Kabanata 39

29 2 0
                                    

IKA-7 NG DISYEMBRE, 1941

"MAHAL, sasama ka ba sa akin kila inay?" tanong ni Badong.

"Marahil ay mauna ka na, kailangan nila mama ng tulong ko rito sa bahay," sagot ni Soledad.

Hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na si Badong at Soledad. Nag-ayos na ang kanyang asawa para pumunta sa bodega at ayusin ang mga palay na nauna nang inani noong mga nakalipas na buwan. Habang si Soledad naman ay inasikaso ang damit na isusuot ni Badong pagkatapos ay sabay silang nag-umagahan.

Dahil sa dami ng naghihintay na trabaho. Mabilis na natapos itong kumain pagkatapos ay ginawaran siya ng halik sa labi.

"Kung may sapat pang oras ay bumalik ka sa pagtulog, ha? Nang sa ganoon ay makapagpahinga ka pa. Huwag kang magmadali sa pagpunta kila inay, naroon naman si Marciana para tumulong sa kanya," malambing na bilin nito habang marahan hinahaplos ng daliri nito ang kanyang pisngi.

"Sige."

"Mauna na ako."

Paalis na sana si Badong nang magsidatingan ang mga kalalakihan. Agad nakilala ni Soledad ang ilan sa mga ito. Tumayo siya at lumapit sa asawa. Mayamaya ay nagmamadali naman lumabas ng kuwarto ang kanyang ama. Nagtataka silang lahat doon sa bahay nang makita sa mukha ng mga ito ang labis na pagkabahala.

"Anong balita ang nasagap ninyo?"

"Gobernador, binomba na kanina ang Pearl Harbor sa Hawaii."

Napaisip ito ng malalim.

"Papa, ano ho ang nangyayari?" hindi nakatiis na tanong ni Soledad.

Bigla itong nagpaskil ng ngiti at umiling. "Wala, anak, may maliit na problema lamang kailangan ayusin," sa halip ay sagot nito.

Matapos iyon ay agad itong lumingon sa kanyang ina.

"Aalis na muna ako at kailangan ako sa munisipyo," paalam nito.

"Mag-iingat ka ha?"

Nang makaalis ang ama ay lumingon siya sa ina.

"Anong nangyayari, mama?"

"Hindi ko rin alam anak. Ang mabuti pa ay magpahinga ka pa pagkatapos mong kumain," sa halip ay sagot nito.

Nang muling lumingon sa kanya si Badong ay ngumiti ito.

"Sige na, doon na muna ako sa bukid," paalam ulit nito.

Ngumiti siya at saka tumango. Nang tuluyan makaalis si Badong ay saka tinapos ang kinakain at bumalik sa silid upang matulog ulit.


"KAILAN ang balak ninyong bumalik ng Maynila?" tanong ni Abel sa kanilang mag-asawa.

Matapos ang mga gawain ni Badong sa bodega nila kung saan nakaimbak at pino-proseso ang mga palay na naani nitong nakalipas na buwan. Niyaya silang mag-asawa ng mga kaibigan at nagpunta sa bayan para kumain.

"Sa Enero na marahil para naman makasama namin ang pamilya namin sa pasko at bagong taon," sagot ni Badong.

"Mabuti naman at matagal pa namin kayo makakasama," sabi pa ni Nena.

"Bakit kasi hindi na lamang kayo dito manirahan?" maktol pa ni Perla.

Natawa si Soledad. "Huwag ka nang malungkot, Perla. Babalik naman kami ni Badong dito dahil kailangan din namin asikasuhin ang bukid nila," sagot niya.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon