"MAGANDANG araw, Badong!"
Napalingon siya at bumungad ang tatlong magagandang babae. Naroon siya sa bukid at kasalukuyan hinahanda iyon sa para sa susunod na pagtatanim. Saglit siyang natigilan at pilit na inaalala ang pangalan ng mga ito. Ngunit hindi gaya noon na para bang nabubuhay ang dugo niya kapag nakakakita ng mga babae. Ngayon tanging kay Soledad na lamang niya nararamdaman iyon. Nakakamangha sa tuwing iniisip kung paano siya nagawang baguhin sa isang iglap ng tunay na pag-ibig.
"Magandang araw, mga binibini. Anong maipaglilingkod ko sa inyo?"
Napatingin siya sa basket na dala nito at inabot iyon sa kanya.
"Gumawa ako ng meryenda para sa'yo."
"Habang tumatagal ay lalo kang nagiging makisig, Badong."
"Hindi lang 'yon, masipag pa."
Nakaramdam ng maghalong hiya at pagkailang si Badong. Kung dati ay mas tumataas ang kumpiyansa niya sa mga papering natatanggap sa mga kababaihan. Ngayon ay para bang mas nais niyang marinig ang mga salitang iyon mula kay Soledad.
Humagikgik ang mga ito at lumapit sa kanya. "Mamayang hapon ay may kasiyahan magaganap sa bahay namin para sa selebrasyon ng aking kaarawan ngayon. Nais sana kitang imbitahan," nakangiting sabi nito.
"Oo nga naman, Badong."
Hindi agad siya nakasagot dahil pilit na hinahalukay ang isipan. Napakamot si Badong sa sentido nang hindi pa rin maalala ang pangalan ng mga ito.
"Sandali, ano nga ulit ang pangalan n'yo?" nagugulahan na tanong niya.
Dismayadong bumuntong-hininga ang tatlo.
"Ikaw talaga, Badong! Sa dami ng babae mo hindi mo na maalala ang pangalan namin."
"Rosario ang pangalan ko."
"Ako naman si Jesusa."
"At ako si Trinidad."
"Ah, oo nga pala," sagot niya.
Mayamaya ay bumakas ang lungkot sa mukha ng mga ito.
"Alam mo pagkatapos ng Piyesta bigla kang nagbago. Dati rati ay palagi mo kaming inaanyayahan na lumabas. O kaya naman ay nagpupunta ka sa amin o nagkikita at namamasyal tayo doon sa gubat. Ngayon hindi ka na nagagawi sa amin," nagtatampo na sabi ni Jesusa.
"Siya nga naman."
May bahid ng paumanhin na bahagya siyang ngumiti sa mga ito.
"Hindi bale na nga, ang mahalaga ay pumunta ka mamaya sa kaarawan ko," sabi naman ni Rosario.
Tumikhim si Badong. "Paumanhin Rosario, ngunit hindi ko yata mapagbibigyan ang imbitasyon mo."
Gulat na nagkatinginan ang tatlo. Iyon ang unang pagkakataon na tumanggi siya sa imbitasyon ng isang babae.
"Bakit naman?"
"Alam ko na nagtataka kayo sa biglaan kong pagbabago. Nais ko lang ipabatid na iyon ay dahil may isang dalaga na ang nagmamay-ari ng puso ko. Natagpuan ko na ang babaeng mamahalin ko habang buhay at ayokong gumawa ng kahit anong dahilan upang siya ay magselos o masaktan."
Hindi makapaniwala ang mga ito sa kanyang sinabi.
"Maaari ba namin malaman kung sino siya?" tanong naman ni Trinidad.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...