HINDI sigurado si Soledad kung anong oras na siya nakatulog kagabi. Hindi siya dalawin ng antok. Nakailangan palit na siya ng puwesto ay hindi pa rin siya nakatulog. Ngunit alam niya ang dahilan, walang iba kung hindi si Badong.
Hindi siya pinatulog ng mga alaala ng binata. Lumipas ang gabi na paulit-ulit na inaalala ang masayang sandali nila sa ilog habang namamangka. Paulit ulit na tila kinikiliti ang puso niya habang hindi mawaglit sa isipan ang muling pagpapahayag nito ng pagmamahal para sa kanya. Hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog na siyang may ngiti sa labi.
Pasado alas-sais ng umaga, nang maalimpungatan dahil sa ingay na nagmumula sa labas. Ayaw pa sanang magmulat ng kanyang mga mata sa antok ngunit patuloy siyang nagigising dahil sa komosyon sa labas. Dahil doon ay napilitan bumangon ang dalaga at dumiretso sa bintana.
"Bakit ba ang i—"
Hindi naituloy ni Soledad ang dapat sasabihin nang sa isang iglap ay magising hindi lang ang kanyang mata kung hindi ang ulirat nang makita kung saan nanggagaling ang ingay. Walang iba kung hindi si Badong habang nagpapalakol ito ng malalaking piraso ng kahoy at walang suot na damit pang-itaas. Kaya naman lantad sa mata ng mga babae nilang kasambahay ang matipunong katawan nito. Biglang nagsalubong ang kilay niya nang makitang halos mamilipit sa kilig ang mga babaeng ito habang pinapanood si Badong.
"Umagang-umaga humaharot ang mga ito," inis na sabi niya sa sarili.
Para makuha ang atensiyon ng mga ito ay tumikhim siya ng malakas. Kaya napatingala ang mga ito.
"Ay, magandang umaga ho, Senyorita!" bati ni Elenita nang mapatingala.
"Magandang umaga, magandang Binibini," nakangiting bati sa kanya ni Badong.
Dahil bagong gising ay pasimpleng inayos ni Soledad ang sarili. Sinuklay ng
mga daliri ang buhok at pinunasan ang mata maging ang gilid ng labi, sakaling may muta at panis na laway pa siya.
"Magandang umaga naman," sagot niya sa binata, sabay lipad ng tingin kay Elenita.
Nang makita ni Ising na nakasimangot siya. Kinalabit nito si Elenita at sumenyas na huwag maingay.
"Elenita, wala bang gagawin sa kusina? Ano't nakatunganga ka riyan?" masungit na puna niya dito.
Biglang nataranta ang babae at mabilis na kumaripas ng akyat pabalik sa kusina.
"Ay, paumanhin po Senyorita!"
"Tila hindi maganda ang gising mo, binibini," sabi pa ni Badong.
"Sandali lang at mag-aayos lang ako. Hintayin mo ang pagbaba ko."
"Alam mo naman maghihintay ako sa'yo kahit gaano katagal," sagot nito.
Nagmadali siyang nag-ayos ng sarili. Nagsipilyo. Naligo. Nagbihis at nag-ayos. Nang makababa halos lagpas tatlumpung minuto ang nakalipas, naabutan ni Soledad na tapos na sa pagsibak ng kahoy si Badong at nagpapahinga na lang habang nakaupo sa mahabang bangko.
"Wala ba ang mga magulang mo?" tanong pa nito.
Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito na baka may makakita sa kanila at pagalitan siya.
"Maaga daw pumunta sa kabilang bayan si mama. Si papa ay nasa Maynila at sa isang araw ang uwi. Ang mga kapatid ko naman ay tulog pa."
"Kay gandang simulan ang araw kung ikaw ang una kong masisilayan sa umaga."
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...