Nailigtas na ni Casmin ang anim na mga mandirigma ngunit hindi pa rin naglalaho ang danger sign na nasa tuktok ng ulo ng mga ito. Ibig sabihin na hindi pa ito ang panganib sa buhay nila.
Patay-sindi naman ang danger sign na nasa tuktok ng ulo nina Imori at ng iba pang mga Debyin na mga kasama nito. Palatandaan na mas nalalagay sa panganib ang buhay nina Imori kumpara sa mga mandirigma ng Amradin.
"Mapanganib ang mga yan." Sabi ni Julius.
"Wag kayong mag-alala. Mababait sila." Sagot ni Casmin.
"Mababait? Pagkatapos ng ginawa nila sa amin sasabihin mong mababait?" Hindi makapaniwalang sambit ng kasama nina Jaffet.
"Muntik na kaming maging hapunan, alam mo ba yun?" Sagot naman ng isa pa.
Kumunot naman ang noo ni Delvis. Kilala silang nangangain ng kapwa Sumerian tapos sinasabi ng batang ito na mababait sila? Palibhasa mukhang bata ang kaharap nila ngunit mas nakakatakot pa kaysa sa mga halimaw na nakakasalubong nila sa gubat.
Maalala ni Imori ang kulay puting liwanag na nagmumula sa mga kamay ni Casmin, naisip niyang may posibilidad na isang Saintess ang batang ito. At kung hindi man, posibleng hindi ito pangkaraniwang kapangyarihan na alam niyang kahit siya ay walang laban.
Nagdududa siya na isang eksperto si Casmin na ginamit ang anyong bata para hindi mahalata ng iba na isa siyang eksperto. Sabagay, tama naman siya sa part na hindi tunay na bata si Casmin. Nasa batang katawan lang.
"Seo Yan, samahan mo sila pabalik. Sasama ako sa kanila." Sabay tingin kina Imori. Nang sabihin niya iyon, naglaho agad ang danger sign sa mga ulo ng anim na mandirigma.
"Kung ganon, may kinalaman ang panganib sa buhay nila ang makasama ang grupong ito." Naisip niyang posibleng may mangyayaring pag-atake habang dala-dala nina Imori sina Jaffet at iba pa na dahilan kung bakit malalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Posible ring may mangyayaring hindi maganda kina Jaffet pagdating nila sa tirahan ng mga Debyin.
"Sama ako sayo. Hindi kita iiwan." Sagot ni Seo Yan.
"Kapag sasama ka, magiging pabigat ka lang. Ang hina mo pa kaya." Sagot ni Casmin na ikinabagsak ng balikat ni Seo Yan.
Naikuyom ng mariin ni Seo Yan ang kamao at pinangako sa sarili na magpapalakas siya.
Nagdududa namang nakatingin si Imori kay Casmin. Iniisip kung anong binabalak nito kung bakit gustong sumama. Kahit naman malakas ito, oras na makapasok si Casmin sa kanilang teritoryo, wala na itong laban. Anong kayang gawin ng isang eksperto na nasa batang katawan laban sa mga eksperto ng Debyin?
"Gusto ba niyang mamatay?" Tanong ni Julius.
"Ano pang ginagawa niyo? Alis na." Taboy ni Casmin kina Seo Yan.
Habang umaalis, paglingon -lingon naman si Seo Yan kay Casmin.
"Wag mong tangkaing sabihin sa lolo mo na iligtas ako. Dahil kaya ko na ang sarili ko." Sabi ni Casmin.
Nabigla naman si Seo Yan sa narinig. Iyon nga sana ang plano niya. Pagdating nila sa kota ng Amradin, pakiusapan ang lolo niya na iligtas si Casmin. At lulusubin nila ang mga Debyin.
"Pero bakit?"
"Kung may tiwala ka sa Master mo, makikinig ka sa akin."
Nang maalalang nakakausap din ni Casmin ang invisible Master nila, saka nakahinga ng maluwag si Seo Yan. Iniisip na ililigtas din si Casmin ng kanilang Master sakali mang malalagay sa panganib ang buhay nito. Kaya nawala agad ang kanyang pag-alala.
Nang makaalis na sina Seo Yan, sumama na rin si Casmin kina Imori.
"Bakit naisipan mong sumama? Hindi ka ba natatakot sa posibleng mangyari sayo? Gusto mo bang magiging pagkain namin?" Tanong ni Imori.
"Nakikita ko kasing nanganganib ang buhay niyo. Gusto ko lang alamin kung bakit." Sagot ni Casmin.
Kumunot naman ang noo ni Imori. "Hindi ba't ikaw ang mas nalalagay sa panganib ang buhay sa pagsama mo sa amin? Ano naman kung malalagay sa panganib ang buhay namin?"
"Kapag naubos ang lahi niyo na siyang nagbabantay sa gubat na ito, at mapapasakamay ito ng ibang emperyo o kaharian, malalagay sa panganib ang mga kahariang nakapaligid dito. Kaya hindi pwedeng may mangyayaring masama sa inyo o sa lugar na tinitirhan niyo."
"Walang sinumang mula sa labas ang makakapasok sa village namin kaya imposibleng makakapasok ka ng ligtas." Sagot ni Delvis.
"Hindi naman ako papasok. Sasamahan ko lang kayo sa biyahe para malaman kung saan ang problema kung bakit nalalagay sa panganib ang mga buhay niyo. Sa biyahe ba o sa village niyo mismo anh panganib na naghihintay sa inyo." Sagot ni Casmin. Nahagip ng tingin niya si Dyana na kanina pa patingin-tingin sa kanya.
Nagtago ito sa likuran ng kanyang ina nang makitang nakatingin si Casmin sa kanya.
"Ina bakit po sobrang ganda niya?"
"Baka may lahing imortal siya anak." Sagot naman ni Imori.
Naglakbay pa sila ng ilang oras hanggang sa makarating sila sa isang lugar na nababalot ng puting usok na dahilan kung bakit hindi nila makita ang kabilang bahagi.
"Ito ang unang defensive barrier ng village namin. Hindi ka na maaaring sumama papasok dahil mapanganib para sa mga estranghero ang lugar na ito." Sabi ni Delvis.
Pansin niyang sa tuktok ng mga ulo nila nakatingin si Casmin.
"Lumalakas ang banta ng panganib sa tuktok ng mga ulo niyo. Posibleng may nangyayaring hindi maganda sa village niyo mismo." Sabi naman ni Casmin.
"Magpapaalam na ako." Sabi niya at naglaho na bago pa man makapagtanong sina Delvis.
Hindi na nila pinansin ang banta ng panganib na sinasabi ni Casmin. Ngunit sumama naman ang kutob ni Imori.
"Paano kung may nangyayari ngang masama sa village?" Sambit niya pa sa sarili. At mas lumala ang kanyang pakiramdam nang makasalubong nila ang isang mandirigma ng kanilang tribu na tumatakbo.
"Madam, mabuti at nagbalik na kayo. Nilusob ng mga hindi nakikilalang mga assassin ang village natin." Hinihingal nitong sabi.
"Ano? Paano nangyari yun?" Halos mapasigaw ng tanong ni Imori. Saka naalala nila naalala ang panganib na sinasabi ng batang estranghero kanina.
Nagmamadali silang pumasok sa mausok na gubat. Agad namang sumunod si Casmin na nakalutang na ngayon sa hangin.
Sa paligid niya ay ang misyong patungkol sa pagliligtas sa Debyin tribe.
"Save Dyana's life and you will earn 100 points."
Kadalasang 1 point lang ang binibigay sa kanya sa bawat panahong nakakaligtas siya ng isang buhay. Ngunit 100 points ang makukuha niya kapag nailigtas niya si Dyana. 50 points naman kapag nailigtas niya si Imori, 11 points kapag nailigtas niya si Delvis at tig 5 points ang makukuha niya kapag nakakaligtas siya ng sinumang mga Debyin.
Mas mahalaga ang buhay ng mga Debyin na ito kumpara sa ibang mga Sumerian.
Habang papalapit na sa village ng mga Debyin, natatanaw na niya ang isang malasyudad na lugar sa gitan ng nagtatayugang mga bundok. Nakikita rin niya ang mga usok at naririnig ang sigaw na nagmumula roon.
Napangiwi siya makitang may nagsilitawang mga negative 1 na kulay pula, na ibig sabihin na nagbabawas ang mga puntos niya. Isa sa rason kung bakit kailangan niyang iligtas ang mga Debyin dahil ang isang buhay na namamamatay o nasusugatan sa mga ito, mababawas sa puntos na meron siya.
Hindi niya alam kung ilan ang populasyon ng mga Debyin. Paano kung nasa 20,000 sila? At mauubos lahat? Mababawasan din siya ng 20,000 points. Malaking kawalan iyon para sa kanya. Kaya naman sisikapin niyang mailigtas ang tribung ito kahit kilala pa sila bilang masasamang Sumerian na kumakain ng kapwa Sumerian.
Naikusot niya ang mga mata makitang ang daming danger sign sa buong paligid. Hindi niya mabilang sa sobrang dami. Ang iba, nakakalat sa paligid ng village.
"Ilan ba sila lahat? Bakit parang ilang libo naman yata? Paano ko sila maililigtas e nag-iisa lang naman ako, nakakalat pa sila?" Iiling-iling niyang sambit.
***
YOU ARE READING
Am I in The Wrong Novel?
FantasyIsang ordinaryong dalagang mahilig magbasa ng mga online novels, ang hindi nakuntento sa nagiging wakas ng binabasa niyang nobela, kaya naisipan niyang bombahin ng komento at reklamo ang binabasang kwento. Hindi inaasahang magigising siya isang araw...