Kabanata 5

75 5 0
                                    

"SAAN kayo galing?" bungad ng ina ni Soledad na si Donya Juana.

"Diyan lamang sa labas, Mama. Nanood kami ng rondalla at mga palaro sa bukid," sagot ni Soledad.

"Kumain na ba kayo ng tanghalian?"

"Hindi pa po."

"Kumain na kayo at tumulong kayo sa pag-estima ng mga bisita ng inyong papa," utos nito.

"Oho."

Kasama ang kanyang nakakabatang kapatid na babae na si Dolores at ang pinsan na si Ising. Nagtungo sila sa kusina at doon kumain.

"Kilala ba ninyo ang makisig na lalaking iyon?" tanong pa ni Soledad.

"Sino doon?" tanong ni Ising.

"Maraming simpatikong binata kanina doon sa palaro. Ang hirap tukuyin ng sinasabi mo," sabi naman ni Dolores.

"Iyong binatang nakahuli ng biik, si Badong!"

Biglang sumimangot ang dalawa at umiling.

"Kilalanin mo na ang lahat maliban doon," sagot ni Dolores.

"Kung ako sa'yo ay lalayo na ako ngayon pa lang kung ayaw mo na lumuha sa bandang huli," segunda ni Ising.

"Bakit naman?" nagtatakang tanong ni Soledad.

"Kilala iyon si Badong dito sa San Fabian bilang Pabling. Halos lahat ng babae dito sa atin bayan, basta maganda ay siyang nililigawan. Pero kahit kailan ay walang sineryoso, sa huli ay palaging umuuwing luhuan ang mga pobreng dalaga."

"Siya nga ba?" hindi makapaniwalang sagot ni Soledad.

"Totoo, ate. Kaya kung ako sa'yo, huwag mo na lamang siyang intindihin."

"Pero minsan ang mga babae na rin kasi mismo ang humahabol kay Badong," sabi pa ni Ising. "Palibhasa'y simpatiko, guwapo at malakas ang dating sa mga kababaihan kaya't hinahabol kahit saan."

"Mahirap ipagkaila ang katotohanan. Totoo naman napakakisig ng isang Bartolome Mondejar. Hindi lamang 'yon, mabait, masipag, at matulungin pa," sang-ayon ni Dolores.

"Talaga? Ano ba ang trabaho niya?"

"Sila ang may-ari ng isa sa pinakamalawak na palayan dito sa San Fabian. Bukod doon ay pumapasok din siya sa talyer sa bayan."

"Hindi na nakakapagtaka na maraming babae ang nahuhumaling sa kanya. Nakita ba ninyo ang kanyang katawan? Aba'y matipuno at halatang batak sa trabaho," sabi pa ni Soledad sabay buntong-hininga.

"Sandali nga, ikaw nga ay umamin sa akin. Huwag mong sabihin gusto mo rin siya, Dadang," sabi ni Ising.

Maang na napalingon si Soledad sa pinsan. "Hindi!" mabilis na tanggi niya.

"Medyo nahihiwagaan lamang ako sa kanya dahil kanina ko pa naririnig ang ibang kababaihan na pinag-uusapan siya," paliwanag pa ni Soledad.

"Pero mag-iingat ka, Ate. Sa tono ng kanyang pananalita ay tila may gusto sa'yo si Badong. Nakita at narinig n'yo naman ang kanyang mga sinabi."

"Oo nga, kaya huwag kang magpapaloko sa kanya. Lumayo ka hangga't maaga pa."

"Bukod riyan, nakalimutan n'yo ba? Ako ay may kasintahan na, si Arnulfo."

Bahagyang sumimangot si Ising. "Ano bang kasintahan ang pinagmamalaki mo? Kung talagang mahal ka ng lalaking iyon dapat ay narito na siya. Aba'y kahapon ka pa dumating pero hanggang ngayon kahit anino niya ay hindi man lang nakikita dito," naiinis na sabi ng kaibigan.

"Abala lang naman siya."

"Ate Dadang, sinasabi ko naman sa'yo eh, hiwalayan mo na 'yan. Saka ilang beses ko nang nababalitaan na may ibang babae 'yan dito sa San Fabian."

"Tama, kahit iyong mga kaibigan ko ay sinasabi rin na madalas nilang makita si Arnulfo na may kasamang ibang babae."

"Alam ko na nag-aalala lamang kayo sa akin. Ngunit ipanatag ninyo ang inyong kalooban sapagkat maayos naman kami. Madalas kaming nagsusulatan kapag nasa Maynila ako. Isa pa, pinagkasundo na kami ng mga magulang niya at nila mama at papa. Hindi niya maaaring baliin ang napag-usapan na," sabi pa ni Soledad.

"Mahal mo ba siya?" tanong pa ni Ising.

Natigilan si Soledad at huminga ng malalim.

"Mabait naman siya at pinapakisamahan ko ng mabuti. Magkasundo naman kami, kaya ayos na rin siguro iyon."

"Ay, hindi mo nga mahal," sabi naman ni Dolores.

"Ang mahalaga ay ang usapan ng papa at pamilya ni Arnulfo."

"Basta, huwag mong sabihin hindi ka namin binalaan kapag pinaiyak ka niya," sabi pa ni Ising.

Mayamaya ay dumating ang kanyang mga kaibigan na si Nena at Perla.

"Dadang, dadalo pa kayo sa sayawan mamayang gabi?" tanong ni Perla.

"Hindi ako sigurado, depende kung ako'y papayagan ng Papa at Mama," sagot niya.

"Sayang naman kung hindi, aba'y masaya doon. Iyon ang pinakahihintay ng lahat ng mga taga-San Fabian tuwing Kapistahan," sabi pa nito.

"Siya nga naman, Dadang. Isa pa, naroon ang mga binatang makikisig na tiyak ay susuyo sa'yo. At tiyak na darating doon ang kasintahan mo na si Arnulfo," paliwanag pa ni Nena.

"Sige, titignan ko kung papayagan ako mamaya."

"Gandahan mo ang bihis ha?"

Ilang sandali pa ay dumating ang kanyang ama. Agad tumayo si Soledad at Dolores saka nagmano dito.

"Mano ho, Papa," sabi pa ni Soledad.

"Papa, maaari po ba kaming pumunta sa sayawan mamayang gabi? Pihadong naroon ang mga kaibigan namin," pagpapaalam ni Dolores.

Nagdududa silang nilingon ng ama saka nag-alis ng suot na sombrero.

"Baka naman kaya kayo pupunta ay dahil sa mga binatang naroon," sabi pa nito.

"Naku hindi ho!" mabilis na tanggi ni Soledad.

"Sige, basta alas-otso uuwi na," mahigpit na bilin nito.

"Oho."

"Oh, kumpadre! Narito ka na pala, pasensiya na kung napaghintay kita. Kagagaling ko lamang sa bahay ng Alkalde," baling nito sa bisita nilang kaibigan nito.

Masayang bumalik sa hapag-kainan si Soledad at ang kapatid na si Dolores.

"Oh, anong sabi?" pag-uusisa agad ni Ising.

"Pumayag si Papa!"

Impit silang nagtilian dahil sa tuwa. Matagal siyang namalagi sa Maynila dahil doon siya nag-aaral ng Kolehiyo. Marami siyang mga sandali at mga okasyon na nakaligtaan. Labis din siyang nangulila sa mga kaibigan na kaytagal na hindi nasilayan. Kaya habang bakasyon ay gustong ibuhos ni Soledad ang oras sa kanyang pamilya at mga kaibigan. 

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon