"HALIKA na!" pagpupumilit sa kanya ni Badong.
Pilit binabawi ni Soledad ang mga braso at yumayakap siya sa puno huwag lamang madala ng nobyo.
"Ayoko. Ayoko Badong! Natatakot ako!" mariin at kinakabahan niyang tanggi.
Natatawa na hinigpitan nito lalo ang pagkakahawak sa kanyang kamay at patuloy pa rin sa paghila sa kanya.
"Huwag kang matakot, narito naman ako sabay tayong tatalon."
"Mataas masyado riyan!"
"Hindi! Halika na!"
Kinakabahan man ay wala nang nagawa so Soledad kung hindi ang tuluyan magpahila kay Badong. Sa halip na doon sa mismong tagpuan sila dinala ni Abel, sa ibang parte ng ilog sila pumunta. Naroon sila ngayon sa isang matarik na bahagi ng lupa kung saan kanina pa tumatalon mula roon si Badong at mga kaibigan nito, maging sila Perla. Tanging si Soledad lamang ang hindi tumatalon sa ilog mula doon dahil sa takot niya sa matataas na lugar.
"Talon na!" pang-uudyok pa ng mga kaibigan nila na nakaupo at nanonood sa gilid.
"Badong ah, natatakot ako!"
"Akong bahala sa'yo."
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya.
"Bibilang ako ng tatlo ah pagkatapos ay sabay tayong tatalon, handa ka na?" sabi pa nito.
Huminga siya ng malalim at agad tumango.
"Isa... dalawa... tatlo!"
Nang sabay silang tumalon pababa ay hindi napigilan ni Soledad na mapasigaw ng malakas kasabay ng pagbagsak nila sa tubig. Pagdating sa ilalim agad niyang naramdaman na hinawakan siya ni Badong at hinila pataas. Habol ang hininga nang makaahon siya at sunod na narinig ang malakas na sigawan ng mga kasama.
Tumatawang hinilamos ni Badong ang palad sa mukha niya para maalis ang tubig sa kanyang mga mata.
"Ayos ka lang?" tanong nito.
Humihingal pa rin na tumango siya.
"Isa pa?"
"Mamaya na. Nais ko lang magpahinga sandali," sagot niya.
Hinayaan siya ni Badong at sabay silang lumangoy pabalik ng pampang.
"Kay lamig ng tubig," daing ni Soledad.
"Palibhasa'y malamig na rin ang panahon dahil Disyembre na," wika ni Ising.
Mayamaya ay naramdaman niyang binabal ni Badong sa kanyang balikat ang tuwalya nito pagkatapos ay paulit ulit na kinuskos ang mga braso niya upang maibsan ang lamig.
"Salamat," nakangiting wika niya paglingon dito.
Isang matamis na ngiti ang sinagot nito pagkatapos ay hinalikan siya sa balikat.
"Ay, santisima!" biglang bulalas ni Nena.
Nang lumingon si Soledad ay nakita niyang umikot ang mata nito at umiiling.
"Bakit, Nena? Napaano ka?" tanong ni Perla dito.
"Maaari bang huminto kayo sa paglalambingan sa harapan namin? Aba paano naman kaming mga walang kasintahan dito."
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...