DAIG pa ni Badong ang pinagsakluban ng langit at lupa. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala. Paano nangyari na sa isang kisapmata ay naubos ang kanyang pamilya? Nang gabing patayin ang buo niyang pamilya, umaga noong araw din na iyon ay naroon pa silang mag-asawa. Sa kabila ng tensyon dahil sa mga nakakalat na sundalong hapon sa paligid ay nagawa pa nilang magdiwang ng kaarawan ni Neneng.
Masaya silang nagsalo-salo, nagkuwentuhan at nagpalaro pa ang kanilang ina. Sino ba ang mag-aakala na iyon na pala ang huling sandali ng buhay ng mga ito? Mula sa bahay kung saan sila nagbihis ni Soledad ay naglakad sila pabalik ng bahay ng kanyang mga magulang. Ang mga kapitbahay nila ang tumulong sa kanyang mag-asikaso ng mga labi ng pamilya niya. Malaki ang pasasalamat ni Badong sa mga ito dahil hanggang sa huli ay hindi sila pinabayaan. Noong nabubuhay pa ang kanyang mga magulang ay halos lahat ng tao doon sa San Fabian ay kaibigan ng mga ito. Marami itong natulungan. Mga taong regular nilang nirarasyunan ng bigas. Wala silang naging kaaway doon. At hindi naniniwala si Badong na isang rebelde si Isagani kaya ng binibintang ng mga sundalong hapon. Alam niyang kasinungalingan lamang iyon, wala siyang naiisip na dahilan para patayin ang kanyang pamilya kung hindi bilang ganti sa kanya matapos ang nangyaring paghaharap nilang dalawa doon sa plaza.
Pagpasok nila sa bahay ay paulit-ulit na nadurog ang kanyang puso nang bumungad ang walong kabaong na magkakahilera. Muling umagos ang luha ni Badong. Gusto niyang manghina dahil sa tanawin sa kanyang harapan. Kayhirap tanggapin na sa ganoon karumaldumal namatay ang pamilya niya. Malaki ang sinakripisyo ni Badong para sa mga nakababatang kapatid. Huminto siya sa pag-aaral matapos ang sekondarya para lang makapag-aral ang mga ito. Sa murang edad ay katulong na siya sa pagtatrabaho ng mga magulang sa bukid. Kapag abala ang mga ito ay siya ang tumatayong magulang ng mga kapatid. Nagluluto. Nagpapakain. Nag-aalaga. Naglalaba at naglilinis ng bahay.
Tila nawalan ng saysay ang kanyang paghihirap matapos na sa isang iglap lamang ay nawala ang mga ito. Abot-langit ang galit na nararamdaman ni Badong para sa mga hapon. Marahil kung hindi dahil kay Soledad ay baka tuluyan na siyang nawala sa sarili at baka isa na rin sa pinaglalamayan sa mga oras na iyon. Sa ngayon, wala siyang ibang napagkukunan ng lakas kung hindi ang kanyang asawa.
Mula doon sa bahay ay magkakatulong ang mga kaibigan at mga kapitbahay niya na dalhin ang mga kabaong na laman ang mga magulang at mga kapatid. Tila buong San Fabian ay kasama niyang nagluksa. Lahat ng bahay na kanilang daanan ay nakasuot ng itim at nakiramay. Halos lahat ay umiiyak.
Habang naglalakad patungo sa sementeryo ay nadadaanan nila ang mga sundalong hapon na nakabantay. Lalong umapaw sa galit ang kanyang damdamin ng tumatawa pa ang mga ito habang pinapanood sila. Kung maaari lamang niyang pasabugin ang mga ito ay ginawa na niya ng mabilis nang sa ganoon ay matapos na ang kanilang paghihirap.
Malapit na sila sa paglilibingan ng kanyang pamilya nang pigilan si Soledad ng mga nakakatanda dahil sa pamahiin.
"Badong, hanggang dito na lamang si Soledad. Buntis siya at masama sa buntis ang lumapit kapag may nililibing," sabi ni Donya Juana.
"Sige po," sagot niya.
"Dito lang ako," sabi ni Soledad.
Malungkot siyang ngumiti sa asawa. "Huwag kang mag-alala nasa likod niya lang kami," sabi naman ni Abel kay Soledad.
"Salamat, Abel."
Kasama si Donya Juana at iba pang kababaihan ay sinamahan ng mga ito si Soledad. Matapos basbasan ng kura paroko ang mga labi ng kanyang pamilya ay saka ito lumingon sa kanya.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...