"SOLEDAD, tapos na ba silang kumain?" tanong ni Aling Lagring paglabas nito ng silid.
"Oho," sagot niya.
"Mga ginoo, pagpasensyahan n'yo na kung kayo ay pauuwiin ko na. May patakaran ako dito sa aking dormitoryo na hanggang alas-nuwebe lang ng gabi ang bisita lalo na't lalaki. Kung gusto ninyo ay bumalik na lamang kayo bukas," sabi pa nito.
"Huwag ho kayong mag-alala, naiintindihan ho namin," magalang na sagot ni Badong.
Mayamaya ay tumayo na sila ni Ricardo at hinatid sila hanggang sa ibaba ni Soledad.
"Saan ka tutuloy ngayon gabi?" nag-aalalang tanong ni Soledad.
"Doon sa bahay nila Ricardo, sa Pasig."
"Huwag kang mag-alala, Soledad. Ligtas at maayos naman ang aking bahay, tinitiyak ko sa'yo na makakapagpahinga siya ng mabuti doon."
"Salamat, Ricardo ha?" nakangiting sabi niya.
"Walang anuman, Soledad. Kami nitong si Bartolome ay matalik na magkaibigan mula pa noong kamusmusan namin. Magkasama kami nito sa lahat ng bagay maging sa kalokohan," kuwento pa nito.
"Natutuwa akong marinig 'yan. Ngayon ay mapapanatag ako na may tutuluyan naman pala si Badong sa susunod na pagluwas niya dito."
"Huwag mong kalimutan maghanda ng mga gamit mo ha? Bukas ng alas-singko ng umaga, susunduin namin kayo," bilin pa ni Badong.
"Sige."
Muli siyang niyakap ng mahigpit ni Badong bago ito tuluyan umalis.
Nakaramdam ng panghihinayang si Soledad. Tila hindi sapat ang mahigit isang oras na pamamalagi doon ng nobyo. Kahit na magkikita pa naman sila kinabukasan. Palibhasa'y limitado ang kanilang kilos dahil naroon ang kanyang mga kaibigan lalo na si Aling Lagring na panay ang labas sa silid nito habang naroon si Badong at Ricardo.
Bagsak ang balikat na pumasok si Soledad pabalik nang bahay nang mawala na ito sa kanyang paningin.
"Masaya ka na?" nakangiting tanong ni Nena.
Tuluyan siyang napangiti saka tumango.
"Hindi man lang sumagi sa aking isipan na makikita ko si Badong ngayon," sagot pa niya.
"Mga anak, gabi na at magsitulog na kayo pagkatapos ninyong magligpit sa kusina," bilin ni Aling Lagring.
"Opo."
"Ako'y mauuna nang matulog sa inyo," sabi nito.
"Sige ho, magandang gabi po."
Matapos magligpit ng kanilang pinagkainan papasok na sana si Soledad sa kanyang silid nang bulungan siya ni Perla.
"Huwag mong kalimutan na ikandado ang pinto ng iyong silid," bilin nito.
Napakunot-noo siya. "Lagi naman akong nagkakandado ng pinto ah," sagot niya.
"Wala, paalala lang."
"Sige na, huwag n'yo kalimutan gumising ng maaga ha?"
"Oo."
Bago mahiga ay naligo muna si Soledad. Pagkatapos ay hinanda na niya ang mga gamit na dadalhin sa susunod na dalawang araw. Pasado alas-diyes na ng gabi nang matapos siya sa pag-aayos kaya naman pinatay na niya ang ilaw at nahiga. Ngunit ilang sandali pa ay may narinig siyang nag-uusap mula sa labas ng bintana. Bigla siyang napabangon sabay silip sa baba. Ganoon na lamang ang kanyang gulat nang makita sa ibaba sa likod ng bahay si Badong, kasama si Ricardo at si Nena.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...