mahal sa buhay ng bidang babae na si Sayuri na isa sa dahilan ng kalungkutan at mapait na buhay ng bida.
Marami kasi ang nagbubuwis ng buhay alang-alang sa kaligtasan ng bidang babae. Tapos pagdating ng ending, makakalimutan na ang mga extra na ito na parang hindi nag-i-exist sa kwento. Ang nakakaalala lang sa kanila ay ang mga readers na tunay na nagmamahal sa mga extra at di matanggap-tanggap ang kanilang pagkamatay.
Mabilis siyang nagtipa sa cellphone at nagkomento.
Caramel: Author, pwede namang sabay silang tumakas bakit nagpaiwan pa ang kanyang stepfather? Ano na lamang ang magiging buhay niya kapag namatay silang lahat?
Hindi lang ito ang unang beses na nagkomento siya at minsan nagrereklamo pa.
Caramel: Bakit kailangan pang mamatay ng mga extra para mas sisikapin ng bida na mas maging malakas? Pwede namang magpalakas kahit di na patayin ang mga extra a.
Caramel: Author, di mo dapat pinapapatay si Raiden.
Caramel: Bakit mo inubos lahat ng mga favorite character ko ha? (With cry imoji).
Panay reklamo niya kapag may mangyayari sa kwento na hindi niya nagustuhan, lalo na kapag may namamatay sa mga favorite characters niya.
Caramel: Hindi mo dapat pinapunta sa laban ang baby prince ko.
Caramel: Author, ang sama mo. Bakit pinatay mo ang minamahal kong heneral ha?
Dahil sa mga komento niya nagkaroon siya ng mga supporters at mga bashers.
Lady Q: Ano ba Caramel, kung ayaw mo sa takbo ng kwento ni Author wag mo nalang basahin. Umalis ka nalang.
Missy Ann: Oo nga. Gumawa ka nalang ng sarili mong kwento, wag pakialaman ang kwento ng author.
Caramel, ay ang pseudonym na ginamit niya.
Caramel: Nasasaktan lang ako. Nalulungkot para sa mga extra na tila ba wala silang karapatang magkaroon ng sariling happy ending dahil mga extra lang sila? Na para bang stepping stone lamang sila para sa happy ending ng mga bida? Di ba pwedeng hindi nalang sila mamamatay?
Hindi niya inaakalang maaagaw niya ang atensyon ng sikat na author na ito dahil sa komento niya.
Writer replied to you: Hindi lahat ng mga tao ay may happy ending. May ilan lang talagang pinagpala at nakaka-survive hanggang sa huli dahil sa sakripisyo ng iba.
Natahimik si Casmin habang binabasa ng paulit-ulit ang reply ng Author. Hindi niya pansin ang sagot at ang punto ng author ang pinagtutuonan niya ng pansin ay ang pag-reply ng author sa kanya.
"Ate. Ate, napansin ako ng author. Napansin ako." Sigaw niya mula sa loob ng kanyang kwarto.
Sa milyon-milyong mensahe hindi lahat nare-reply-an ng author at malamang abala din naman ito sa trabaho at di naman madalas nakakapag-online. Kaya naman, halos mapatalon sa tuwa si Casmin dahil sa dinami-rami ng mga nagkomento, isa ang mga komento niya sa mga napansin.
Nagmamadali namang pumasok ang ate niya na may bitbit na sandok at akma siyang hampasin gamit ito.
"Kanina pa kita tinatawag. Bakit nagtatago ka lang sa kwarto ha? Sabi ng tulungan mo akong maghanda ng hapunan e."
Siya si Sufiah Queency "Sufi" Montivero. 18 years old at mahilig manood ng mga fantasy romance drama.
"Nag-reply nga ang Author sa akin. Tingnan mo." Inilapit ang cellphone sa mukha ng Ate.
Tiningnan naman ng Ate niya ang kanyang cellphone. "Paanong di magre-reply e panay kontra mo sa takbo ng kwento niya. Kulang nalang pakialaman mo siya."
Napanguso siya at binaba ang kanyang cellphone.
"Para na ba talaga akong nangingialam?" Muli niyang tiningnan ang screen ng cellphone.
"Sinabi mo pa. Lumabas ka na nga diyan. Mamaya na iyang kaka-cellphone mo. Isusumbong talaga kita kay Mama kapag di ka pa titigil diyan."
"Lalabas na nga o." Mabilis niyang ibinaba ang cellphone at sumunod na sa kanyang Ate palabas ng kwarto.
***
YOU ARE READING
Am I in The Wrong Novel?
FantasyIsang ordinaryong dalagang mahilig magbasa ng mga online novels, ang hindi nakuntento sa nagiging wakas ng binabasa niyang nobela, kaya naisipan niyang bombahin ng komento at reklamo ang binabasang kwento. Hindi inaasahang magigising siya isang araw...