Kabanata 24

27 2 1
                                    

GAYA ng kanilang napagkasunduan, alas-singko empunto ay dumating si Badong doon sa dormitoryo at sinundo sila. Si Badong ang nagmamaneho at nakaupo sa tabi nito si Soledad. Habang si Nena at Perla ay sakay naman ng awto ni Ricardo.

"Nagustuhan mo ba ang suot ko?" nakangiting tanong ni Soledad.

Bahagya itong sumulyap sa kanya at pinatong ang kamay sa kanyang hita at hinawakan ang suot niya. Iyon ang bestidang niregalo nito. Hindi pa rin niya makalimutan ang naging reaksyon nito nang makitang suot niya iyon.

"Gustong-gusto, bagay sa'yo ang bestida at lalong pumusyaw ang kulay ng balat mo," sagot nito.

"Ang galing mong pumili ah, baka sa dami ng niregaluhan mo noon kaya alam na alam mo ang bagay sa akin," biro pa niya.

"Mahal! Wala akong ibang babaeng niregaluhan!" mabilis na depensa nito kaya natawa siya ng malakas.

"Sa lahat ng babaeng dumaan sa buhay ko, mamatay man, ikaw lang ang babaeng binigyan ko ng regalo. Tinulungan lang ako ng tindera sa pagpili," paliwanag nito.

"Biro lang, ikaw naman," natatawa pa rin sagot niya.

Kinuha nito ang kamay niya at hinawakan iyon habang isa ay nakahawak sa manibela.

"Sinabi ko naman sa'yo na ikaw lang ang babae sa buhay ko," sabi pa nito.

"Ito naman nagbibiro lang nga ako, alam ko naman 'yon. Labis lang akong natutuwa dahil parang sukat na sukat sa akin ito."

"Sa tuwing magkikita tayo, iyan palagi ang isuot mo ha?"

"Sige," sagot niya.

"Nga pala, kanino pala itong sasakyan dala mo?"

"Kay Mang Narding, lumang awto ito dati na binuo ko lamang at pinalitan ng makina at inayos itong loob at labas."

"Talaga? Napakaganda nito, mahal. Ang buong akala ko'y bago ito."

"Kaya nga tuwang-tuwa si Mang Narding buti na lang at pinahiram sa akin."

"Ang galing mo naman, mahal!" natutuwang puri niya kay Badong.

"Hayaan mo, mahal. Pagbubutihin ko pa upang balang araw ay magkaroon tayo ng kompanya na nagbebenta ng mga kotse," nangangarap na sagot nito.

"Naku, ang ibig sabihin ay napakayaman na natin kapag ganoon."

"Walang imposible, mahal. Basta patuloy lamang tayong mangarap ng malaki at gawin ang lahat upang matupad iyon," sagot nito.

"Kaya nga ba malaki ang tiwala ko na malayo ang mararating mo. Teka, maiba tayo, kailan mo pa plinano ito?" tanong pa si Soledad habang patuloy sa pagmamaneho si Badong.

"Noong mabasa ko ang sulat mo. Hindi ba't sabi mo na gusto mong maglakad sa tabing dagat?"

Namulaklak ang labis na saya sa kanyang puso nang marinig ang sagot nito. Hindi niya akalain na tutuparin talaga ni Badong ang mga binanggit niya sa liham.

"Hindi ko akalain na gagawin mo talaga ang mga sinabi ko. Sa totoo lamang ay nasabi ko ang mga iyon dahil sa pangungulila ko ng labis sa'yo ng mga panahon na iyon," paliwanag niya.

"Mainam na rin ito nang kahit paano'y magkasama tayo ng mas matagal sa isang magandang lugar. Doon magiging malaya tayong maglakad ng magkahawak ang kamay nang walang inaalala kung mayroon ba na makakakita sa atin," sagot nito.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon