11

55 2 0
                                    


Inaantok man ay agad akong bumangon mula sa pagkakahiga. Napakabigat ng katawan ko.

"Good morning," inaantok kong bati sa sanggol na nasa sinapupunan ko. "What do you want for breakfast, Mahal ko? Tulog muna tayo ulit, okay lang ba?" muli kong higa sa kama pero tila ba ay ginising ako ng hangin sa pagkakatulog nang hampasin nito nang malakas ang bintana.

Binuksan ko ang kurtina at halos wala na 'kong makita sa labas sa sobrang lakas ng ulan. Pilit kong inaninag ang nasa labas, marami nang puno ang nagbabagsakan, nakakatakot. Napatili ako nang humampas sa bintana ko ang malaking puno na noong isang araw lang ay Christmas tree na sinindihan ng village para sa pasko. Sinara ko na muli ang kurtina. Diyos ko, huwag naman sana ako manganak sa kasagsagan ng bagyo.

"Shaniya, Shaniya! Okay ka lang ba?" rinig kong tawag ni Mang Basilio sa baba.

"Okay lang po ako," sigaw ko pero kung sakali mang hindi ako narinig ay dahan-dahan akong bumaba ng hagdan. Nakagat ko na lang ang labi ko, hindi na ulit ako matutulog sa taas. Nakakapagod mag-akyat panaog. Agad kong binuksan ang pinto ko at laking gulat nang makita na hanggang tuhod na ni Mang Basilio ang tubig-baha. Basang-basa na rin ang matanda.

"Mang Basilio, pasok kayo, baka mapaano kayo diyan," dali-dali kong hila sa matanda sa loob. "Baka mabagsakan kayo ng puno o ng kung ano man. Ang lakas pa naman ng hangin."

"Ayos lang ako, anak. Ikaw ang inaalala ko, malapit ka pa naman manganak at wala kang kasama," aniya habang sinusuklay ang buhok niya gamit ang kamay niya. "Dumaan ang rescue kanina, mag-impake ka na, magdala ka ng importanteng mga damit mo at ng bata para kung manganak ka man ay may gamit kayo, mag-e-evacuate na tayo."

"Ah sige po, mag-iimpake po ako. May mga delata po ako dito sa kusina, kunin ninyo na para may makain tayo sa evacuation area."

Iniwan ko na ang matanda at nagmamadaling umakyat sa kwarto ni Lincoln para kunin ang mga gamit niyang naihanda ko na rin naman sakaling manganak ako. Muli akong napatingin sa bintana, ngayon pa lang naaawa na 'ko sa mga mga masasalanta.

"Anak, patapos ka na ba diyan?" tawag ni Mang Basilio sa baba.

"Opo, sandali na lang po, kinukuha ko lang 'yong mga importanteng papeles ko," sigaw ko pabalik. Napasinghap ako nang may maramdaman akong tumulo mula sa pwerta ko.

"Ihi ba 'to?" hawak ko sa likidong umaagos ngayon sa binti ko. Walang amoy, at wala ring kulay sa sahig kong puti. Hindi ako makagalaw. Pumutok na ang panubigan ko. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at huminga nang malalim. Ilang beses ko itong ginawa para pakalmahin ang sarili ko pero hindi ko magawa. Bumibilis ang tibok ng puso ko at ang paghinga ko. Panic attack.

"Huwag kang mag-panic!" naiiyak kong sigaw sa sarili ko. "Kumalma ka," tuluyan kong hikbi. "Kumalma ka, hindi ka pa manganganak, may 12 hours ka pa, hindi ka pa naman nag-le-labor," umiiyak kong hanap ng mga papeles ko habang pinapahid ang luha ko. "Kumalma ka Shaniya, kailangan mo munang makaalis dito, kahit sa evacuation area ka na manganak, Shan, kumilos ka," tuluyan ko nang paghagulhol. Natatakot ako, hindi ko na alam ang gagawin ko. Nanginginig ang buong kalamnan ko.

"Shaniya, gumalaw ka," pagpupumilit ko sa sarili ko. Isang tao lang ang naiisip ko ngayong mga sandaling ito. Kinuha ko ang card niya sa wallet ko at tinipa ang numero niya. Ilang buwan ko siyang iniwasan makausap o tawagan pero walang ibang laman ang utak ko ngayon kundi ang ama ng anak ko.

"Lionel," umiiyak na bulong ko habang pinapakinggan ang pag-ring ng telepono. Sumagot ang tawag pero hindi naman ako makapagsalita.

"Tulong," bulong ko sa telepono ko. "Tulungan mo 'ko Lionel, manganganak na 'ko. I'll send you the address, please. Just this one time, Lionel, tulungan mo 'ko. Baka may kakilala ka na pwede akong dalhin sa ospital ngayon. Tulungan mo kami ng anak ko..." hikbi ko.

Breach of ContractTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon