Kabanata 20

31 2 0
                                    

"MAGANDANG araw ho, Gobernador," magalang na pagbati ni Badong pagdating sa bakuran ng mga Mariano.

"Oh, Badong, magandang araw din naman at mabuti't narito ka na."

"Pinatawag n'yo raw ho ako?"

"Oo."

"Ano ho ang maipaglilingkod ko?"

Tumayo ito mula sa kinauupuan pagkatapos ay lumapit sa kanya. Umakbay pa ito at pumunta sila sa garahe kung saan nakaparada ang dalawang sasakyan nito.

"Maaari mo ba akong tulungan dito sa isang awto ko?" tanong nito.

"Ano ho ba ang nangyari?"

"Tumirik ito noong isang araw pagkatapos ay ayaw nang gumana ang makina ngayon."

"Sige ho, titignan ko 'yong makina," sabi pa niya.

Nang tignan ang makina ng awto agad nakita ni Badong ang sira nito. Matapos iyon ay agad niyang sinimulan ang pagkumpuni nito.

"Kumusta na ang pagsasaka, Badong?" tanong ng Gobernador.

"Mabuti naman ho, matatapos na kami sa pagtatanim."

"Mabuti kung ganoon. Hindi ko na yata nakikita na may kasama kang babae, samantalang dati ay madalas kitang nakikita na iba't iba ang nobya mo."

Napakamot siya ng batok at nahihiyang ngumiti.

"Bagong buhay na po, Gob. Mangyari po kasi na may isang magandang dalaga ang nakabihag ng puso ko. Mula po noon ay hindi ko na nakuha pang tumingin sa ibang dalaga."

Marahan itong natawa. "Mabuti naman kung ganoon. Ngunit hindi naman kita masisisi, nasa kainitan ka ng kabataan mo. Hindi naman sa pinagmamalaki ko, ano? Ngunit ganyan din ako noong ako'y nasa edad mo. Kabi-kabila ang aking nobya at nililigawan. Ngunit nang makilala ko si Juana, huminto ang inog ng aking mundo."

Napangiti si Badong habang nakikinig sa kuwento nito. Sa kabilang banda ay tinutusok ang kanyang isipan ng konsensya dahil wala itong kaalam alam na ang tinutukoy niya ay ang anak nito.

"Iba ho talaga kapag pinana ni kupido ang puso," komento niya.

"Totoo 'yan."

Mayamaya ay humugot ito ng malalim na hininga, ramdam niya ang bigat niyon.

"Mayroon ho ba kayong dinaramdam?" tanong pa niya.

"Wala naman, iniisip ko lamang ang isang anak kong dalaga."

Bahagya siyang napakunot-noo. "Sino ho?" tanong pa niya kahit may hinala na siya kung sino ang tinutukoy nito.

"Si Soledad, iyong anak ko na nasa Maynila."

Hindi naiwasan ni Badong na mapangiti nang marinig ang pangalan ng babaeng minamahal.

"May problema po ba?"

"Hindi ko lang alam ang gagawin ko sa batang iyon. Aba'y napakatigas ng ulo at ayaw sundin ang sinasabi ko. Umatras sa kasal nila ng kanyang nobyo. Ngayon ay iniisip ko na kung sino ang susuporta sa akin sa susunod na eleksiyon. Dahil sa pag-atras ni Soledad ay binawi rin ng pamilya ni Arnulfo ang suporta sa akin sa darating na eleksiyon. Hindi ko na rin mapilit ang anak ko dahil pati ang aking asawa ay nagagalit na rin sa akin," kuwento nito.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon