i.
Kaakit-akit ang 'yong ipinamalas na alindog ngunit sa likod ng 'yong karikitan, matinding karahasan ang 'yong naranasan. Umalingawngaw ang tinig mong nagpapukaw sa tainga ng taumbayan. Boses ng pagdaraing sapagkat ika'y itinali't ikinulong sa karsel ng kahapisan. Mga mananakop na walang ibang hangad kundi ika'y makitang luhaan.
ii.
Ina kong nagkalinga nang kaytagal. Mga anak mo'y itinuring na indio o 'di kaya'y fulatino. Luha'y nag-unahan sa pagbalisbis habang ika'y kan'lang tanaw sa malayo. Aking inang bayan, sa kasaysayan, nakasulat na may kanser na lumaganap sa 'yong katauhan. Ika'y pinugutan ng karapatang maging malaya roon sa garoteng simbolismo ng matinding pagdaralita.
iii.
Nang dibdibin ng 'yong mga supling ang hapis na 'yong natamasa. Umapaw ang galit sa puso nilang naghahanap ng hustisya. Kamatayan mo, ina, ang dahilan ng kanilang paghimagsik. Tinta't pluma ang isa sa naging sandata upang mapukaw ang matagal nang natutulog na diwa, ng mamamayang noo'y walang muwang sa nangyari sa sariling bansa.
iv.
Umusbong ang duguang himagsik upang ika'y maipaglaban, ina. Iba't ibang mithiin ay nagkaisa. Itinataas ang bahagi ng lambong na tumatabing sa karamdamang 'yong nakuha. Bilang anak mo, ipinagdurusa ko rin ang 'yong kapintasan at kahinaan. Gagawin ang lahat para sa kalayaan. Iniibig ka ng 'yong mga supling, inang bayan. "Para kay ina, buwis-buhay na kukunin ang kalayaan!" Sumakop ang sigaw para sa paparating na himagsikan.
BINABASA MO ANG
Scribbled
De Todopinagtagpi-tagping mga letra upang makabuo ng mga salitang magiging obra. ito'y kompilasyon ng mga tula, sanaysay, at maiikling kuwento simula nang ako'y bumalik sa aking pagsusulat. [ Contains 50 random pieces] Date Started: July 20, 2023 Thu Date...