Kabanata 57

40 4 0
                                    

MAHIGIT dalawang buwan ang lumipas mula nang muling mapasakamay ng mga Hapon ang bayan ng San Fabian. Muling bumalik doon si Don Leon upang tuparin ang naipangako sa anak na si Soledad, ang hanapin si Badong.

Sa tulong ng mga nakaligtas na miyembro ng mga Guerilla. Lihim silang umiikot sa buong bayan mahanap lamang si Badong. Mula sa kampo hanggang sa bawat Barrio, maging ang iniwan na tahanan ay sinubukan balikan ni Don Leon ngunit bigo silang mahanap ito.

Nakikita sa mga mata ni Soledad ang labis na pananabik sa tuwing umuuwi ang ama galing sa paghahanap kay Badong, ngunit agad mababanaag ang pagkadismaya sa tuwing umuuwi ito na wala ang asawa.

Magta-tatlong buwan na mula nang mawala si Badong. Hanggang sa mga sandaling ito ay naghihintay pa rin si Soledad. Umaasa sa bawat umagang dumarating na masisilayan muli ang mukha ng kanyang minamahal. Ngunit hindi gaya noong unang dalawang linggo na halos lugmok at takasan siya ng bait sa labis na kalungkutan. Mas malinaw na ang kanyang isipan. Ngayon ay natuto na siyang maghintay at habang ginagawa iyon ay pilit nilalabanan ni Soledad ang kalungkutan. Pinagpapatuloy pa rin niya ang buhay.

May mga araw pa rin na umiiyak ito. Nakakaramdam ng panghihina ng kalooban. Nawawalan ng pag-asa. Ngunit sa tuwing bumabalik sa kanyang alaala ang pagbabalik na pinangako na Badong, muling tumataas ang pag-asa ni Soledad. At ang araw na iyon ay isa na naman sa napakaraming araw na puno ng pag-asa.

"Mama, kailan ho umalis ang papa?" tanong ni Soledad habang tumutulong sa paghahanda ng hapunan.

Pasado alas-kuwatro na ng hapon at karaniwan silang kumakain bago mag-alas sais ng gabi.

"Aba'y kahapon pa. Ang buong akala ko'y uuwi rin siya kagabi pero baka nagpalipas na iyon sa kampo," sagot ng ina.

"Ay sandali nga lamang, may naiwan pala akong gawain sa labas. Iyong winalis ko kanina pa ay hindi ko na natapos," wika ng kanyang Tiya Sabel.

"Ako na ho ang magtutuloy niyon, Tiya. Tutal naman ay tapos na ako dito sa ginagawa ko."

"Aba'y sige, salamat iha."

"Walang anuman ho," nakangiti sagot ni Soledad.

Lumabas siya ng bahay at kinuha ang walis pagkatapos ay ginawa na niya ang tinukoy ng kanyang Tiya. Habang abala sa pagwawalis. Napahinto si Soledad nang dumating ang pamilyar na truck.

"Mama, narito na ho ang Papa!" sigaw pa niya.

Agad lumabas si Donya Juana upang salubungin ang asawa. Huminto si Soledad sa ginagawa nang mula sa loob ng sasakyan ay magkasunod na bumaba si Don Leon at Abel. Nakita niyang huminga ng malalim ang ama at nilagay ang dalawang kamay sa beywang habang malapad ang pagkakangiti nito gayundin si Abel.

"May balita na ho ba, Papa?" tanong niya pa.

Sa halip na sumagot ay lumingon ito sa bandang likod ng sasakyan. At mula doon sa likod ay nakita ni Soledad na may isa pang kasama ang mga ito. Natutop niya ang bibig sa labis na pagkabigla kasabay ng mabilis na pag-agos ng kanyang mga luha nang makita na ang kasama ng kanyang ama at ni Abel ay walang iba kung hindi ang lalaking kaytagal na niyang hinihintay.

"Badong?"

Mangiyak-ngiyak ito na sinalubong siya ng ngiti. Hindi nagsayang ng panahon si Soledad. Agad siyang tumakbo palapit sa asawa. Sinalubong siya nito at mahigpit na niyakap. Nang buhatin siya nito ay niyakap niya ang mga hita sa beywang nito. Bumuhos ang luha nilang dalawa. Pinikit niya ang mga mata at dinama ang mahigpit at mainit nitong yakap, mga bisig na kaytagal niyang pinanabikan.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon