"BADONG! Kuya Badong, huuu!" malakas na tawag sa kanya ng kapatid na si Isidro.
Napalingon ang abala sa pagtatanim ng palay na si Badong. Naroon din ang kanyang ama at ang ibang mga kapatid niya, maging ang iba pang magsasaka na kapwa rin napalingon.
Napaigik siya sa sakit nang iangat ang katawan. Saglit siyang nag-inat saka dahan-dahan humarap habang hawak ang mga punla ng palay.
"Bakit?" tanong niya.
"Sulat! May dumating na sulat mula kay Ate Soledad!"
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig pa lamang ang pangalan ng minamahal. Biglang nabuhay ang kanyang loob at sa isang iglap ay napawi ang pagod niya at lahat ng pananakit ng katawan. Dali siyang umahon mula sa palayan at mabilis na naghugas ng kamay at mga paa. Nang matuyo na ang kanyang mga kamay ay saka pa lamang niya kinuha ang liham.
Hindi mapalis ang ngiti ni Badong habang binubuksan ang sobre. Ang kanyang pananabik sa mga sandaling iyon na mabasa ang liham ni Soledad ay gaya ng pananabik niya na muli itong masilayan at makapiling. Kulang na lamang ay mapunit ang kanyang labi sa labis na ngiti nang makita ang kalakip ng liham nito. Isang larawan ni Soledad at mga tuyong talulot ng bulaklak.
Para siyang tinatakasan ng bait na hinaplos ang mukha ni Soledad sa larawan na tila ba nasa harapan niya ito.
"Sadyang walang makakapantay sa taglay mong ganda, mahal ko," pabulong na pagkausap niya sa larawan. Matapos iyon ay binasa na niya ang liham.
Ika-16 ng Hunyo, 1940
Mahal kong Badong,
Habang binabasa mo ito'y ibig sabihin ay natanggap ko ng matiwasay ang iyong liham. Labis akong nagagalak nang mabasa ko pa lamang ang pangalan mo sa sobre. Napawi ang aking pagod, maging ang lungkot at pangungulila nang mabasa ko ang nilalaman niyon.
Maayos naman ang kalagayan ko rito. Marami kaming aralin at pagsusulit sa mga darating na araw. Isang himala ng langit na nakakaya ko na lumilipas ang bawat araw na wala ka sa aking piling. Sa pagdaan ng bawat sandali ay mas lalo akong nangungulila sa'yo, mahal ko. Wala akong ibang dinadalangin kung hindi ang makapiling ka at muli kong masilayan ang makisig mong mukha.
Maraming salamat pala sa larawan. Itatago ko ito at madalas kong titignan na para bang ikaw mismo ang aking nasa harapan. Ang masasayang alaala natin doon sa ating tagpuan ang nagsisilbing lakas ko para umusad ang aking buhay dito sa Maynila.
Kumusta ka na, mahal ko? Kumusta ang iyong trabaho? Natanggap ko ang liham ni Ising at binalita niya sa akin na tunay nga na matapat ka sa akin kahit ako'y malayo. Marami pa rin daw mga dalagang nais pa rin makuha ang iyong pansin. Ngunit nanatili kang tapat sa iyong pangako sa akin. Hindi mo alam kung gaano ako nakahinga ng maluwag nang mabalitaan ko iyon. Sadyang hindi ako nagkamali na pagkatiwalaan ka. Dito sa Maynila ay marami rin mga makikisig na kalalakihan na nais manligaw sa akin. Ngunit walang makakapantay sa'yo at sa pag-ibig mo, mahal ko, kaya ipanatag mo ang iyong kalooban sapagkat walang ibang lalaki sa buhay ko kung hindi ikaw lamang.
Narito ang aking larawan kalakip nitong liham. Itago mo ito kasama ng aking balabal at panyolito nang sa ganoon ay maibsan kahit na konti ang pangungulila mo sa akin. Dalangin ko na makapiling kita hanggang sa aking panaginip kung saan muli kong mararamdaman ang mainit mong yakap at matamis mong halik.
Palagi mo sanang iingatan at huwag pababayaan ang iyong sarili. Hihintayin ko ang araw nang muli natin pagkikita, mahal ko. Lagi mong alalahanin na mahal na mahal kita. Hanggang dito na lamang.
BINABASA MO ANG
Tuwing DapitHapon (FOR PROMOTION ONLY)
RomanceKilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang b...