Kabanata 28

33 3 0
                                    

"TAWAGIN mo na si Soledad, Ising, nang makaalis na tayo," narinig niyang wika ng kanyang mama kaya't lumabas na rin siya agad ng silid.

"Narito na ho ako, mama."

"Nakahanda ka na ba?"

"Opo."

"Tayo na't umalis, hindi magandang mahuli tayo sa misa de gallo," sabi pa ni Donya Juana.

Kasama ang buo niyang pamilya maging ang ilan sa mga kasambahay, pasado alas-tres y medya pa lamang ng madaling araw ay nakagayak na sila para sa unang araw ng misa de gallo. Paglabas ng bahay ay namataan niya maging ang iilan nilang mga kapitbahay ay naglalakad na papunta sa simbahan. Napakalamig ng umagang iyon kaya't habang palabas ng bakuran ay hindi naiwasan ni Soledad ang manginig sa lamig.

Nang makalabas sa bakuran, napalingon silang lahat nang mamataan ang buong pamilya ni Badong. Agad silang napangiti sa isa't isa nang magtama ang kanilang paningin.

"Magandang umaga ho," bati ng mga ito sa kanila.

"Aba Selya, magandang umaga rin, kumusta?" mainit na pagbati ng kanyang ina sa ina ng nobyo.

"Mabuti naman ho Donya Juana."

"Sa simbahan din ba ang inyong tungo?" tanong pa nito.

"Oho."

"Gregorio, kumusta naman ang bukid?" tanong naman ng kanyang papa sa ama ni Badong.

"Mabuti naman ho, hayun at katatapos lamang namin magtanim."

Napalingon siya kay Badong nang sumabay ito sa kanya at sadyang nagpahuli.

"Magandang umaga, mahal ko," bulong ni Badong sa kanya.

"Magandang umaga rin," nakangiting sagot niya.

"Nakatulog ka ba ng mahimbing?"

"Oo. Salamat sa magandang pabaon mo noong isang gabi," pilyang sagot niya na ang tinutukoy ay ang mainit na tagpong nangyari sa pagitan nila.

Pigil ang tawa na umiwas sila ng tingin sa isa't isa. Nang makabawi ay mahinang tumikhim si Soledad.

"Tignan mo sila. Tignan mo ang pamilya natin na magkasundo," sabi pa nito Badong habang pinagmamasdan ang mga ito mula sa likod na nagkukuwentuhan habang naglalakad sila papuntang simbahan.

"Sana'y walang magbago kapag dumating ang araw na malaman ng mama at papa ang totoo," sagot niya.

"Maaaring magalit sila sa umpisa dahil sa paglilihim natin, ngunit naniniwala ako na sa bandang huli ay magiging maayos din ang lahat."

"Isa 'yan sa mga dasal ko ngayon misa de gallo at nawa'y pakinggan ng Poong Maykapal ang aking panalangin."

Pagdating sa simbahan ay agad silang nakahanap ng upuan. Nagkataon din naman na si Soledad ang pinakahuling naupo sa pamilya nila kaya't ang kanyang nakatabi ay si Badong. Dahil sadyang pilyo si Badong, kapag nakakuha ng pagkakataon ay palihim nitong hinahawakan ang kanyang kamay at mabilis iyong bibitiwan kapag lumilingon ang mama o papa niya. O kaya naman ay kung anu-ano ang ibubulong nito sa kanya kaya impit silang tatawa at pasimple niya itong papaluin o kukurutin sa hita.

Matapos ang misa ay sabay-sabay din silang lumabas ng simbahan. Doon ay nagkataon na nakita nilang dalawa ang mga kaibigan.

"Badong, halina't kumain tayo ng bibingka at puto bumbong, may nagtitinda doon sa gilid eh!" yaya ni Marcing dito.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon