Circa 1940
"INAY, mauuna na ho ako," paalam ni Badong sa kanyang ina nang makalabas sa silid.
"Saan ka ba paroroon? Hindi ba't kauuwi mo lang galing sa bukid?"
"Paano ho kasi ay dumaan si Pedro kanina, kailangan daw ho ako sa talyer," paliwanag niya sa ina.
"O sige, mag-iingat ka."
"Oho."
Dinampot ni Badong ang sombrebo at saka sinuot iyon. Bago pa lumabas ay muli niyang sinipat ang sariling repleksiyon sa salamin.
"Napakaganda mong lalaki, tiyak na marami na naman mga dalaga ang hahabol sa'yo," sabi pa niya pagkatapos ay ngumiti sa kanyang sarili at kumindat.
"Naku, ito talagang si Kuya Badong masyadong malakas ang bilib sa sarili. Baka mamaya ay pupunta ka lang sa isa sa limang kasintahan mo," panunukso ng nakababatang kapatid na si Neneng na labing-apat na taong gulang.
"Masyadong pabling," dugtong pa nito.
"Hoy Neneng, tumigil ka nga riyan! Wala akong nobya! Mga kaibigan ko lang sila!"
"Huuu! Kaibigan! May kaibigan ba na hinahalikan sa labi? Aba'y nakita ko kayo roon sa likod ng mga puno ng kawayan kahapon!"
Napapitlag siya sa gulat nang biglang sumigaw ang kanyang ina.
"Hoy Bartolome! Ikaw nga eh tumigil sa panloloko mo ng mga babae ha?! Manang mana ka sa ama mo!" sermon sa kanya ng ina.
"Oh, ako na naman ang nakikita mo," sabad ng ama na kanina pa tahimik na kumakain.
"Inay, hindi ho totoo 'yon! Naniniwala kayo riyan kay Neneng!" depensa ni Badong sa sarili sabay dampot ng isang papel at nilamukos iyon sabay bato sa kapatid.
Tumatawang umilag ito at tumakbo palayo mula sa kanya.
"Inay, alis na ho ako," paalam muli ni Badong.
Nang makalabas ay namataan niya ang kaibigan na si Marcing kasama si Pedro na nauna nang pumunta sa kanya.
"Marcing!" tawag niya dito.
Lumingon ito sa kanya at huminto sa paglalakad. Tumakbo si Badong palabas ng kanilang bakuran.
"Hoy Bartolome! Hindi ka ba muna kakain?!" pahabol na tanong ng kanyang ina.
"Hindi na ho! Doon na sa bayan!" sagot niya.
"Saan ang punta n'yo?" baling ni Badong sa mga kaibigan.
"Doon sa bayan, may inuutos si inay," sagot ni Marcing.
"Ikaw, Pedro?"
"Babalik sa talyer, maraming nagpapagawa ng mga sasakyan ngayon eh," sagot naman ni Pedro.
Nahinto sila sa pag-uusap at paglalakad nang mapaligon si Badong sa isang babaeng pamilyar sa kanya ang mukha. Hindi nga lang niya maalala ang pangalan.
"Magandang araw sa'yo, Badong," magiliw na bati nito sa kanya.
Mahinhin nitong hinawi ang buhok at pinapungay ang mga mata. Binigyan ni Badong ng magandang ngiti ang dalaga.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...