HINDI maintindihan ni Soledad ang una niyang mararamdaman sa mga sandaling iyon. Magkahalong saya at lungkot ang naghahari sa kanyang damdamin. Dumating na sa wakas ang pinakahihintay nilang araw ni Badong. Ang araw ng kanilang pag-iisang dibdib. Maraming salamat kay Ricardo at sa asawa nitong si Amor na tumulong sa kanila na mapadali ang proseso ng lahat.
Ngunit sa kabila ng masayang araw na iyon, kalakip niyon ay bigat ng damdamin at kalungkutan dahil wala ang kanilang pamilya para masaksihan ang espesyal na sandali sa buhay nilang dalawa ni Badong. Ang tanging saksi sa kanilang pag-iisang dibdib ay si Ricardo at ang asawa nito, kasama pa ang dalawa pang kapitbahay nila doon.
Ang suot ni Soledad sa araw na iyon ay ang bestidang binigay sa kanya ni Badong pagkatapos ay pinahiram siya ni Amor ng maliit na kulay puti na belo at iyon ang nilagay nila sa kanyang ulo. Pagkatapos ay siya na lang mismo ang naglagay ng kolorete sa kanyang mukha at nag-ayos sa kanyang buhok. Sa harap ng pari ay magkahawak ang kamay nila at nakaharap sa isa't isa. Hindi magawang alisin ng dalawa ang tingin sa bawat isa. Hindi magawang mapalis ang mga ngiti dahil sa labis na kasiyahan. Matapos ang maikling sermon ng pari sa wakas ay binigay na nito ang hudyat para ipahayag ang kanilang panata at pangako sa isa't isa.
"Soledad, mahal ko. Unang sandali pa lamang na nasilayan ko ang iyong kagandahan, hiniling ko na sa Diyos na nawa'y ikaw ang babaeng kasama kong haharap sa dambana. Hindi ko kayang ipangako sa iyo ang perpektong buhay. Ngunit nangangako ako na mamahalin kita bawat araw. Susuyuin at liligawan hanggang tayo'y uugod ugod na. Nangangako ako na mas magsusumikap at magpupursige para sa iyo at sa magiging mga supling natin. Ibibigay ko sa'yo ang mapayapang buhay. Tanggapin mo itong singsing at pakaingatan, na tanda ng aking pagmamahal," wika ni Badong pagkatapos ay sinuot sa kanyang daliri ang singsing.
"Bartolome, aking mahal. Sa harapan ng Panginoon ay nangangako ako na mamahalin ka ng buong puso at katapatan. Magiging sandigan mo ako sa tuwa at saya, sa hirap o ginhawa. Hindi man naging madali ang daan na ating tinahak patungo sa araw na ito. Ngunit wala naman makakapantay sa ligaya na naging kapalit niyon. Mahal, maraming salamat sa iyong paninindigan sa ating pagmamahalan. Nangangako ako na simula ngayon at hanggang sa huling sandali ng aking buhay. Ikaw at wala nang iba pa ang mamahalin ko. Tanggapin mo itong singsing bilang tanda ng aking pagmamahal," sabi pa niya pagkatapos ay sinuot sa kaliwang palasingsingan nito ang singsing.
"Sa kapangyarihan na binigay sa akin ng Diyos. Kayo ay binasbasan ko. Mahalin at maging tapat sa isa't isa ng may takot sa Panginoon. Humayo kayo at magpakarami. Simula ngayon araw, kayo, Soledad at Bartolome ay isa nang ganap na mag-asawa. Maaari mo nang halikan ang iyong asawa."
Umalingawngaw ang malakas na palakpakan at sigawan sa loob ng maliit na kapilyang iyon. Masaya na ngumiti sila isa't isa habang inangat ni Badong ang manipis na belo na nakatakip sa kanyang mukha. At sa harap ng lahat ng kanilang saksi ay hinalikan siya ni Badong. Matapos iyon ay mahigpit silang nagyakap. Sa wakas, sa pagsapit ng dapit-hapon ng araw na iyon ay naging ganap na silang mag-asawa.
ISANG masayang selebrasyon ang nadatnan nilang mag-asawa pag-uwi sa kanilang maliit na tahanan. Doon sa malawak na bakuran ng bahay ni Ricardo ay nahanda ang regalo nito. Isang maliit na salo-salo para sa kanilang dalawa. Kantahan, sayawan, tawanan at walang hanggang huntahan. Naibsan ng sandaling iyon ang pangungulila nilang dalawa sa mga mahal sa buhay. Sa paglalim ng gabi at tuluyan silang napag-isa, nagsimulang umahon ang kaba sa puso ni Soledad.
Matapos maligo ay sinuot na niya ang kanyang kamison. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib nang marinig na lumabas ng kasilyas si Badong. Nang pumasok ito sa loob ng kanilang silid ay sinadya niyang iniwas ang tingin. Tila sasabog ang kanyang puso sa bilis ng pintig niyon nang maramdaman na tumayo sa kanyang likod si Badong.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...