Kabanata 4

80 8 0
                                    

ARAW ng kapistahan. Maaga pa lang ay marami na silang mga panauhin. Lalo lamang dumami ang mga nakikipiyesta sa kanila nang sumapit ang pananghalian. Ang kanyang mga kaibigan ay pumaroon na para kumain. Ang mga kamag-anak nila na naninirahan sa karatig probinsya ay dumayo sa San Fabian para mamyesta.

Sabay-sabay napalingon sila Badong maging ang mga kapatid at mga bisita nang marinig nila ang malakas na musika mula sa labas.

"Aba't mukhang nagsisimula na ang rondalla, halina kayo't manood tayo!" sabi ng kanyang ina.

Nagmamadali silang lumabas. Si Badong ay tumakbo pa palabas ng bahay. Doon sa gitna ng kanilang kalye nakapuwesto ang mga musikero na dala ang kanilang mga gitara, laud, octavina, mandolo, at bandurria. Nang magsimula ang mga itong tumugtog, nagsimula na rin ang mga mananayaw. Ang mga manonood ay sinabayan ng palakpak ang saliw ng musika mula sa rondalla. Ang ilan pang nanonood ay nakisayaw rin.

Natigilan si Badong nang muling masilayan ang babaeng nakita niyang dumating sa bahay ng Gobernador. Ang kagandahan nito ay kasing ganda at tingkad ng araw at mga bulaklak. Ang mga ngiti nito ay tila lalong nagbigay ng liwanag sa paligid. Hindi na naalis ni Badong ang tingin sa dalagang marikit nang makisayaw din ito. Pakiramdam niya ay nahuhulog ng mas malalim pa sa dagat ang kanyang damdamin habang lumilipas ang mga sandaling pinagmamasdan ito.

Hindi pa man tapos ang rondalla ay dumating ang kaibigan niyang si Abel na humahangos.

"Badong, mag-uumpisa na ang mga palaro sa bukid!" sabi ni Abel paglapit sa kanila.

"Siya nga? Halina't manood tayo, bilis!" mabilis na yaya ni Badong sa mga kaibigan. Habang tumatakbo palayo ay panay ang lingon sa misteryosang dalagang bumihag sa puso niya.

Pagdating sa bukid ay naabutan nila ang mga isang buko na kumikintab dahil sa langis. Ilang binata ang sumali sa palaro kasama na si Pedro at Abel. Tawanan, at sigawan ang narinig sa buong bukid habang nanonood sila sa larong agawan buko. Sumusunod sila sa mga kalahok kapag napapalayo ang mga ito kakahabol sa buko. Nagtatawanan silang dalawa ni Marcing kapag nadadapa at napapahiga sa lupa ang mga kalahok lalo na ang dalawa nilang kaibigan. Sa huli ay nanalo si Pedro at nag-uwi ng sampung piso bilang gantimpala.

"Ang daya naman nitong si Pedro eh, nasa kamay ko na inagaw pa," reklamo ni Abel.

"Huwag kang mag-alala, hahatian naman kita sa gantimpala eh," nakangiting sagot nito.

"Siya nga?"

"Oo!"

"Salamat! Isa ka ngang tunay na kaibigan!"

Natuon ang kanilang atensiyon sa lalaking namamahala ng palaro.

"Ang susunod naman natin palaro ay palosebo! Ang magwawagi ay may gantimpala na sampung piso at isang kaban na bigas. Sino ang nais na sumali?"

Halos sabay-sabay silang napalingon kay Marcing. "Hoy, ikaw sumali ka! Magaling ka umakyat sa puno ng buko eh!" pang-eenganyo ni Badong.

"Siya nga naman!" sang-ayon ni Abel.

"Sige, sayang din ang bigas," pagpayag ni Marcing pagkatapos ay naghubad ng pang-itaas na damit.

"May sasali pa ba?" tanong ng namamahala.

"Ako ho!" malakas ang boses na prisinta ni Marcing sabay taas ng kamay.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon