HAPON. Sa pagitan ng alas-kuwatro at alas-singko nang biglang magkagulo muli sa buong barrio. Iyon ay matapos pasukin ng mga sundalong hapon ang bawat tahanan. Kung dati ay nakakaligtas ang mga Mariano ngayon ay maging ang kanilang bahay ay pinasok ng mga ito.
Napasigaw silang mga kababaihan nang walang babala na pumasok ang mga ito doon at tinutukan sila ng baril. May sinisigaw ang mga ito na hindi nila maintindihan. Pagkatapos ay puwersahan silang pinalabas.
"Nasaan si Badong?" kinakabahan na tanong ni Soledad.
"Hindi ko alam, hindi pa yata bumabalik galing sa bukid," takot na sagot ni Elenita.
Mula doon ay pinalabas sila sa kalye at tinipon doon ang mga tao. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang kasama si Nena at Perla sa mga babaeng pinalabas. Napagitnaan sila ng mga sundalong hapon. Hanggang ilang sandali pa ay dumating ang sasakyan ng mga ito at bumaba mula doon si Hiroshi at Stella at iba pang sundalo.
"A lot of Japanese men are missing! The reports came in that there's a group of rebels killing Japanese soldiers! If you know something, speak right now and I will spare your family's life!" malakas ang boses na sabi nito.
Nagtinginan ang bawat isa. Alam nilang lahat doon kung sino ang tinutukoy nito. Ngunit walang kahit sino man ang nagsalita. Nanatili silang tahimik at nakayuko lamang.
"Speak now or I will kill all of you!" galit na sigaw ni Hiroshi sabay bunot ng baril nito.
Ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin nagsasalita sa kanila. Mula nang tinatag ng kanyang ama kasama si Badong at Abel ang samahan na tinawag ng mga ito na Guerillang Itim o mga rebeldeng sumasalakay sa gabi ay nakiisa ang buong bayan ng San Fabian. Lahat ay nagtulungan. Lahat ay nagkasundo na walang magsasalita kahit anong mangyari.
Nang tila maubos ang pasensya nito dahil sa kanilang patuloy na pananahimik ay muli itong nagsalita sa wikang Hapon.
"Paghiwalayin sila! Ang mga lalaki sa kanan at mga babae sa kaliwa!" pagsalin ni Stella sa sinabi nito.
Nilukuban silang lahat ng matinding takot. Sapilitan pinaghiwalay ng mga sundalo ang lalaki at babae. Nang makalapit silang magkakaibigan ay niyakap nila ang isa't isa kasama si Elenita. Ang mga nagsisilbi naman sa kanilang mga kalalakihan ay naroon naman sa kabila.
"Diyos ko, tulungan N'yo po kami," narinig niyang dalangin ni Perla.
Lalong nagkagulo ang lahat ng pumili ang mga ito ng tig-sampung lalaki at babae pagkatapos ay sapilitan kinuha ng mga hapon. Magkahalong takot at luwag ng kalooban ang naramdaman ni Soledad nang wala ni isa sa kanilang magkakaibigan ang kinuha ng mga hapon. Kahit ang mga lalaking nagsisilbi sa kanilang pamilya.
Ang buong akala ni Soledad ay nakaligtas na siya. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang gulat nang bigla siyang hablutin ng isa sa sundalong hapon at sapilitan hinila.
"Sandali lang! Bitiwan n'yo ko!" sumisigaw na sabi niya habang pumipiglas.
"Perla! Elenita!" tawag niya sa kaibigan.
"Soledad! Pakiusap huwag ninyong kunin ang Senyorita ko!" umiiyak na pagmamakaawa ni Elenita.
Ngunit kahit anong piglas at panlalaban ni Soledad ay hindi siya umubra sa dalawang sundalong hapon na may hawak sa kanya. Ganoon na lamang ang takot na bumalot sa kanyang buong katawan nang dalhin siya nito kay Hiroshi. Ngumisi ito na parang demonyo na tila ba nagwagi ito sabay hablot sa kanyang braso.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
Roman d'amourKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...