LINGGO. Ganap na alas-siyete ng umaga nang gumayak sila papunta sa simbahan. Kasama ang buong pamilya ni Badong at Soledad ay gumayak silang lahat at nagtungo sa simbahan. Ang mga matatandang kababaihan ay nakasuot ng tradisyunal na baro't saya. Habang silang mga nasa kabataan ay mga pormal na bestida at may nakapatong na belo sa ulo. Ang mga matatandang kalalakihan ay nakasuot ng barong.
Pagdating sa bayan ay nagkalat ang mga sundalong hapon. Agad namataan ni Soledad si Hiroshi kasama ang Pilipinong babae na tagapagsalin nito ng salita at iba pang sundalo na mataas ang posisyon. Bago makalapit ay nilipat siya ni Badong sa kabila nito at hinawakan ang kamay. Pilit na sinusubukan harangan siya mula sa paningin ng hapon na iyon. Pagdaan nila sa tapat ng mga ito'y yumuko sila bilang pagbati.
"Good morning, Captain Hiroshi," bati ni Don Leon na sadyang pinagiliw ang tinig.
"Good morning, Governor," sagot nito.
Napalingon si Soledad nang lumapit ito sa kanila. Bahagya siyang napaatras at agad nagtago sa likod ng asawa.
"Good morning to you, Soledad."
Bahagya siyang yumuko at sinulyapan ng tingin ito. "Good morning, Captain."
Nang lumingon kay Badong ay nakita niya na masama ang tingin nito kay Hiroshi. Agad siyang humawak sa braso nito.
"Halina sa loob ng simbahan, mahal," yaya niya agad dito.
Wala siyang narinig na ano man salita mula sa asawa ngunit mabuti na lamang at nagpatianod ito sa kanya. Saka lamang siya nakahinga ng maluwag nang tuluyan silang makalayo rito.
"Ang kapal ng mukha niyang tignan ka ng ganoon na para bang wala ako sa kanyang harapan," galit na wika nito.
"Mahal, huwag mo ipakita masyado ang galit mo sa kanya. Pakiusap kalmahin mo ang iyong sarili kung hindi ay baka ikaw naman ang balingan nila," bulong niya dito.
"Sinisikap ko ngunit hindi ko talaga mapigilan ang aking sarili sa tuwing hayagan niyang pinapakita ang interes sa'yo kahit alam niyang kasama mo ako na asawa mo," sagot nito.
"Pabayaan mo na, pakiusap," sabi pa niya.
Nang huminga ito ng malalim ay hinaplos niya ang kamay nito para tuluyan maibsan ang galit nito. Sa kabila ng araw-araw na nakaambang panganib sa kanila, bahagyang nakaramdam ng saya si Soledad nang makitang marami pa rin ang mga taong buo hanggang sa ngayon ang pananalig sa Diyos. Alam niyang iisa lang ang laman ng kanilang panalangin, ang matapos na ang giyera at bumalik ang kapayapaan sa buong bansa. Kasama rin sa kanilang panalangin ang kaligtasan ng lahat ng Pilipino mula sa kamay ng kaaway.
Isang oras din nagtagal ang misa bago iyon natapos. Habang hinihintay na makalabas ang mga tao ay kinausap pa ng kanyang mama ang kura paroko.
"Anak, mauuna na kami sa inyong umuwi," paalam ni Aling Selya.
"Sige ho, inay. Mag-iingat kayo," bilin pa ni Badong.
Bago ito umalis ay nagmano pa muna sila dito.
"Halina at doon na muna tayo sa labas maghintay sa mama," yaya ni Soledad.
Paglabas nilang mag-asawa sa simbahan, nakita ni Soledad na kausap ng kanyang ama si Hiroshi. Ilang sandali pa ay bumalik na balisa ang ama.
"Anong nangyayari, papa?" tanong ni Soledad.
Sa halip na sumagot ay napailing na lamang ito. Mayamaya ay nagulat ang lahat ng tao doon sa plaza nang dumating ang maraming sundalo. Kasunod niyon ay ang pagkaladkad ng mga sundalo sa limang mga Pilipinong lalaki. Napasigaw ang mga tao roon nang dalhin ang mga ito sa gitna ng plaza. Pagkatapos ay pinaluhod sa gitna mismo ng plaza at pinalibutan ang mga ito ng mga hapon. Biglang nanlaki ang mga mata nila nang makilala ang isa sa mga bihag.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...