Kabanata 35

29 2 0
                                    

MAY kaba na naupo si Soledad sa isang mahabang kahoy na upuan sa ilalim ng mataas na puno habang mahigpit ang hawak sa isang sobre. Mula iyon kay Ising at natatakot siya sa maaaring mabasa. Bago buksan ay huminga muna siya ng malalim pagkatapos ay hinanda ang sarili saka sinimulan basahin iyon.

Hindi niya napigilan ang sarili na lumuha habang binabasa ang nilalaman ng liham. Sinundot ang kanyang konsensya sa mga nalaman, sa isang iglap ay pakiramdam niya'y isa siyang makasarili. Ngunit kung hindi sila nagtanan ni Badong, baka sa mga sandaling iyon ay kinasal na sila ni Arnulfo at miserable ang kanyang buhay. Nasa ganoon sitwasyon siya nang biglang dumating si Badong. Mabilis niyang pinahid ang mga luha at nagpaskil ng ngiti nang salubungin ang asawa.

"Mahal," salubong nito sa kanya pagkatapos ay malambing siyang hinalikan sa pisngi.

"Kumusta? Napaaga yata ang uwi mo?" tanong pa niya.

Sa halip na sumagot ay biglang napalis ang ngiti ni Badong nang tignan siya sa mga mata.

"Anong nangyari?"

Kumunot ang kanyang noo. "A-Anong sinasabi mo?"

Bumuntong-hininga ito at hinawakan siya sa kamay saka sila naupo doon sa ilalim ng puno.

"Huwag kang magkaila sa akin, mahal ko. Alam kong may dinaramdam ka. Hindi ko man marinig sa iyong bibig ang mga salita ngunit malinaw kong nakikita ang kalungkutan sa iyong mga mata."

Doon na bumulalas ang kanyang emosyon at natakpan ang mukha. Mabilis siyang kinabig ni Badong palapit at niyakap ng mahigpit.

"Labis mo akong pinag-aalala, mahal. Sabihin mo sa akin ano ba ang dahilan at umiiyak ka ng ganyan?"

Nang mahimasmasan ay lumayo siya mula kay Badong at nagsimulang magkuwento.

"Nakatanggap ako ng sulat mula kay Ising. Ayon sa kanya ay nagkaroon ng malaking komosyon sa bahay noong umaga matapos matuklasan nila mama na umalis ako. Hinanap ako ng papa. Sinugod daw ng papa ang inay at itay mo at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa. Si Mama naman ay nagkasakit ng ilang araw matapos ng aking paglisan. Ngunit salamat sa Diyos ay umayos na ang kalagayan nito."

Hinawakan siya ni Badong at bumuntong-hininga pagkatapos ay marahan hinagod ng mga palad ang kanyang braso.

"Nais mo na bang bumalik sa atin?"

"Kung susundin ko ang nararamdaman ko sa mga sandaling ito, oo ang maririnig mong tugon mula sa akin. Ngunit nakapagsimula na tayo ng buhay dito. Kung babalik man tayo ng San Fabian, nais ko sana na kahit paano ay mas matatag na ang ating kabuhayan."

"Kung ano man ang napagpasyahan mo, iyon ang gagawin natin. At alam natin dalawa na sadyang hahantong sa ganoon ang ginawa natin paglisan, hindi ba?" sagot nito.

"Oo, alam ko. Ngunit hindi ko lamang mapigilan ang sarili na makonsensya at mag-aalala," sabi niya saka sinalubong ang tingin ng asawa. "Badong, hindi ko pa nasasabi ito ngunit nais kong humingi sa iyo ng kapatawaran sa mga sinabi sa'yo ng Papa noong gabing pumanhik ka sa bahay. Maging ang ginawa niyang gulo sa pamilya mo. Patawarin mo sana siya," sabi pa niya pagkatapos ay muling naiyak.

"Kilala mo naman ang papa, sadya siyang mapagmataas. Bigyan mo lamang siya ng kaunti pang panahon, pasasaan ba't lalamig din ang ulo noon at matatanggap din niya ang ginawa natin."

Ginagap nito ang kanyang mukha at ngumiti sa gitna ng lungkot na nababanaag niya sa mga mata nito. Pagkatapos ay siniil siya ng halik sa labi.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon