01

103 3 0
                                    


"Pwede ba tayong magkita? I really like you. You're my ideal girl."

Napangiti ako sa nababasa kong chat sa'kin ng isang lalaking nakausap ko sa dating app ilang linggo na ang nakakaraan. Iniwan ko muna ang cellphone ko sa higaan at nagsimulang maligo.

Sabi nila, ang aga ko daw sumuko sa pag-ibig. Sabi nila, hindi naman daw lahat ng lalaki ay katulad ng dati kong nobyo. Natawa na lang ako dahil hindi pa 'ko nakakakita ng lalaking matino.

Pagkatapos ni Benedict ay nagkagusto ako sa isang lalaking pineperahan lang pala ako, nagkagusto rin ako sa lalaking palaging nagpapadala ng mixed signals, turned out, hindi ako ang gusto niya, ang gusto niya—'yong mga binibigay ko sa kanya out of my affection. Manggagamit. Hindi ko rin naman pwedeng isisi sa kanila, napakabobo ko e.

Binalikan ko ang cellphone ko at tinadtad na 'ko ng chat ng kausap ko. Hinanap ko ang tatlong tuldok sa itaas ng screen at pinindot ang ignore. Hindi ko na mabilang kung ilang mga lalaki ang naipon sa ignore messages ko dahil lang ayoko na silang kausap.

Kapag ako ang pinakasalan mo, magbubuhay reyna ka. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho. Ibibigay ko lahat sa'yo. Bubuntisin kita paulit-ulit, hindi mo kailangang maglaba ng damit dahil araw-araw tayong walang suot at kung ano-ano pang mahahalay na mensahe. Akala yata nila nakakatuwa. Mukha ba 'kong walang potensyal na gumawa ng sarili kong pera? Ang nakakainis pa, lahat sila halos ganitong buhay ang alok sa'kin pero hindi naman nangagalahati ang sahod sa sahod ko. Hindi ako mabubuhay ng pagmamahal lang. Ayoko ngang mamatay sa gutom.

Binuksan ko ang laptop ko at nagsimulang magreply sa mga email sa'kin sa trabaho. Nagpapahanap ng oras para sa interview, oras para sa meeting na hindi naman mahalaga. Hindi ko maintindihan kung para saan ang mga meeting na 'to na wala namang mahalagang agenda, akala yata nila basta busy ka sa pag-attend ng meetings ay productive ka na.

Alam kong hindi dapat natin hinuhusgahan ang pinagkakakitaan ng mga tao pero bilang tao, dapat alam rin natin ang limitasyon natin. Ang problema sa mga tao ngayon, pagmamahal lang ang naiisip na dahilan kung bakit nagpapakasal. Wala namang masama kung magpakasal kayo dahil mahal na mahal ninyo ang isa't isa pero mas matindi kasi magmahalan ang mga bilihin ngayon.

Siguro 'yon ang mali ko rin noon, gusto ko lang 'yong ideya na mahal ko si Benedict kahit harapan na niya 'kong ginagago. Sayang kasi sa isip-isip ko noon. Ganoon ba 'ko kauhaw sa pagmamahal na kaya napakababa ng standards ko sa lalaki?

"Good evening, Mr. Cruz. Napatawag po kayo," sagot ko sa telepono nang tumawag ang boss ko. "Sige po, papunta na po ako. Saang bar po siya?"

Nagpalit na 'ko ng damit. Nautusan na naman ako ng boss ko na sunduin ang anak niyang babae sa bar. Lasing na lasing na naman daw ito. Mabilis akong bumaba at sumakay sa kotseng pahiram ng kompanya.

Kasabay ng pagpula ng stoplight ay tumunog ang cellphone ko, nag-chat si Michael. Katrabaho ko si Michael sa pangalawa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Kung assistant ako ng Chief Operating Officer, si Michael naman ang assistant ng CEO kaya naman halos lagi kaming magkasama.

Ang totoo? Sa lahat ng lalaking nakakausap ko ngayon, si Michael ang masasabi kong sobrang lapit sa'kin. Aaminin ko, gusto ko si Michael, type ko siya at may maganda kaming koneksyon. Umamin na rin siya sa'kin noon. Na-off lang siguro ako noon dahil naging tampulan kami ng mga biruan na tuwang-tuwa naman niyang sinakyan sa puntong hindi ko na alam kung seryoso pa ba siya sa'kin. Sa huli, itinanggi ko nang paulit-ulit sa lahat na may nararamdaman ako sa kanya. Takot siguro? Ganoon ba talaga ako na-traumatize na mas gugustuhin ko pang mamatay na lang mag-isa? I love my mental health.

Breach of ContractTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon