Kabanata 54

24 2 0
                                    

"MAHAL, tignan mo itong Okra oh?" masayang sabi niya saka pinakita kay Badong ang napitas niya.

"Sariwa pa rin. Mabuti naman, ang buong akala ko'y nabulok na lamang sila dito."

"Marami pa sa banda doon na gulay. Marami pa tayong maiuuwi," sabi pa ni Soledad.

Nang umagang iyon ay sumama siya kay Badong na manguha ng gulay sa taniman nito doon sa gubat. Laking pasalamat niya na pumayag ito dahil madalas ay mas gusto nitong naroon lamang siya sa bahay para sa kanyang kaligtasan.

"Mabuti na lang pala at sumama ka, kung hindi ay tiyak mahihirapan ako sa pagdala nito dahil sa dami," sabi pa ni Badong.

"Tiyak na matutuwa ang mama kapag nakita ang mga ito," sabi ni Soledad habang masayang namimitas ng mga gulay.

Mayamaya ay natigilan siya at lumingon kay Badong. Pinagmasdan niya ang asawa habang abala itong kumukha ng gulay.

"Kumusta na ang sugat mo?" tanong pa niya.

Hindi napapalis ang ngiti na lumingon ito sa kanya. "Maayos na, tignan mo. Naigagalaw ko na ang braso ko," sagot nito pagkatapos ay tinaas pa nito ang kamay.

Napalingon sila nang humahangos na dumating ang isa sa kasama nila Badong na umakyat doon at katulong nila na kumuha ng mga gulay.

"Badong, pumarito kayo, dali!" tawag nito sa kanila.

"Bakit?" tanong nito.

"Basta, bilis. Tignan n'yo."

Nagkatinginan silang dalawa at sumunod sa daan na tinahak nito. Naabutan niya itong nakakubli sa likod ng makapal at mataas na halaman. Pagkatapos ay may tinuro ito sa baba. Kapwa sila nagulat nang makita ang maraming sundalong Amerikano at Pilipino na naglalakad. Kasama ng mga ito ang maraming sundalong hapon.

Natutop ni Soledad sa labis na pagkabigla ang kanyang bibig dahil sa kalunos-lunos niyang nasaksihan. Samu't saring emosyon ang naramdaman niya. Awa para sa mga bihag. Galit para sa mga hapon na umalipin sa mga ito. At takot dahil muntik nang makasama sa mga ito si Badong. Napalingon siya dito na abala sa pagtingin sa mga dumadaan na bihag. Wala sa loob na yumakap siya sa beywang nito at pumikit. Naramdaman ni Soledad ang marahan paghagod nito sa kanyang likod.

"Halika na," mayamaya ay sabi nito.

Pagdating doon sa kubo ay mas lalo niyang niyakap ito.

"Muntik ka nang makasama sa mga bihag na 'yon," puno ng pangamba na sabi niya.

"Ano na lamang ang gagawin ko kung tuluyan kang umalis?"

"Pero narito ako, kasama mo."

"Isipin ko pa lamang na mabibihag ka at kasamang pahihirapan ng mga Hapon na iyon pakiramdam ko ay mauuna pa akong mamatay sa'yo dahil sa pag-aalala."

Marahan itong natawa. "Hindi ka puwedeng mauna. Ang usapan natin ay sabay tayong mamamatay," biro pa nito.

"Tignan mo 'to, nakita nang natatakot na ako eh."

"Eh hindi mo naman kasi kailangan mangamba, mahal ko. Narito naman ako at ligtas."

Huminga siya ng malalim at tumingala dito.

"Narinig ko ang usapan n'yo kaninang umaga, Badong. Bumagsak na ang Bataan sa mga sundalong hapon. Doon ka dapat pupunta, hindi ba? At ang mga bihag na iyon ay mga galing doon sa Bataan?"

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon