Kabanata 13

46 4 0
                                    

"MAGANDANG araw ho, Mang Kanor."

Iyon ang sinalubong ni Badong nang bumaba ito mula sa awto pagdating doon sa talyer.

"Oh, Badong. Narito ka pala. Magandang araw naman."

"Ano ho ang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong pa niya.

"Eh, itong sasakyan ni Gobernador ay ilang beses na tumirik sa daan. Dinala ko na dito para maayos na kaysa lumala pa ang problema."

Napalingon siya nang biglang dumating ang isa pang kasamahan na mekaniko.

"Badong, ako na riyan tutal at kadarating ko lang. Magpahinga ka muna," sabi pa nito.

"Sige, salamat. Mang Kanor, iwan ko kayo dito sa kasama ko. Huwag ho kayong mag-alala magaling ito."

"Sige, maraming salamat."

Paalis na sana siya nang biglang bumukas ang likod ng sasakyan. Tila bumagal ang buong paligid nang bumaba doon si Soledad. Ang tagpong iyon ay nagpa-alala kay Badong noong unang beses niyang nasilayan ang dalaga. Ang ilang araw nilang pagkakilala ay tila katumbas ng mahabang panahon na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin nagbago ang tugon ng kanyang damdamin. Sa unang sulyap pa lamang ay nagawa na ni Soledad na guluhin ang normal na tibok ng kanyang puso.

"Magandang araw, Badong," bati sa kanya ni Ising.

Tinapunan lang niya ito ng tingin at agad din iyon bumalik kay Soledad.

"Magandang araw naman."

Lihim na ngumiti sa kanya si Soledad. Tumikhim si Badong.

"Magandang araw, Soledad."

"Gayundin sa'yo, Badong."

Bigla siyang tumungo at tinignan ang sarili.

"Ipagpaumanhin mo at hindi ako presentableng humarap sa'yo."

"Walang anuman 'yon," sagot nito.

Mayamaya ay lumapit sa kanya si Ising at pasimpleng bumulong.

"Ano nga pala ang sadya ninyo at napaluwas kayo dito sa bayan? Sumama ba kayo kay Mang Kanor?"

"Ah hindi, sumabay lang kami sapagka't magkikita kami ng aking nobyo. Sinama ko na si Soledad dahil nababagot siya sa bahay."

Ngumiti siya sa dalaga. "Ah, siya nga?"

"Kung gusto mo ay sumama ka sa amin, para naman hindi malungkot ang aking pinsan habang nag-uusap kami ng aking nobyo."

Tumikhim siya ay marahan tumango.

"Aba'y kung hindi ako makakaabala. Tamang tama at oras na ng aking pahinga," sabi pa niya.

"Mainam kung ganoon."

"Sandali lamang at maglilinis ako sandali," paalam pa niya.

Nagmamadaling tumakbo papasok ng opisina si Badong. Kinuha niya ang tuwalya saka muling lumabas at naghilamos, pagkatapos ay kinuskos niyang mabuti ang mga grasa na dumikit sa kanyang kamay at braso. Dahil nasa labas ang kanilang hugasan, doon na rin siya naghubad ng damit na suot pangtrabaho.

Mayamaya ay natigilan siya at biglang napalingon. Eksakto naman na nahuli niya si Soledad na nakatingin at tila pinapanood siya. Bigla itong bumawi ng tingin at tumalikod nang makita nitong nakatingin siya dito. Hindi napigilan ni Badong ang matawa at mapailing. Sadyang may simpleng paraan si Soledad para patawanin siya at pagandahin ang kanyang araw. Matapos iyon ay nagpalit na siya ng damit at muling pumasok sa opisina. Bago lumabas ay naglagay siya ng pabango.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon