Kabanata 30

30 3 0
                                    

BUWAN NG ABRIL, 1941

MULA umaga hanggang kinagabihan ay hindi na mapakali si Soledad. Dumating na ang araw na kanilang hinihintay ni Badong. Iyon ang gabi kung saan napagkasunduan nilang papanhik ito sa kanilang tahanan at ipapakilala sa mga magulang bilang kanyang nobyo.

Ngunit hindi niya mapigilan ang sarili na makaramdam ng kaba at matinding takot. Tila sasabog ang kanyang puso ano man sandali. Habang naghihintay sa pagdating ni Badong ay hindi mapakali at pabalik-balik siya sa paglalakad sa kanyang silid. Halos mapalundag sa labis na pagkabigla si Soledad nang may kumatok.

"Pasok," sagot niya.

Natigilan siya nang dumungaw si Ising.

"Soledad, may panauhin ka," sabi nito.

"Nariyan na si Badong?" pabulong na tanong niya.

Marahan itong tumango. Nagmamadali siyang lumapit sa pinsan.

"Ang mama at papa? Nasaan?" tanong ulit niya.

"Nasa labas na, nagkataon na narito sila sa salas nang dumating si Badong."

"Sige, susunod na ako."

Nang maiwan mag-isa ay humugot si Soledad ng malalim na hininga saka pumikit at nagdasal.

"Panginoon, kayo na po ang bahala sa gabing ito," wika niya pagkatapos niyon ay tuluyan na siyang lumabas.

Lihim niyang tinago sa likod ng matamis na ngiti ang kanyang kaba nang makalabas ng silid. Naabutan niyang nakaupo si Badong at kaharap ang mga magulang.

"Badong," bungad niya.

Mabilis itong tumayo nang makita siya saka inabot ang magagandang bulaklak na dala nito.

"Magandang gabi, Soledad."

"Magandang gabi naman. Maupo ka," sagot niya.

"Naparito si Badong at sinabi niyang may nais daw siyang sabihin," wika ng kanyang ina.

Tumikhim si Soledad at naupo sa tabi ni Badong.

"Ang totoo niyan, mama, papa, kaming dalawa po ang may nais na sabihin sa inyo."

May pagtataka sa mukha ng mga ito nang magkatinginan. Ang kanyang ama ay nakakunot ang noo at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa.

"Kung ganoon, sabihin na ninyo."

Tumikhim si Badong at deretso sa mga mata na tumingin sa kanyang mga magulang.

"Don Leon, Donya Juana. Nais ko po sanang ipahayag sa inyo ang pag-ibig ko para kay Soledad."

Lalong nadoble ang nerbiyos ni Soledad nang sa wakas ay marinig ang mga salitang iyon mula sa binata. Ngunit nadagdagan ang kanyang takot nang wala siyang marinig agad mula sa mga magulang.

"Mahal na mahal ko po siya at malinis po ang aking intensiyon sa anak n'yo."

"Ngunit kilala ka dito sa bayan natin na pabling, paano ako makakasiguro na hindi mo sasaktan ang aking anak?" tanong ni Donya Juana.

"Mula po noong araw na una kong nasilayan si Soledad ay siya na lamang ang aking nakita. Wala nang ibang babae pa ang mas nakahigit sa kanyang kagandahan. Mula po noon ay inalay ko na sa kanya ang aking puso," sagot nito.

Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon