SA mga sumunod na araw ay nagbago ang takbo ng buhay ng mga taga-San Fabian. Malaya pa rin nakakalabas ang mga tao at tila normal pa rin dumadaan ang kanilang bawat araw. Ngunit nabalot na iyon ng takot. Kahit saan pumunta ay nagkalat ang mga sundalong hapon lalo na sa bayan nakabantay sa bawat kilos ng mga tao. Ang mga Pilipino ay inutusan na palaging magbigay pugay o galang sa mga hapon sa pamamagitan ng pagyuko. Mahigpit na pinagbawal ang pagrerebelde o paglaban sa mga sundalong hapon. Samakatuwid, tinanggalan ang mga Pilipino ng karapatan na ipagtanggol ang sariling bayan.
Nang umagang iyon ay abala sa pagtulong si Badong sa talyer ni Mang Narding doon sa San Fabian. Pansamantala muna siyang doon magtatrabaho habang naroon sa probinsya habang nagtatrabaho pa rin sa kanilang bukid. Si Soledad naman ay nag-desisyon na pumasok bilang pribadong maestra. Kung saan nagtutungo roon sa kanilang bahay ang ilang mga bata at doon niya ito tinuturuan.
"Mga punyetang dayuhan, sino sila sa tingin nila at binigyan ang mga sarili ng karapatan na maghari-harian sa sarili natin bayan?" galit na sabi ng kapatid ni Badong na si Isidro.
Mahina ang boses nito at kalmado ngunit patuloy sa ginagawa at hindi tumitingin sa mga kausap ngunit ramdam sa bawat salitang namutawi rito ang galit at poot.
"Hindi ko malaman kung ano't biglang naging ganito ang ating bayan. Kagabi ay may narinig akong malakas na palahaw ng iyak. Kinabukasan ay nabalitaan ko na lang na pinatay ng mga mananakop na ito ang isang anak na lalaki ng kapitbahay natin, ayon sa usap-usapan ay napagbintangan na rebelde ng mga hapon," kuwento pa ng kanilang ina.
"Basta gawin n'yo lamang ang karaniwan natin nakasanayan. Huwag ninyong ipapakita ang galit ninyo sa kanila. Matuto tayong sikilin ang sariling galit sa ngalan ng kaligtasan natin. Isidro, naiintindihan mo ba?" sagot ni Badong sabay baling sa kapatid.
"Oo, Kuya."
"Wala na ako rito sa bahay dahil kailangan ko pangalagaan ang aking asawa, ikaw ang sumunod sa akin kaya't nasa iyo ang responsibilidad na masigurong ligtas ang inay at itay maging ang ating mga kapatid."
"Naiintindihan ko, Kuya."
"Mabuti kung ganoon."
May bigat nang huminga ng malalim si Badong. Matapos ang mga gawain doon sa kanilang bodega ay agad siyang pumasok sa loob.
"Inay, mauna na ho ako," paalam niya.
"Sige na't baka ikaw ay hinihintay na ng asawa mo."
"Mag-iingat kayo rito ha? Marciana, huwag kayong lalabas ni Neneng. Hanggang dito lang kayo sa bakuran. Isagani, kapag sumapit ang dilim ay isarado ninyong mabuti itong pinto," mahigpit na bilin ni Badong.
"Oo, Kuya."
Paglabas ni Badong ay agad siyang naglakad pabalik ng bahay. Habang naglalakad ay may nakasalubong silang limang sundalong hapon. Nang tumapat ang mga ito sa kanya ay yumuko siya at nagbigay galang. Nakaramdam ng matinding pagpupuyos ng damdamin si Badong. Lihim niyang kinuyom ang mga palad at kinalma ang sarili.
Malapit na siya sa bahay nang biglang mapahinto matapos may marinig na sumigaw at dumaing ng sunod-sunod. Nang lumingon ay nakita ni Badong ang isa nilang kapitbahay na lalaki na pinagtutulungan bugbugin ng mga sundalong hapon. May sinabi ang mga ito ngunit hindi niya naintindihan. Agad niyang iniwas ang tingin kasabay ng paglaki ng kanyang galit sa mga ito.
"Magbabayad kayo ng malaki sa ginagawa ninyong pang-aalipusta sa mga Pilipino," wika niya sa kanyang sarili.
Nang makarating sa bahay ay tila tinangay ng hangin ang kanyang galit nang agad salubungin ng magandang ngiti ni Soledad. Nanggaling ito sa likod-bahay. Sinalubong niya ito ng masuyong halik sa labi pagkatapos ay niyakap ng mahigpit. Sa isang kisap ng mata ay nawala ang kanyang pagod dahil sa trabaho.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...