Chapter 4
"Payagan mo na po kasi ako, Nanay." Pagpupumilit ko habang sinusundan siyang bumaba papuntang sala.
"Hay nako, Zyreena. Ang tigas talaga ng ulo mo. Kapag sinabi kong hindi pwede, hindi!"
Napakamot tuloy ako sa'king ulo dahil sa inis. "Naglinis na nga po ako ng bahay, eh."
"Aba, nasaan ang linis d'yan? May alikabok pa, oh." Sabay punas sa vase gamit ng daliri niya.
"Grabe naman po 'yang mata mo, Nanay. Hindi pa ba lumalabo 'yan?" Reklamo ko kaya nabatukan niya ako.
"Iyang bunganga mo talaga kahit kailan."
"Akala ko po ba 'Nay hindi mo na ako papaluin o dadapo 'yang mga kamay mo sa'kin?" Para akong pinagtaksilan kaya napabuntong-hininga na lang si Nanay at marahil nauubusan na rin ng pasensya.
Ganoon talaga siguro kapag tumatanda na.
"Si Rhett lang naman ang kasama ko po. Isasama ko na rin ang mga tropa para hindi ka na magduda sa'kin." Suhestiyon ko.
Naupo siya sa kusina kaya nakatayo lang ako sa kaniyang gilid.
"Ano ba full name ng pesteng lalaki na 'yan? Nagmumukha kang linta, eh. Dikit ka nang dikit d'yan." Seryoso niyang sabi.
Umakto akong nasaktan kaya napahawak ako sa'king dibdib.
"Grabe naman po. Pinagkukumpara niyo na ako sa linta? Eh, sa'yo lang din naman ako nagmana." Laban ko kaya sumama ang loob niya at hinampas ako.
"Ililibing talaga kita nang makasama mo ang Tatay mo sa hukay. Parehas kayong masakit sa ulo." Reklamo niya kaya natawa ako.
"Si Nanay naman, parang hindi ka naging sakit sa puson ni Tatay, ha." Biro ko kaya pinaghahampas-hampas niya ako.
"Ibibitin na talaga kita patiwarik, Zyreena." Nanggigigil niyang sabi kaya napanguso ako. "Oh, ano nga ang full name?"
"Rhett Bryce Celeste po. Pangalan palang, crunchy na." Kinikilig kong sambit kaya sinamaan ako ni Nanay ng tingin.
"Hay nako, Zyreena Claire! Tumataas ang altapresyon ko sa'yo. At ano kamo? Celeste? Tapos med student pa? Aba, mayaman pa talaga ang nagustuhan mo."
Nanlaki ang aking mga mata at mabilis nakiupo sa harapan niya.
"Kilala niyo po, Nanay?"
Hinampas niya uli ako kaya napadaing ako sabay nguso.
"Kung saan kasi lumilipad 'yang utak mo, eh. Mayayaman ang mga Celeste, Zyreena. Lahat ng nasa pamilya nila ay mga professional doctors kaya expected na makapagtapos 'yang Rhett na 'yan at maging katulad nila."
Napaisip tuloy ako. Ibig sabihin ba no'n kahit ang manugang o bayaw nila ay doktor din?
"As in lahat, 'Nay? Paano mga asawa no'ng anak no'n?"
Humalukipkip siya sabay hinga nang malalim. "Huwag mo nang pangarapin 'yong lalaki na 'yon, Zyreena. Hindi ka pasok sa standards nila kung nanaisin mo." Babala niya kaya napanguso ako.
Malalim tuloy ang aking iniisip habang naglalakad sa hallway dahil sa sinabi ni Nanay.
Talaga bang hindi kami pwede?
"Zyreena, ang lalim naman n'yan." Bungad sa'kin ni Savannah kaya napanguso ako.
Sabay kaming pumasok sa room at hinarap niya sa'kin ang kaniyang bangko para ituon ang atensyon niya sa'kin.