Chapter 20

860 60 26
                                    

Humakbang si Harlow palabas ng pintuan sa harapan ng bahay. Isang malalim na hininga ang kaniyang sinagap at pinuno niya ang kaniyang baga ng sariwa at preskong hangin. At saka niya pinagmasdan ang kanilang munting rancho na nasa kaniyang harapan.

"Ito na ang bagong simula," ang bulong niya sa kaniyang sarili. At saka siya bumaba mula sa mababang balkon sa harapan ng kanilang bahay at binagtas niya ang daan patungo sa kanilang kamalig.

Natutulog pa ang kaniyang tatay nang magpasya na siyang bumaba at lumabas ng bahay para simulan ang kaniyang trabaho sa rancho pagkatapos niyang paintian ng bagong kulo na kape ang kaniyang sikmura.

Madilim pa ang paligid maging ang kalangitan ay makikitaan pa ng mangilan-ngilan na bituin. Maging ang buwan ay nakasilip pa rin sa kalangitan habang hinihintay din nito ang haring araw.

Hindi pa iyun ang oras para magpakain ng mga baka, ngunit bumangon na siya nang maaga para simulan ang trabaho niya sa rancho at sisimulan niya iyun sa pagtatabas ng mga nagtataasan na talahib. Nanghihinayang siyang tuluyan na mamatay ang mga damong maaaring ipakain sa mga baka.

Dahan-dahan niyang hinila ang pinto ng kamalig at tahimik siyang pumasok sa loob. At kahit ayaw niyang maistorbo na ang kanilang mga alaga ay nagsipag-ingay pa rin ang mga ito nang maramdaman ng mga ito ang kaniyang presensiya.

"Shh, kukunin ko lang ang karit at kalaykay," ang kaniyang mahinang pagkausap sa mga ito habang tahimik siyang naglakad papalapit sa isang kahoy na lagayan ng kanilang mga gamit.

At dahil sa ayaw niyang magbukas ng ilaw ay itinutok niya ang hawak niyang flashlight sa tila baul nilang lalagyan at hinanap niya ang kaniyang mga kailangan.

"Ba-bye, Mamaya ko pa kayo pakakainin," ang kaniyang pabulong na pamamaalam sa mga natitira nilang baka sa kamalig bago niya isinara muli ang pintuan.

"Huuu, lamiiiig," ang kaniyang giniginaw na sabi habang naglalakad siya para tunguhin ang parte ng kanilang lupain na tinubuan na ng nagtataasan na mga talahib.

Wala man siyang gaanong kaalaman sa pagtatrabaho sa isang rancho pero, hindi naman ibig sabihin ay hindi na niya kayang gawin ang mga ito. Kailangan lang ng sipag at tiyaga, ang sabi niya sa sarili at iyun ang mayroon siya.

Kaya naman mataas ang kaniyang morale nang umagang iyun habang hawak niya sa kaniyang mga kamay ang mga kasangkapan sa kaniyang tagumpay.

Narating na niya ang matalahib na parte ng kanilang rancho at saka niya inilapag sandali sa lupa ang mga gamit niya sa paglinis ng lupa. Pinatay na niya ang liwanag na nagmumula sa kanyiang hawak na flashlight at ibinaling niya ang kaniyang mga mata sa silangan at pinagmasdan niya liwanag na humahalik sa kalangitan mula sa papasikat na haring araw.

Ang kalangitan ay nagkulay rosas at kahel na tila pinturang isinaboy sa kulay asul na kalangitan na unti-unti nang nagliliwanag at nagiging mapusyaw nang dahil sa liwanag na dulot ng araw na handa na namang maghari sa araw na iyun.

At ang liwanag nito ay unti-unting kumakalat s akalangitan at unti-unting hinahalikan ang malawak na lupain ng Villacenco na tila ba mga pisnging namumula nang dahil sa paghalik ng araw sa pisngi nang malawak na lupain ng kaniyang bayan.

Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan at niyakap niya ang kaniyang sarili. Ngayon niya lamang ulit nasilayan ang sunrise sa Villcenco lalo na sa kanilang rancho.

"Kung singganda mo lang sana ako baka, magustuhan din niya ako," ang kaniyang bulong sa sarili at muli siyang nagbuntong-hininga.

"Pero hanggang ngayon siya pa rin ang mahal mo, kahit pa..." iniwas niya ang kaniyang mga mata sa magandang tanawin na nasa kaniyang harapan at muli ay isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan at dinampot niya ang karit na nasa kaniyang paanan.

Canaan Mc Laury (complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon