"Master." Nanabik na tawag ni Seo Yan. Hinding-hindi niya makakalimutan ang boses ng kanyang tagapagligtas. Hindi niya pinansin ang kanyang guro na panay mura sa kanya habang namimilipit sa sakit na nakahawak sa kayamanan nito.
Nang makatayong muli, agad sinugod si Seo Yan ngunit may kung anong bagay na nasipa ang kanyang mga paa na ikinatisod niya at ikinasubsob ng mukha sa maalikabok na lupa.
"Totoo kayang may sumpa ang batang ito?" Sambit ng guro sa kanyang isip maalala ang mga kumakalat na haka-haka tungkol sa ikalimang prinsipe na di umano'y matatamaan ng kamalasan ang sinumang mapapalapit sa kanya.
"Hindi kaya minamalas ako dahil sa batang ito?" Agad siyang bumalik sa kanyang tent at nang makapagpahinga'y pinuntahan agad ang lolo ni Seo Yan upang magretiro na sa pagiging guro.
Ayaw niyang matulad sa sinapit ng pamilyang Tsung na naghihirap na ngayon. Nang makaalis kasi sa tahanan ng mga Tsung sina Seo Yan ang kanyang ina, nasunog ang tahanan ng mga Tsung at walang kahit kaunting kayamanan ang naisalba ng mga ito.
Naglaho namang bigla si Ginoong Tsung matapos malamang bibitayin siya dahil sa pagdala sa reyna sa kanyang tahanan bilang asawa. Ang kanyang asawa naman tila nawala na sa katinuan. At ang mga anak nito ay namamalimos na lamang.
Dahil sa haka-hakang isinumpa ang ikalimang prinsipe, iniisip ng lahat na ang nangyayaring hindi maganda sa pamilyang Tsung ay dahil sa kamalasang iniwan ng ikalimang prinsipe sa kanilang tahanan.
Hindi man lang nila naisip na ang mga nangyayari sa pamilyang ito ay dahil din naman sa kanila. Nasunog ang tahanan ng mga Tsung iyon ay dahil sinunog ito sa Sumerian na matagal ng may galit sa kanilang pamilya. Matagal na nitong ninais makapaghiganti, sadyang wala lamang itong makitang pagkakataon.
Kaya nang kumpiskahin ng Emperador ang yaman ng mga Tsung bilang parusa sa pagpapahirap sa isang prinsipe at pagtatangkang gawing concubine ang isang inabandonang reyna, at tanging ang tahanan lamang ng mga ito ang natira, sinunog ng Sumeria'ng may galit sa mga Tsung, ang kanilang tahanan, nang sa gano'n wala ng matitirhan pa ang mga Tsung.
Ngunit dahil sa nangyari marami ang haka-hakang kumalat na di umano, isinumpa ang mga Tsung dahil kinupkop nila ang inabandonang reyna at ang anak nitong prinsipe.
Napahilot naman sa sentido si Heneral Amaru. Ilang guro na ba ang sumukong maging guro ng kanyang apo? Kailangan niyang mapalakas agad ang kanyang apo, dahil kung hindi, tiyak na wala siyang kasiguruhan sa kaligtasan nito lalo pa't natuklasan nilang iba na ang namumuno sa misteryosong Emperyo. At ayun sa informant nila, mahilig manakop ang bagong pinuno na ito.
Higit sa lahat, posibleng lusubin sila ng hukbo ng Emeria anumang oras. Kaya kailangan nilang magiging alerto palagi.
Panay tawag naman ni Seo Yan sa kanyang Master.
"Master, andyan ka pa ba? Bakit hindi ka nagpapakita?" Malungkot na may halong pagsusumamo ang kanyang boses.
Nakita niyang may lumitaw na isang maliit na bote sa munting mesa na nasa loob ng kanyang tent.
"Inumin mo iyan, nang sa ganoon gumaling ka agad." Ang narinig niyang malumanay na boses na may himig na pag-aalala. Sa buong buhay niya, tanging ang kanyang ina at lolo lamang ang nag-aalala sa kanya. Ngunit ngayon may isa pa na hindi niya nakikita. Ngunit palaging nandiyan kapag nanganganib ang kanyang buhay.
Agad niyang ininom ang likido sa maliit na bote. Naramdaman niya ang mainit na sensasyong pumasok sa kanyang lalamunan. At unti-unting naramdaman ang panunumbalik ng kanyang lakas.
"Ilang araw lang akong nawala a, bakit ang payat-payat mo na naman ulit?"
"Master, dalawang taon po kayong nawala." Sagot agad ni Seo Yan.
Napaawang naman ang bibig ni Casmin sa narinig. Tinawag agad si Tinker kung bakit dalawang taon na ang lumipas sa panahon ni Seo Yan.
"Master, magkaiba po ang oras sa inyo, sa space at sa Emeria. Mas mabilis po ang oras dito sa Amradin." Paliwanag ni Tinker.
"Paano naging magkaiba ang kanilang oras e pareho naman silang nasa iisang mundo?" Tanong ni Casmin.
"May kontinente pa nga rito na ang isang araw dito, isang libong taon na sa kontinente na iyon. Ngunit matagal din tumatanda ang mga naninirahan doon kahit mabilis ang kanilang oras."
Lalo namang kumunot ang noo ni Casmin sa narinig. Hindi niya alam na may ganoong kontinente sa Sumeria at kung ano pa bang mga impormasyon na matutuklasan niya na hindi niya nabasa sa kwento.
Habang tahimik si Casmin napapaisip naman si Seo Yan. Iniisip na kaya pala matagal nawala ang Master niya iyon ay dahil mas mabilis ang oras nila dito sa Amradin kumpara sa lugar kung saan nanggaling ang kanyang Master.
"Baby, bakit mo nga ba ako tinatawag na Master ha?" Tanong ni Casmin na bahagyang yumuko para mapantayan ang taas ni Seo Yan. Kapag kinakausap kasi niya si Seo Yan, nagiging Casmin siya at hindi Siori.
Naramdaman naman ni Seo Yan ang hangin na tumama sa kanyang mukha. Namula agad ang kanyang tainga maisip na malapit lamang ang mukha ng kanyang Master. Mas lalong namula ang mukha nang marinig ang tawag sa kanya na Baby.
"Hindi na ako baby. Bigboy na ako." Pinakita agad ang kanyang patpating braso na ikinatawa naman ni Casmin.
"Oo na. Oo na. Bigboy ka na." Sabay tapik ni Casmin sa tuktok ng ulo ng bata.
"Simula ngayon, ako na ang magiging Master mo."
Nagliwanag agad ang mga mata ng bata sa narinig. Hinimas pa ang tuktok ng ulo habang lumalawak ang bawat sulok ng kanyang mga labi.
"Master, hinawakan mo ang mission target." Paalala ni Tinker ngunit huli na ang lahat.
"Maraming salamat po. Pangako, magiging mabuting mag-aaral niyo po ako." Agad iniluhod ni Seo Yan ang mga tuhod at pinagtagpo ang isang kamao at palad.
Habang nagpapasalamat hindi napansin ang pananahimik ng kausap.
Naiiyak naman si Casmin dahil nakalimutang bawal hawakan ang mission target. Ramdam niya ang papalitaw niyang katawan.
Mag-aangat na sana ng tingin si Seo Yan nang makarinig ng tawag mula sa labas.
"Seo Yan, andyan ka ba?" Tanong ni Amaru na nasa labas ng tent.
"Opo." Agad na sagot ni Seo Yan sabay pihit ng ulo sa may pintuan ng tent.
Agad namang nagtago si Casmin sa likod ng matigas na kama ni Seo Yan bago pa man makita ang kanyang katawan.
"Alis muna ako Master, pupuntahan ko lang si Lolo." Sabi ni Seo Yan. Mapansin walang sumagot, agad siyang nalungkot.
"Baka ayaw niyang may makaalam na iba kaya tumahimik siya." Sambit pa nito. Agad siyang lumabas sa tent at hinarap ang kanyang lolo.
***
YOU ARE READING
Am I in The Wrong Novel?
FantasyIsang ordinaryong dalagang mahilig magbasa ng mga online novels, ang hindi nakuntento sa nagiging wakas ng binabasa niyang nobela, kaya naisipan niyang bombahin ng komento at reklamo ang binabasang kwento. Hindi inaasahang magigising siya isang araw...