Kabanata 3

88 7 0
                                    

BAGO pa man pumutok ang liwanag ay abala na sa pagluluto ang mga kababaihan sa bawat tahanan para sa ihahanda sa bawat hapag-kainan. Bisperas pa lang ng Kapistahan ng San Fabian ngunit abala na ang buong bayan para sa selebrasyon kinabukasan. Ang mga tao sa kanilang bayan ay nasasabik na sa mga nakahandang palaro. Samantala ang mga kabinataan at kadalagahan ay nasasabik naman sa sayawan bukas ng gabi.

"Inay! Tignan ho ninyo itong nabili ko!" masaya at malapad ang ngiti pagpasok pa lang niya sa kanilang bakuran.

Agad lumabas ng bahay ang kanyang ina.

"Bisikleta?"

"Opo. Nang sa gayon ay mabilis akong makarating sa kung saan ako paroroon."

"Aba'y magkano naman ang bili mo riyan?"

"Bente pesos lang ho!"

"Bente pesos? Ang mahal naman!"

"Mura na ho iyon inay, nangailangan lang 'yong kasama ko sa talyer ng pera kaya binenta sa akin ito."

"O siya sige, tutal naman ay may bisikleta ka na. Humayo ka doon sa palengke at ibili mo ako ng mga kulang ko pang sahog sa niluluto ko!"

Biglang napasimangot si Badong. "Inay naman, pusturang pustura na ako eh, papupuntahin n'yo ako sa palengke?!" reklamo niya.

"Eh ano naman ngayon? Mababawasan ba pagkalalaki mo kapag namalengke ka?! Lintik na 'to!" sermon sa kanya ng ina.

"Ang sabihin mo Kuya, nahihiya ka sa mga babaeng makakakita sa'yo! May balak ka na naman pumorma sa mga babae mamaya!" pambubuking sa kanya ng kapatid na Isagani.

"Hindi ah! Tumahimik ka nga riyan!" saway niya sa kapatid.

"Anak, aba'y alas-nuwebe pa lang ng umaga pero nakagayak ka nang pang-sayawan. Bukas pa ng alas-sais ng gabi 'yon," natatawang panunukso sa kanya ng ama.

"Ang itay naman oh," sagot niya saka nahihiyang napakamot sa batok.

Dahil sa sinabi ng ama ay pinagtawanan din siya ng mga kapatid.

"Ikaw nga Bartolome, tigil-tigilan mo ang panloloko mo sa mga babae! Kapag ikaw ay napikot ewan ko na lang sa'yo," sermon ulit sa kanya ng ina matapos sabihin ang mga pinapabili nito.

"Inay hindi naman ho ako nanloloko ng babae! Masama ho bang pahalagahan ko ang ganda ng mga kababaihan. Aba'y binibigyan ko lamang sila ng pabor, oh, nais nilang makuha ang pansin ko, binibigay ko lamang," katwiran niya.

"Huuu! Hindi daw!" kontra ng kapatid niyang si Marciana.

"Pahalagahan... tignan ko lang kung hindi mo ikuskos 'yang tumbong mo sa lupa kapag ang walis tingting ang lumagapak diyan!"

Namilog ang mga mata ni Badong saka mabilis na umatras.

"Inay naman oh, binata na ako namamalo pa rin kayo!"

"Hala sige na't pumunta ka na sa palengke!"

"Oho."

Nakasimangot at bagsak ang balikat na lumabas ng bakuran si Badong dala ang kanyang bisikleta. Sumakay siya roon at dahan-dahan pinaandar iyon.

"Badong!" tawag sa kanya ni Abel ang kanyang kababata at kapitbahay.

"Aba, Abelardo! Kailan ka pa nakabalik dito? Kumusta ang Maynila?"

"Ayos naman, kagabi lamang ako umuwi."

"Binalita ng Nanay mo sa amin na permanente ka na daw dito? Hindi ka na babalik doon?"

"Oo, eh naisip ko mas mainam na dumito na lang ako at magtayo ng maliit na negosyo. Hinahanap-hanap ko ang buhay dito sa probinsya. Sandali nga, napansin ko parang mukhang biyernes santo ang mukha mo."

"Nasermunan na naman ako nila inay tapos dumagdag pa ang mga kapatid ko at tinutukso ako."

"Hoy! Badong! Abel!"

Kapwa sila napalingon at nakitang parating ang dalawa pa nilang kaibigan na sila Marcing at Pedro.

"O, saan ang tungo ninyo?"

"Diyan sa bayan, nautusan kami ng inay."

"Ako rin, may kailangan bilhin sa palengke."

"Sige Abel, mauna na kami."

"Bukas daw ay maraming palaro, sumali tayo ha? Magaganda daw ang mga papremyo ah!"

"Oo sige!"

Paalis pa lang sila nang mapalingon sa isang magarang awto na pumasok sa malawak na bakuran ng malaking bahay ng Gobernador ng San Fabian na si Leonardo Mariano o mas kilala sa tawag na Don Leon.

"Bisperas pa lamang ng Piyesta ngunit panay ang dating ng mga bisita diyan sa bahay ni Gobernador," sabi ni Abel.

"Siya nga?" sagot naman ni Pedro.

"Hindi iyon nakakagulat, tiyak na maraming kaibigan mayayaman ang nakikipiyesta sa kanila."

"Ang balita ng inay ay may mga galing pa daw ng Maynila," sabi naman ni Marcing.

Napahinto sila sa pag-uusap nang matanaw na bumukas ang pinto ng awto na kapapasok lamang doon. Tila bumagal sa pag-usad ang mundo nang mula sa loob ay bumaba ang isang napakagandang binibini. Isang kagandahan na ngayon lamang nakita sa tanan ng kanyang buhay. Natulala si Badong at mabilis na tumibok ang kanyang puso nang masilayan ang kagandahan nito. Sa bawat paglipas ng sandali ay mas lalong dumadagundong sa lakas ang kanyang dibdib. Lalong nagwala ang kanyang damdamin nang sumilay ang ngiti sa labi nito na labis nagpatingkad sa ganda ng dalaga.

Tulala pa rin na bigla niyang hinablot ang damit ng kaibigan saka niyugyog ito.

"Abel... abel... sino ang magandang dalaga na iyon?" tulala pa rin na tanong ni Badong.

"Ano ba 'yong kamiseta ko baka mapunit!" saway sa kanya.

"Sagutin mo muna ako, sino ang dalaga na 'yon?"

"Naku... 'yan ka na naman! Halika na! Baka makagalitan ka na naman ni Aling Selya!" sa halip ay sabad ni Pedro.

"Nakita ka na naman ng bagong popormahan mo, halika na!" yaya sa kanya ni Marcing saka halos itulak siya paalis.

Huminto siya sa paglalakad at muling humarap sa kaibigan.

"Pakiusap, sabihin n'yo sa akin kung sino ang dalagang iyon. Kung hindi ay hindi ako makakatulog mamayang gabi," pagmamakaawa ni Badong.

Marahas na bumuntong-hininga si Pedro sabay iling.

"Anak ni Don Leon, ang Gobernador."

"Teka, anong pangalan niya?"

Saglit na nag-isip si Marcing. "Hindi ko alam eh," sagot nito.

"Ikaw, Pedro? Alam mo?"

"Hindi ko alam, nakalimutan ko na dahil hindi naman dito naninirahan iyang anak ni Don Leon. Ang alam ko'y sa Maynila iyan nag-aaral. At huwag mo nang tangkain na lapitan o ligawan dahil malilintikan ka talaga kay Gobernador," sabi pa ni Pedro.

Walang nagawa si Badong kung hindi ang umalis at iwan ang natatawang kaibigan nila. Habang sakay ng bisikleta at unti-unting papalayo ay hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang pinakamagandang babae na nakita sa tanan ng buhay niya. 

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon