"KAILAN mo balak bumalik ng Maynila?" tanong ni Don Leon sa kanya.
Umangat ang tingin niya mula sa pagkain. "Baka ho sa susunod na linggo. Gusto ko ho munang dumito sa atin buong bakasyon."
"Huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo, Soledad. Mas mainam na may natapos ka kahit paano. Iba na ang panahon ngayon, maging ang mga babae ay may edukasyon na. Hindi na lang nakatali sa bahay," payo ng ina.
"Opo, Mama."
"Anak, tungkol kay Arnulfo," sabi pa ng ama.
Biglang nawala ang ngiti sa kanyang labi. Sa isang iglap ay nawala ang kanyang gana sa pagkain ng masarap na meryenda.
"Hindi n'yo na ba maaayos ang problema n'yo?"
Nagsalubong ang dalawang kilay niya. "Maaayos? Hindi ho isang simpleng away ang nangyari sa pagitan namin, papa. Pinagtangkaan niya akong gahasain!" giit niya.
"Pero anak, wala naman nangyari. Maayos naman ang kalagayan mo."
"Papa!" mataas ang boses na bulalas niya sabay tayo ng padabog.
Nagulat ang mga magulang maging ang mga kapatid na si Dolores at Luciana dahil sa pagsigaw niya. Bumigat ang damdamin at may kumirot sa kanyang puso dahil sa narinig mula sa ama. Hindi siya makapaniwala na sasabihin nito iyon sa kanya.
"Soledad!" saway sa kanya ng ina.
"Hindi ako makapaniwala sa narinig ko mula sa inyo. Hindi man lang ba kayo nag-aalala sa akin? Hindi ba dapat mas isipin ninyo ang kapakanan ko?! Pero sa sinabi ninyo ay tila nais n'yo pa rin ituloy ang kasal namin."
"Inaalala ko lang ang pagkakaibigan ng pamilya natin. Alam na halos lahat ng
mga tao dito na ikakasal kayo ni Arnulfo pagkatapos mo sa Kolehiyo. Paano kung pag-usapan kayo at maungkat ang nangyari noong nagdaan gabi? Ayokong mabahiran ng hindi maganda ang pangalan natin."
"Mas mahalaga pa ba 'yon kaysa sa akin na anak n'yo?!" sigaw ni Soledad kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata.
"Anak, huminahon ka," pag-aalo sa kanya ng ina.
"Papa, muntikan akong mapahamak! Muntik akong pagsamantalahan ng lalaking gusto ninyo na pakasalan ko! Bakit hindi man lang kayo nag-aalala o nagagalit?! Anong klaseng ama kayo?!"
Kasunod niyon ay isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa ama.
"Sin verguenza! Lapastangan! Saan mo natutunan na bastusin ako ng ganito?!" galit na galit na tanong nito.
"Sa ayaw at sa gusto ninyo ay matutuloy ang kasal n'yo ni Arnulfo!"
"Sige! Subukan ninyong ipilit ang gusto ninyo! Kung gusto ninyong makita ako bukas ng umaga na wala nang buhay habang nakabitin sa kisame!" pagbabanta ni Soledad.
"Anak, an oba iyang sinasabi mo?!" mabilis na saway ni Donya Juana.
"Hindi ako basta nagbabanta lamang, mama. Gagawin ko talaga iyon kapag pinilit ninyo na ikasal ako sa lalaking 'yon. Mula pa noong una ay hindi ko mahal si Arnulfo! At hinding hindi ako magpapakasal sa lalaking ngayon pa lang ay hindi na ako magawang igalang at irespeto!" matapang na banta niya sabay talikod at takbo sa pabalik sa kanyang silid.
Dumapa si Soledad sa kanyang kama at doon ay binuhos ang lahat ng sama ng loob sa ama. Umiyak siya ng umiyak. Sa bawat luhang pumapatak ay kalakip ng galit.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...