"Ito lang po ba ang dadalhin sa simbahan?" tanong ko kay Senyora Agoncillo. Bitbit ko ngayon ang bulaklak na ipapabigay niya sa simbahan.
Ngumiti siya at tumango. "Mag-ingat ka sa daan, Talisay."
"Opo. Wag po kayong mag-alala, may bantay ako." Sabi ko at sumulyap sa aso sa tabi ko. Ito yung bumuntot sa amin dati ni Arcasio.
"O siya sige. Salamat ha? Bumalik ka rito sa susunod kung may oras ka."
Ngumiti ako at tumango. Nag-paalam na rin ako. Sumunod naman ang aso sa akin. Nakasalubong ko lang siya kanina kaya binigyan ko ng pagkain. Mukhang natatandaan rin naman ako kanina kaya ayon bumuntot sa akin.
Hindi ko nga alam kung ano ipapangalan ko rito, hindi ako makapili. Pero ang iba't ibang personality ko may majority vote e. Papangalanan ko 'tong Arcasio tutal miss na miss ko naman si Heneral.
Nakakairita nga rito e, mas lalo yatang humigpit ang pagbabantay. Ni-hindi na ako makapagpadala ng sulat kay Arcasio.
Papasok sana ako sa simbahan ng harangin ako ng mga sundalo. Binaba ko ang bulaklak. Pinagtaasan ko sila ng kilay. Kilala ko 'tong mga 'to ah! "Hoy, Ibra, Pako." Tawag ko.
Mariin nila akong tinitigan. Nakipagtitigan ako para maalala ako ng mga siraulong 'to. Nakasama ko 'to sa kuwartel. Pinahiram nila ako ng baril at tinuruan kung paano manghuli ng usa.
"Talisay?" si Pako. Naging pabilog naman ang labi ni Ibra, mukhang nakikilala na ako.
"Ako nga." Sagot ko.
"Ako na ang magdadala nito. Tulungan kita." Kinuha ni Ibra ang bulaklak at hinawakan pa ang aso sa ulo.
"Bakit pati sa simbahan may bantay?" pabulong kong tanong. "Hindi kayo sumunod kina Heneral?"
Umiling si Pako. "Hindi e. Sabi ni Kaloy dito daw kami. Pero biglang dumating si Heneral Trinidad, kaya sunod sunuran muna kami hangga't wala pa si Arcasio."
"E ano ba ang nangyayari?" tanong ko. Akala ko wala na akong makikilalang sundalo rito, mabuti na lang at nandito pa ang dalawang 'to. May pagtatanungan ako—pero depende na lang iyon kung may hindi rin sila alam.
"May pinapapasok nang mga dayuhan. Sa pagkakabalita ko may ipapatayong istraktura rito na pabor sa gobyerno. Hindi alam ni Heneral. Ni pati ang Gobernador natin rito sumusunod bigla sa mga Trinidad." Bulong ni Ibra.
Si Gobernador Agoncillo, asawa ng pinagkuhanan ko ng bulaklak. Sa pagkakaalam ko, malapit na magkaibigan ang mga Agoncillo at Lopez, e bakit naging ganito?
"Ang mga natirang nasa hukbo ni Arcasio hindi pinapaluwas para makasunod sa Nueva Ecija. Kaya nga rin hindi kami makapagsabi sa nangyayari rito."
"Paano kaya pag tumakas?" tanong ko. Mukha kaming mga chismosong nagbubulungan. Ang sakit naman sa puso nito, nagchichismisan sa simbahan. Pasensya na, Hesus!
"Mapapatay kami." Napabuntong hininga si Ibra. "Yung tagapag-mensahe na pinagsasabing pinagkatuwaan e hindi naman totoo. Pinatay 'yun ng mga sundalo na nasa hukbo ni Trinidad. Nalaman na lang rin namin dahil sa banta sa amin kaya hindi na kami nagsumbong."
Lumilipad ang utak ko habang nakasunod kay Ibra na tinulungan nga ako sa bulaklak. Nang makarating kami sa harapan ng altar. Sinalubong kami ng Pari nang purok.
"Magandang araw po." Bati ko at nagmano.
"Pagpalain ka ng Diyos." Anito. "Maraming salamat at naglaan ka muli ng oras para maiparating rito ang bulaklak. Salamat rin Ibra sa pagtulong kay Talisay."
"Walang anuman po. Babalik na po ako sa pwesto ko." Paalam nito. Tinanguan ako ni Ibra at bumalik nga siya sa pwesto niya sa harapan ng simbahan.
"Kamusta po kayo?" tanong ko at inayos ang bulaklak. May permiso ako sa Pari na ayusin ang mga bulaklak. Ako ang taga-disenyo rito ng bulaklak sa altar—tulong na rin sa iba pang nagdi-disenyo rito.
BINABASA MO ANG
Impulsion de Sueños (COMPLETED)
Historical FictionPagtatatuwa: Ang mga pangalan, tauhan, lugar at insidente sa istoryang ito ay pawang kathang isip lamang at hindi nangyayari o mangyayari sa totoong buhay. Sa anumang pag-kakahalintulad sa totoong buhay ay hindi sinasadya at nag-kataon lamang. Buod:...