MALALIM na ang gabi. Kung hindi nagkakamali si Soledad ay pasado alas-diyes na ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Matapos ang insidente na nangyari kanina sa pagitan niya at ng dalawang binata sa plaza matapos nilang manood ng dula, nanatiling tahimik sa buong gabi si Badong. Malayo sa nakasanayan niya na malambing na nobyo.
Malakas ang kutob ni Soledad na ang dahilan ng pagsasawalang kibo ng binata ay dahil sa mga sinabi niya kanina. Dahil doon ay hindi maiwasan ng dalaga na mag-alala. Kung maaari lamang na tumakas siya ngayon gabi at puntahan si Badong para makausap ito at makapagpaliwanag.
"Ngunit paano ako lalabas dito? Baka magising sila mama? Hindi ko naman kayang tumalon dito sa bintana," naguguluhan ang isip na pagkausap niya sa sarili.
"Kapag naman wala akong ginawa ay hindi ako makakatulog at matatahimik sa kakaisip."
Napabuntong-hininga na lamang si Soledad sa sobrang desperado. Muli siyang nag-iba ng pwesto at tumalikod sa may bintana. Nang wala nang maisip na paraan, pumikit na lamang siya at pinilit ang sarili na makatulog. Lumipas ang ilang sandali, biglang napalingon si Soledad at napabalikwas ng bangon nang mula sa labas ng bintana ay marinig ang isang mahinang katok. Isang tao lamang ang kanyang unang naisip, dahil isang tao lamang ang may malakas ng loob na umakyat doon sa silid niya ng ganoon oras.
"Si Badong," wika niya.
Nang muling marinig ang mahinang katok ay agad siyang bumaba ng kama at nagmamadaling binuksan iyon. Tama ang kanyang sapantaha, walang iba nga kung hindi si Badong habang nakasakay sa balikat ng mga kaibigan. Tinulungan niya itong makasampa doon at agad sinarado ang bintana.
"Mabuti na lang at pumarito ka," mahina ang boses na sabi ni Soledad.
Nang sinalubong nito ang kanyang mga mata. Agad niyang nabanaag ang lungkot doon.
"Hindi ako makatulog eh, nais kitang makita muli."
Hinaplos niya ang isang pisngi nito.
"Alam kong nasaktan ka noong tinanggi ko ang relasyon natin kay Arnulfo, ngunit kailangan mong maunawaan na kaya ko lamang ginawa iyon ay sapagkat naunahan ako ng takot na kapag nalaman niya ay makarating sa papa ang tungkol sa relasyon natin ng wala sa oras."
Huminga ito ng malalim at tumungo. Bahagya niya itong hinila palapit sa kama at naupo sila doon.
"Ayokong mabigla sila. Ayokong malaman nila ang tungkol sa atin sa ibang tao, lalo na kay Arnulfo. Kung malalaman man nila ang relasyon natin, hindi ba't mas makakabuti kung sa atin mismo iyon manggaling? Iyong matagal na natin pinag-uusapan na pormal tayong haharap sa mama at papa ng sabay?" patuloy na pagpapaliwanag niya.
Hindi pa rin nagsalita si Badong ngunit marahan itong tumango.
"Mahal ko, pakiusap, magsalita ka naman sapagkat para akong pinapatay ng pananahimik mo," sabi pa ni Soledad.
"Ipagpaumanhin mo, mahal ko. Alam ko naman na tama lamang ang mga sinabi mo. Ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili na masaktan noong marinig ko na tinanggi mong nobyo mo ako. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na magselos dahil may ibang binata ang nagmamahal sa'yo. Marahil nagiging makasarili ako, ngunit anong gagawin ko? Ang tanging nais ko ay ako lamang ang magmahal sa'yo at wala nang iba pa, na ang puso mo ay para sa akin lamang."
Sa pagkakataon na iyon ay si Soledad naman ang napabuntong-hininga pagkatapos ay tumayo siya sa harap nito at niyakap ng mahigpit.
"Patawad, mahal ko. Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Hindi ko sinasadya. At huwag mong alalahanin ang tungkol kay Arnulfo. Mula pa noon ay hindi ko na siya minahal. Ikaw lang ang tanging lalaking minahal ko at nakalaan na ang puso ko sa'yo."
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...