"Alll. Liyun, Laiji. Laa. Le. Le, ay kainis na talaga." Ilang araw ng sinasanay ni Casmin ang pagbanggit ng mga pangalang may letrang R ngunit nahihirapan pa rin siyang banggitin ito.
"Tuloy-tuloy naman ang pagbibigkas ko nito minsan a. Bakit kapag nakikipagtalo ako sa anak ng Emperador na iyon nabubulol pa rin ako sa letrang Al." Napangiwi nang al pa rin ang nababanggit kapag sinasabi ang “AR”. May mga pagkakataong nabibigkas naman niya ang letrang R ngunit madalas nabubulol talaga siya.
"Wag mo kasing pinipilit ang dila mo Master. Tandaan mo, nasa batang katawan ka at posibleng hindi pa talaga nakakabigkas ng tama iyang batang katawan na mayroon ka ngayon." Sagot naman ni Tinker na kanina pa halos mahilo sa pagpaparoo't-parito ni Casmin.
"Kasalanan mo ito e. Sa dinami-rami ng katawang paglalagyan mo sa akin ito pa talagang munting batang ito." Sagot ni Casmin gamit ang kanyang isip.
"Iyan lang po kasi ang katawang nababagay sa kaluluwa ninyo Master. Saka ang cute kaya ng batang iyan." Sagot naman ni Tinker.
"Siori, hindi mo ba alam na malapit na akong mahilo sa kakalakad mo diyan?" Saka naman natauhan si Casmin nang marinig ang boses ng Emperador.
"Bakit ka kasi nandito?"
"Kwarto ko to."
Bigla namang naalala ni Casmin na nandito nga pala sila sa silid ng Emperador. May extrang kama na ang nakalagay sa gilid na may mga cute na mga stuff toys.
"Oo nga pala. Nandito pala ulit ako sa kwarto ng Emperador na ito." Sambit niya at natampal na lamang ang noo.
"Mag-shower ka muna bago matulog. Ayaw ko sa madungis na bata." Sabi nito bago lumabas sa silid. Isang maid naman ang pumasok na siyang magpapaligo sa kanya.
Habang naliligo, biglang may notification ang lumutang sa hangin.
"New mission unlock. Be the young prince Seo Yan's teacher. Mission reward: You can request anything."
"Tinker. Tingnan mo, ano to? May punishment ba ako kapag di ko ito nagawa?" Tanong niya agad kay Tinker na nakalutang sa hangin.
"Wala namang nakalagay na punishment. Pero may magandang reward. Malay mo, pwede mong hilinging magising na ang iyong ama kapag nagawa mo ang misyon na iyan."
Agad namang nagliwanag ang mga mata ni Casmin sa narinig. Bigla siyang napatayo mula sa bathtub.
"May problema ba kamahalan?" Tanong ng maid na nagmamasahe sa kanyang ulo.
"Buti nalang talaga, sa isip ko lang kinakausap si Tinker. Kundi pa, baka napagkamalan na akong baliw." Sambit na lamang niya.
"Ah, wala. Gusto ko ng magbihis." Agad namang kinuha ng maid ang tuwalyang gagamitin niya.
Pagkatapos makapabihis, agad tiningnan ni Casmin kung ano na ang nangyayari kay Seo Yan.
Ngunit napamura siya makitang nasa border na ito ng Amradin.
"Tinker, bakit pinadala sa giyera ang baby ko? Ang bata-bata pa niya a." Sigaw niya kay Tinker gamit ang isip.
"Master, kaya mong baguhin ang kapalaran nila ngunit hindi ang takbo ng mundong ito. Mangyayari at mangyayari talaga ang ibang mga dapat mangyari katulad na lamang ng paparating na digmaan ng tatlong Emperyo." Paliwanag ni Tinker.
"Pero wala naman akong nabasang may nangyaring digmaan sa kwento a."
"Ang nabasa mo ay ang point of view lamang ng mga karakter sa kwento. Hindi sa lahat ng pagkakataon na may alam sila sa iba pang mga kaganapan na hindi sila ang sangkot. Ang mga nababasa mo ay ang mga bagay lamang na alam nila o may koneksyon sa kanila ngunit hindi mo pa nababasa ang ibang mga nangyayari sa point of view ng iba o sa pangkalahatang point view na saklaw lahat ng mga kaganapan sa buong mundo ng Sumeria."
Saka naalala ni Casmin na marami ang bida at marami ang kwento na binuo ni Seior sa mundong ito. At halos lahat nasa iisang point of view. Kadalasan, nasa point of view ito ng bida.
"Sa unang digmaan ng tatlong Emperyo mawawasak ang isa sa tatlong Emperyo. Iyon ay dahil habang nakikipaglaban ang mga mandirigma sa border, sinalakay na pala ang kanilang Emperyo ng mga kalaban."
Napakagat naman ng kuko si Casmin. Iisang Emperyo ang alam niyang mawawala sa kasaysayan. Iyon ay ang lugar kung saan nagmumula ang angkan nina Serena at Nimrod. Dahil minsan lang nabanggit ang lugar na iyon sa kwento ng You're my miracle, walang gaanong alam si Casmin patungkol sa lugar. Ang natatandaan lang niya doon nagmumula ang pitong protector.
Minsan lang nabanggit ang lugar na iyon noong maging protector ni Sayuri ang tatlo sa pitong mga protector. Mangyayari iyon, limang taon pa mula ngayon.
"Maaari na ba akong pumunta?" Tanong ni Casmin kay Tinker.
"Master, tandaan mo. Bawal kang mahawakan ng target mission. Kapag nahawakan ka niya hindi ka makakabalik sa Emeria gamit ang portal sa space na ito. Kailangan mong maglakbay pabalik sa Emeria pag nangyari iyon. Higit sa lahat, maaring maiiwan mo ang katawan ni Siori sa kung saan o ba kaya'y hindi ka makakabalik sa inyo at magiging Siori ka na habang buhay."
Napalunok ng kaway si Casmin sa narinig. Kailangan pa siya ni Siori at kailangan din siya ng kanyang ina at ama sa mundo niya. Kaya hindi maaaring magiging Siori siya habang buhay.
"Tandaan mo, NO TOUCHING." Paalalang muli ni Tinker.
"Oo na, oo na. Nahahawakan ko naman ang iba hindi ba?"
Sa border ng Amradin makikita ang isang batang ilang ulit ng bumagsak sa lupa ngunit sinisikap pa ring makatayo. Duguan ang mga labi, napuno ng alikabok ang gusot na kasuotan at may mga pasa sa mukha. Sa halip na umiyak, makikita sa mga mata nito na determinado itong matututo.
"Kung ganyan ka kahina, paano mo maililigtas ang mga mahal mo sa buhay kung sarili mo nga hindi mo kayang ipagtanggol?" Sabi ng guro nito sa nanghahamak na tono.
Lalo namang tumalim ang tingin ni Seo Yan. Muling bumangon at sinugod ang kanyang guro. Ilang sandali pa'y tumilapon na naman ito.
"Iyan lang ba ang kaya mo? Sabagay, anong kaya ng isang inabandonang prinsipe. Kung hindi lang sa pakiusap ng lolo mo, hinding-hindi ako mag-aaksaya ng oras para turuan ka."
Umasim ang mukha ni Casmin sa narinig. Kanina pa niya inoobserbahan ang gurong ito, na tinatawag nilang Martial Arts teacher ni Seo Yan ngunit sa halip na magturo o bigyan ng pointers ang bugbog na bata, pangbubugbog at panghahamak lamang ang binigay.
"Langyang gurong to. Pag di talaga ako makapagpigil sisipain ko to palayo." Sambit ni Casmin.
Napasigaw bigla si Casmin makitang tumilapon muli si Seo Yan.
"Seo Yan." Tumakbo siya palapit sa bata at hahawakan na sana nang maalalang bawal niya itong hawakan.
Napaungol si Seo Yan. Bahagyang dumilim ang kanyang paningin nang bigla niyang marinig ang boses ng nilalang na matagal na niyang hinihintay. Muli niyang naibuka ang mga mata.
"Master." Sambit niya habang hinahanap ang boses.
"Ano na? Yan lang ba ang kaya mo?" Nakangising tanong ng kanyang guro habang nakayukong pinagmamasdan siya.
"Dumampot ka ng buhangin at ibato sa mukha niya sabay sipa sa utlog niya." Ito ang boses na naririnig ni Seo Yan na agad namang sinunod. Kasunod nito ang pagmumura ng guro at ang hiyaw nito na umalingawngaw sa paligid.
***
YOU ARE READING
Am I in The Wrong Novel?
FantasyIsang ordinaryong dalagang mahilig magbasa ng mga online novels, ang hindi nakuntento sa nagiging wakas ng binabasa niyang nobela, kaya naisipan niyang bombahin ng komento at reklamo ang binabasang kwento. Hindi inaasahang magigising siya isang araw...