’Yong pakiramdam na nais mo na sanang umalis sa karsel na nagmumula sa nakaraan ngunit, ’di mo magawa. Paulit-ulit ka pa ring bumabalik sa kahapisang ’yon kahit alam mo na naman ang hantungan; ’di kaaya-aya. Patuloy kang nahihirapan sapagkat kahit na nakawala ka na sana sa mahigpit na tali’y ikaw na mismo ang bumalik at tumira ro’n sa kulungang kahit kailan ’di matatamasa ang kalayaan.
Paulit-ulit. Bangungot ang nakaraan. Sa t’wing pagtulog patuloy kang pinahihirapan. Walang maayos na pahinga sapagkat binubulabog ka ng ’yong konsensya. Alam mo namang mali’y nais mo pa ring matamasa. ’Di permanenteng saya, bakit ’yo pa ring pinipili?
Kailan ka ba talaga kakawala sa nakaraan mo? ’Di ka ba napagod sa t’wing susugod sa ’yo ang matinding delubyo? ’Di ka ba naawa sa sarili mo? Patuloy ka lang hingal na hingal para subukang takasan ang nakaraan. ’Di madali ’no ngunit bakit ’yo pa ring ginugusto?
Kailan ka kaya makakawala sa opresyong ikaw na mismo ang gumawa? Buhay ka pa nga ngunit unti-unti ka na namang namamatay. Kinikitil mo ang sarili mong buhay sa t’wing pinipili mo pa ring mabuhay sa nakaraan. Madilim doon at puro kalungkutan.
Sana naman, matapos na ang lahat ng ’yong kahirapan. Pipiliin na sana ang kasalukuyan kaysa nakaraan. Ayos lang namang lumingon ka sa ’yong pinanggalingan ngunit ’wag kang manatili roon dahil ’di ka makapupunta sa ’yong paroroonan.
’Di madali ngunit kailangan mong gawin. Kumawala ka na sa sakal upang ikaw na’y makahinga. Tamasain mo na ang kalayaan dahil diyan ka nararapat. Tapos na ang nakaraan. Ikaw ay nakadesinyo para sa kasalukuyan. Harapin mo na ang kasalukuyan ikaw at ang nakaraang ikaw ay tuluyan mo nang pakawalan.
BINABASA MO ANG
Scribbled
Randompinagtagpi-tagping mga letra upang makabuo ng mga salitang magiging obra. ito'y kompilasyon ng mga tula, sanaysay, at maiikling kuwento simula nang ako'y bumalik sa aking pagsusulat. [ Contains 50 random pieces] Date Started: July 20, 2023 Thu Date...