Kabanata 2

115 8 0
                                    

"MARAMING salamat, Badong. Kahit kailan talaga ay maaasahan ka pagdating sa pag-aayos ng sasakyan," masayang wika ng suking parokyano niya.

"Wala pong anuman, balik lang ho kayo ano man oras kapag nagkaroon ulit ng problema."

Matapos nitong ibigay sa kanya ang bayad. Napangiti si Badong nang makita na dinagdagan nito ang perang binayad.

"Aba, malaki itong binayad sa'yo ah," masayang sabi ng may-ari ng talyer.

"Oo nga ho, suki na kasi dito 'yon."

"Kaya gustong-gusto ko na narito ka dahil marami tayong parokyano na ikaw ang hinahanap. Magaling ka sa pagkumpuni ng sasakyan isa pa'y kaya mong kunin ang loob ng mga parokyano natin. Nadadala sila sa galing mong magsalita, kaya tignan mo pati mga babae'y kaydali mong napapaibig dahil sa mabulaklak na salita mo," puri at biro sa kanya ni Mang Narding.

"Alam n'yo naman na isang tawag n'yo lang sa akin. Saka huwag ho kayong maniniwala, sabi sabi lamang po ng mga tao riyan na pabling ako," natatawang sagot niya.

"Ako naman ay nagtataka kung bakit ka nagpapakahirap magtrabaho dito. Samantalang ang lawak ng palayan n'yo."

"Masaya lang po ako na gumagawa ng mga sasakyan. Alam n'yo naman na hindi ako nakapag kolehiyo."

"Tamad ka kasing mag-aral sabi ng inay mo. Ang kuwento pa sa akin ay madalas ka daw magbulakbol."

Nahihiya at tatawa-tawang napakamot na lang si Badong.

"Hindi naman ho."

Tumawa lang ang may-ari ng talyer.

"Ang mabuti pa ay umuwi ka na dahil tiyak na pagod ka."

"Sige ho."

"Sabay na tayong umuwi, Badong!" sabi ni Pedro.

Matapos maghugas ng kamay ay nagbihis silang dalawa saka tuluyan umalis. Habang naglalakad pabalik ay napansin nila ang mga naglalagay ng mga palamuti doon sa bayan.

"Nalalapit na nga pala ang kapistahan, ano?" sabi pa ni Badong.

"Oo nga, tiyak na masaya na naman sa buong San Fabian."

Mayamaya ay dumaan ang Alkalde ng kanilang bayan. Kilala siya nito dahil kaibigan nito ang kanyang ama at sila ang madalas na nagrarasyon ng bigas dito.

"Badong, Pedro!"

"Magandang hapon ho," bati nilang dalawa.

"Magandang hapon naman. Saan ang tungo n'yo?" tanong nito.

"Pauwi na ho galing ng trabaho," sagot ni Pedro.

"Siya nga pala, magkakaroon ng sayawan kinagabihan ng araw ng piyesta. Huwag kayong mawawala ha?"

"Ay tinitiyak po namin na dadalo kami," nakangiting sagot ni Badong.

Napailing ang alkalde at tumawa.

"Ikaw na lang kaya ang pumunta Pedro. Huwag na itong si Badong at baka magkagulo lamang doon dahil sa mga babaeng humahabol dito," biro pa nito.

"Hindi po maaaring mawala ako sa sayawan. Hindi iyon makukumpleto nang wala ako," pabiro niyang pagmamalaki.

"Ikaw talagang bata ka. Sige, ako'y mauuna na at mag-iingat kayo."

"Sige ho."

Nang makaalis ang alkalde ay muli nilang pinagpatuloy ang paglalakad.

"Tutal napag-uusapan na ang tungkol sa sayawan. Paano kung makita ka na naman ni Aurora doon?"

"Huwag kang mag-alala, mabilis naman akong tumakbo," pabirong sagot ni Badong kaya natawa rin ang kaibigan.

"Sa dami ng niligawan mo wala ka man lang minahal sa kanila?"

"Alam mo Pedro, hindi ko pa nakikilala ang babaeng mamahalin ko ng tunay."

"Ikaw talaga, napakaloko mo. Kapag nakahanap ka ng katapat mo, makikita mo, baka ikaw ang humabol habol sa huli."

Ngumisi si Badong. "Hindi pa pinapanganak ang babaeng hahabulin ko," kampanteng sagot nito. 

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon