Kaharap ngayon ni Casmin si Amaru. Nang marinig kasing may kausap ang kanyang apo, nagdududa siya na baka may espiyang nakapasok sa kanilang kampo. Pag-alis ni Seo Yan agad siyang pumasok. At nakita ang napaka-cute na bata na nakaupo sa kama ng kanyang apo.
"Kaya pala pulang-pula ng apo ko. Pagkagandang bata nga naman." Sambit niya sa isip ngunit malamig na tingin ang ibinibigay kay Casmin.
Marami na sa mga kalaban na minsan mga bata ang ipinapadala para mag-espiya. Kaya sinusubukan niya si Casmin at tingnan ang reaksyon nito kung posible bang isa itong espiya.
"Ano'ng pangalan mo?" Malamig nitong tanong.
"Buti nalang nakaharap ko na ang ama ni Siori na mas malamig pa makatingin kaysa matandang ito. Kundi pa, baka nilalamig na ako sa kaba." Sambit naman ni Casmin sa isip.
"Siori po."
Tumaas ang kilay ni Amaru makitang nanatiling nakaupo si Siori habang kagat-kagat ang kuko. Agad ibinaba ang kamay mapansing napapakagat na naman pala sa kuko. Bumaba sa kama at pinagtagpo ang isang kamao at palad saka bahagyang yumuko.
"Siori? Bakit ka napadpad sa lugar na ito?"
"Senior Sister po ako ng inyong apo. Iniwan ako ni Master dito dahil kailangan. Tanungin niyo po ang apo niyo kung hindi kayo naniniwala sa akin."
Pumasok naman si Seo Yan na may dala-dalang kahoy.
"Lolo, bakit kayo nandito?" Tanong niya sabay baba sa putol na kahoy at pumasok sa loob ng tent.
Tiningnan naman siya ng lolo sabay tingin nito kay Casmin.
"Ah, di po ba may tumulong sa amin ni ina? Dumaan siya kanina at iniwan sa akin ang batang iyan." Naikwento na niya sa kanyang lolo ang patungkol sa misteryosong nilalang na palaging tumutulong sa kanya at sa kanyang ina. At kung hindi dahil sa misteryosong nilalang na iyon posibleng na wala na siya ngayon.
"At bakit hindi mo agad sinabi sa akin ha?"
"Sasabihin ko naman po sana pero wala kayo sa tolda niyo. Kaya kumuha na lamang ako ng kahoy para magawan ko na siya ng matutulugan niyang kama." Sagot agad ni Seo Yan habang nakayuko.
"Bakit hindi man lang nagpakita ang Master niyo sa akin?"
"Gustuhin man niya, ngunit hindi po talaga siya nakikita." Sagot ni Casmin.
Napahawak naman si Amaru sa kanyang bigote. May mga nilalang na hindi nakikita ng mga ordinaryong Sumerian. Sila ang mga nilalang na nagmumula sa misteryosong kontinente. Tinagurian nilang mga imortal ang mga naninirahan sa kontinente na iyon. Dahil nabubuhay sila mahigit ilang daang libong taon. Hindi katulad nilang mga Radinian na nabubuhay lamang ng ilang daang taon.
Ngunit bihira lamang sa mga nanggaling sa misteryosong kontinente ang mananatili sa ibang kontinente o kahariang malayo sa kanilang tahanan. Iyon ay dahil manghihina ang kanilang katawan at kapangyarihan at posible pang mapapadali ang kanilang pagtanda kapag malayo sila sa kanilang kontinente.
Dahil may kung anong enerhiya o kapangyarihan sa kontinente nila na siyang dahilan kung bakit hindi sila agad tumatanda. At kung may nilalang man na nanggaling doon tiyak na napapadaan lang at hindi pwedeng magtagal.
Nagiging buo ang paniniwala ni Amaru na nanggaling sa misteryosong kontinente ang misteryosong tagapagligtas at misteryosong Master ni Seo Yan.
"Saang kaharian ka galing? Sa kutis at ganda mo, imposibleng mula ka sa ordinaryong angkan. Wala pa akong nakitang batang kasingganda mo sa buong buhay ko." Tanong muli ni Amaru.
"Sa Emeria po."
Napalingon -lingon naman si Amaru sa paligid. Nag-aalalang baka may nakarinig.
"Isa kang Emerian?" Napahilot siya sa noo. "Alam mo bang mapanganib para sa mga batang Emerian ang lugar ba ito? Mga Radinian kami alam mo ba iyon?"
YOU ARE READING
Am I in The Wrong Novel?
FantasyIsang ordinaryong dalagang mahilig magbasa ng mga online novels, ang hindi nakuntento sa nagiging wakas ng binabasa niyang nobela, kaya naisipan niyang bombahin ng komento at reklamo ang binabasang kwento. Hindi inaasahang magigising siya isang araw...