Kinabukasan, maaga akong nagising nang marinig ko ang ingay sa labas ng bahay. Laking gulat ko nang dumungaw ako sa veranda nang makita ang hanay ng mga lalaking naroon at naghihintay.
Don't tell me, lahat ng mga iyon ay manliligaw ni Danica?
"Ganiyan talaga iyan sila tuwing umaga."
Napalingon ako at nakita kong kalalabas lang sa kwarto ni Danica. Halos mapanganga ako nang makitang ayos na ayos na siya habang suot ang kaniyang simpleng bestidang puti samantalang ako ay mukha pa ring bruha na lumabas ng kwarto sa kamamadali. Namamaga pa nga ang mga mata ko dahil sa walang humpay na kaiiyak kagabi habang kakuwentuhan si Danica.
"Kahit ilang beses ko na silang tanggihan, bumabalik at bumabalik pa rin sila para patunayan ang kanilang mga sarili."
Hindi ko maiwasang magdamdam. Bakit si Jhon Rey, hindi ganoon? Tatanggapin ko naman siya kung sakaling humingi siya ng tawad sa akin at bawiin niya lahat ng sinabi niya.
Lumipas ang oras na nanonood lang ako kay Danica mula rito sa isang gilid habang kinakausap niya ang iba't ibang mga lalaki sa hardin. Ako na nga lang ang kumukuha ng mga bulaklak at pagkaing ibinibigay sa kaniya. May kung anu-ano pang regalo. Ganito ba talaga ang panliligaw sa probinsya? Kahit isang beses ay hindi ako nakatanggap ng bulaklak noon.
May mga nag-aalay pa ng mga kanta, may mga tumutula rin at mula sa di kalayuan ay napansin kong naroon din si Neil kasama ang kaibigan niyang si Rey.
Nagtagpo ang mga mata namin ni Rey. Sa isang sandali, bumalik na naman sa alaala ko si Jhon Rey.
"May, para sa 'yo nga pala." Napatunghay ako upang siguraduhin kung ako ba ang kinakausap. Napatunayan kong ako nga dahil nakita ko si Rey sa harap ko na may hawak na bulaklak. "Gusto kong humingi ng tawad sa inasal ko kagabi. Sorry kung inakala kong gusto mo rin akong makasayaw. Hindi na talaga mauulit. Patawarin mo na ako."
Tuluyan nang kumawala ang luha sa mga mata ko.
"M-may? B-bakit ka umiiyak?"
Tumayo ako mula sa upuan upang lumabas, pero sinundan niya lang ako. "Sandali, May! Saan ka pupunta?"
Nagpatuloy lang ako sa paglakad para makalayo sa kaniya. Ayokong makita ang mukha niya. Naaalala ko lang si Jhon Rey. Naaalala ko lang ang gabing tinapos niya ang lahat sa amin. Naaalala ko lang na kahit anong paglayo ang gawin ko, hindi niya ako hahanapin dahil hindi niya ako totoong mahal. Hindi siya hihingi ng tawad sa akin at hindi niya babawiin ang mga sinabi niya. Na sa pag-alis ko at paglayo sa kaniya, ako pa rin ang talo, ako pa rin ang kulang, dahil ako lang naman ang nagmamahal sa aming dalawa. Ako lang ang may pakialam sa kaniya.
Tuluyan nang bumuhos ang ulan at kasabay no'n ang lalong panlalabo ng mga mata ko.
Jhon Rey, bakit ba palaging ako lang ang nahihirapan?
Huli na nang malaman kong may bato sa harapan na ikatatalapid ko. Mabuti na lang at may humigit ng kamay ko kaya hindi ako nasubsob sa lupa.
"Sheen May!" Nasalo niya ako. "Sheen May! Sheen May!"
Para akong nawala sa sarili na nakatulala dahil hindi makapaniwala sa nakikita. Mas lalo akong humagulgol nang makita ko sa harapan ko ang lalaking dahilan ng pag-iyak ko.
"Jhon Rey! Jhon Rey!" Mahigpit ko siyang niyakap. "Jhon Rey... narito ka... nahanap mo ako. Jhon Rey..."
Malakas ang pag-iyak ko na para bang wala akong pakialam sa mga tao sa paligid na nakakakita sa amin. Wala na akong pakialam. Kakalimutan ko na ang lahat ng nangyari. Narito na siya. Narito na ang mahal ko. Hinanap niya ako.
BINABASA MO ANG
Mr. Right (Mr. Series #3)
RomanceWarning: Mature Content | R18 MR. SERIES BOOK 3: Mr. Right Getting on her feet again. Sheen May decided to focus on her studies after her miscarriage. She doesn't want to get back with the man who repeatedly messed with her life and made her heart b...