Chapter 30

183 7 0
                                    

"Nandito na tayo," sambit ni Derrick nang itigil niya ang kotse niya. Kinusot ko naman ang mga mata ko dahil hinayaan ko siyang magmaneho ng ilang oras para makarating sa probinsiya nila.

Doon ko lang napagtantong malapit nang magbukang-liwayway. Namangha ako nang mapadungaw ako sa bintana. Agad akong lumabas para mas makita ang magandang scenery na iyon. Isang bulkan. Tanaw na tanaw ito mula sa aming kinatatayuan.

"Ang ganda," bulalas ko pero agad din naman akong napaluha nang maalala ko si Jhon Rey. Gusto niyang makakita ng magagandang tanawin na katulad nito. Sana nandito siya't nakikita itong kasama ako.

"Dito lang ako magpa-park pero medyo malayo pa 'yong bahay namin pero kaya namang lakarin. Ayos lang ba sa 'yo?"

Tumango ako. Mabuti naman at casual na lang siyang makipag-usap sa akin. Sabagay, isa na lamang akong normal na mamamayan dahil lumayas ako sa amin.

Nagsimula na kaming maglakad. Mabato sa nilalakaran namin at ang ibang daanan ay hindi pa patag. Ganito yata talaga sa probinsya. Pero hindi ko alam bakit tila ba nalulusaw ang lungkot sa aking puso nang makita ko ang mga bahay na sobrang simple lang. Ang iba'y yari sa bato, meron namang yari lamang sa kahoy.

Masyado pang maaga pero marami nang taong gising at nagkakape sa labas. May iba pang binabati si Derrick dahil ngayon lang daw uli siya bumalik sa lupang kinagisnan niya.

"Ibang-iba ka na, Derrick! Ganiyan ba talaga ang nangyayari sa mga naninirahan sa syudad? Umaasenso? Gumugwapo?"

"Hindi naman ho," sambit ni Derrick na parang nahihiya pa. Sabagay, tama naman sila manang at may itsura nga itong si Derrick. Mahiyain lang siya, eh, pero anyway hindi naman kami ganoon ka-close para husgahan ko kung mahiyain talaga siya. Alam ko lang, lagi siyang nakasunod sa akin at binabantayan ako.

"Siya na ba ang iyong nobya? Talaga namang napakaganda!" komento ng iba pang matatanda na mukhang ako ang tinutukoy.

"Ay hindi ho, siya ho ang anak ng boss ko. Maninirahan lamang siya rito sa atin kung kaya't alagaan niyo siya rito habang wala ako."

"Aalis ka?" tanong ko na dahil wala sa ideya kong iiwan niya ako rito.

"Ha? Oo, hindi ba't sinabi kong ihahatid lang kita. Kung malaman ng tatay mong wala ako roon sa inyo, tiyak malalaman niyang nandito ka. Hindi ba't gusto mong magpakalayo?"

Tumango ako. So, iiwan niya ako rito? Sinong kasama ko? Teka nga, akala ko ba gusto kong mapag-isa bakit naghahanap ako ng kasama?

"Huwag kang mag-alala, naroon ang kapatid ko. Siya ang makakasama mo."

Tuluyan na kaming nagpaalam sa mga kakilala niya at naglakad na patungo sa sinasabi niyang tahanan nila.

Abot tanaw ko na ang isang bahay na may dalawang palapag na mayroong gate sa harapan na kulay gray.

Infairness, hindi ko inaasahang maganda ang bahay niya. Siguro'y naipundar niya ito sa pagtatrabaho niya sa aking ama. Hindi naman maitatangging maganda ang bahay at malinis.

Ilang minuto pa nang pindutin ni Derrick ang doorbell nang ito'y magbukas. Bumungad sa akin ang isang magandang babae na balingkinitan na may mahabang buhok. Naka-bestida siya at magandang pansapin sa paa. Mabango rin siya.

"Kuya!" sigaw nito bago yumakap sa kaniyang kapatid. "Na-miss kita! Akala ko'y tuluyan mo na akong nakalimutan at wala ka nang balak na balikan ako rito!"

"Paano kita makakalimutan? Eh, ikaw lang ang kapatid ko."

Napangiti ako sa kanilang lambingan. How I wish na may kapatid din ako.

Bumaling ang atensyon niya sa akin. "Kuya? Sino siya? Bakit hindi ko alam na nag-asawa ka na pala?"

"Sira. Siya si Miss Velasco. Siya ang anak ng boss ko. Dito muna siya titira pansamantala. Halika, pumasok na tayo at doon ko ipaliliwanag sa loob."

Mr. Right (Mr. Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon