HINDI mapigilan ni Badong ang mapaluha. Ilang oras na ang nakakalipas mula nang matapos ang gulo sa bahay ng mga Mariano dahil sa ginawa nilang pagtatapat ni Soledad. Ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay sariwa pa rin sa alaala ni Badong ang mga masasakit na salitang natanggap mula sa ama ng kasintahan.
Natakpan niya ang mga mata at napahagulgol ng iyak. Nakagisnan ni Badong na tinuruan at pinalaki siya ng mga magulang na magkaroon ng tiwala sa sarili, na kahit anong estado sa buhay ng isang tao, lahat ay pantay-pantay. Sa unang pagkakataon ay bumaba ang kompiyansa niya sa sarili. Ngayon lang sa tanan ng kanyang buhay na naging maliit ang tingin ni Badong sa sarili. Sa isang iglap ay naramdaman at nakita niya ang laki ng agwat ng kanilang estado sa buhay. At hindi niya napigilan ang sarili na masaktan sa lahat ng nangyari.
Bigla niyang tinago ang mukha nang lumabas mula sa pinto doon sa likod ng bahay ang ina. Sa halip na dumaan sa harap ay umikot siya sa bukid at doon naupo sa labas ng kanilang bakuran sa bandang likod para itago ang kanyang pag-iyak.
"Oh, anong ginagawa mo rito? Hindi ba't ang sabi mo'y haharap na kayo sa mga magulang ni Soledad?" tanong pa nito saka naupo sa kanyang tabi.
"Nagpapahangin lang po," garalgal ang tinig na pagsisinungaling niya.
Bumuntong-hininga ito, mayamaya ay marahan natawa at napailing.
"Hindi ko na maalala kung kailan ang huling beses na nakita kitang umiyak ng ganyan," sabi pa nito.
"Hindi naman ho ako umiiyak," tanggi niya.
"Hulaan ko, hindi ka tinanggap ni Don Leon, ano?"
Doon siya lalong napahagulgol ng iyak.
"Hindi ko matanggap, inay. Kay hirap lunukin ng mga pang-iinsulto at panghahamak niya aking pagkatao dahil magsasaka at mekaniko ako."
Muling huminga ng malalim ang ina. "Hindi na ako nagulat na ganoon ang naging pagtanggap niya sa'yo. Kilala ko si Don Leon, mataas ang kanyang lipad at dominante palibhasa'y nakakaangat sa buhay. Ngunit kailangan mo rin maintindihan na hindi lahat ng magulang ay pare-pareho. Ang paghihigpit niya sa kanyang mga anak ay paraan niya kung paano palakihin at disiplinahin ang mga ito, kahit na hindi tama ang kanyang pananalita. Pero anong gagawin natin? Iyon ang kanyang pagkatao at ama siya ng babaeng mahal mo. Kung pakakasalan mo si Soledad, kailangan mo siyang pakisamahan, sa ayaw man at sa gusto mo. Kailangan mo pa rin ipakita sa kanya ang respeto at paggalang."
"Alam ko naman po iyon, inay. Hindi ko lang maiwasan ang masaktan. Ngunit ang inaalala ko ay si Soledad. Natitiyak ko na labis din siyang nasasaktan sa mga sandaling ito. Natatakot ako na baka tuluyan siyang mawala sa akin at ipakasal sa Arnulfo na iyon."
"Ngunit totoo naman ang sinabi ng papa niya. Totoo naman magsasaka tayo at mekaniko ka. Pero hindi totoo na hanggang dito na lamang tayo, na hanggang dito na lang ang kaya mong abutin sa buhay. Patunayan mo sa kanya na hindi nagkamali si Soledad na ikaw ang minahal ng kanyang anak. Patunayan mo kay Don Leon na ang magsasaka at mekanikong ito ay mas magiging maunlad. Anak, kilala kita at alam ko ang mga kaya mong gawin. Musmos ka pa lamang ngunit nagsilbi kang ikatlong magulang ng mga kapatid mo. Sinakripisyo ang sarili mo at tumulong na sa bukid. Kaya alam ko na tama ang lalaking pinili ni Soledad."
Tila nabawasan ang bigat at sakit sa kalooban ni Badong dahil sa mga sinabi ng ina tungkol sa kanya. Gaya ng isang bata na nangangailangan ng kalinga ng magulang. Yumakap siya ng mahigpit sa ina at muling naging emosyonal nang maramdam ang marahan paghagod nito sa likod. Mayamaya ay lumayo na siya dito at pinunasan ni Badong ang kanyang luha at inayos ang sarili. hanggang sa mahimasmasan.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...