Special Chapter 5

29 1 0
                                    


Maingay sa stadium ng villa. Hile-hilera ang mga lalaking may kanya-kanyang dala ng manok. May mga tagabitbit ng iba't ibang klase ng kahon. Amoy na amoy ang mga gamot na hawig sa kalawang na may pagkamaasim.

Ang daming mga lalaki. May mga babae rin naman ngunit bilang sa kamay.

Binabakuran ang gradas ng mahabang plastic cover sa bandang itaas at kongkreto na sa ibaba. Hile-hilera ang mga upuan mula ibaba pataas para makita nang mas malinaw ang laban.

Sa isang tabi ay may nagsusukat ng mga manok. Nakahanda na ang mga mananaring may kanya- kanyang dala ng kahon ng nagkikintabang mga talim. Hinuhugot sa bayna ang bawat tari. Sinusubok sa palad ang talim. Tinutusok sa kuko ng hinlalaki para malaman kung matulis.

May isang tagahawak ng manok. May isang nag- iikot ng bidbid sa tari. Nilalagyan ng talim ang paa ng panabong.

Sumisigaw na ang kristo. Nanghihingi na ng taya ngunit hindi pa maaaring maglabas ng pera. Madaliang kuwentahan. Bawal ang tatanga-tanga sa lugar.

Sumesenyas ng kamay at daliri ang kristo sa hangin, binibilang kung ilan ang tayang nakuha. At gaya ng diyos na sinasamba ng mga Katoliko, nakataas ang tatlong daliri nito mula hinlalaki hanggang hinlalato habang nakasara naman ang dalawa sa dulo, tila ba nagbebendisyon sa mga manunugal bago magsimula ang laban.

Magkakaiba ang logro ng bawat kristo. Tinatandaan kung ilang libo na ang makukubra sa mga mananaya depende sa kung anong manok ang llamado at dehado.

Maiingay na ang mga naglalapag ng bawat pusta.

Palingon-lingon si Evangelle sa maingay na lugar. Puro lalaki roon. Nilalakad nila ang gilid ng gradas habang lumilipad sa hangin ang bawat binilog na pera ng mga tumataya para sa laban.

May sariling kristo ang mga Heyrosa. Mababa na ang tatlong daang libong piso na kubra nila kada linggo. Tuwing may derby naman ay pumapalo ng mababang tatlumpung milyon ang kinikita nila sa bawat laban.

Mula sa balkonahe na malapit sa gradas, doon pumuwesto ang pamilya nila.

"Angel, dito ka," utos ni Allen nang hatakin ang braso ng anak niya palapit sa kanya. Balak pa naman nitong maupo sa dulong-dulo malayo sa kanila.

Magkatabi sina Severino at Allen. Pinagigitnaan naman nina Allen at Eloisa si Evangelle. Ipinatong ni Allen ang bitbit niyang eco bag sa tabi ni Eloisa upang wala nang makaupo roon sa tabi nito.

Umakyat na ang round girl sa gradas. May hawak na malaking board. Nakasuot iyon ng triangle top at maikling denim shorts na bukas ang zipper upang makita ang dilaw na string bikini sa ilalim.

May malaki namang fan at aircon sa loob ng arena pero sa dami ng tao, maalinsangan pa rin ang temperatura sa loob.

Nagpapaypay si Evangelle ng mukha gamit ng karton na may mukha ng lolo niya bilang kandidato.

Hindi pa man nagsisimula ang laban, inalok na ni Allen kay Evangelle ang nakasampay na damit sa braso niya.

"Isuot mo 'tong jacket."

Ang sama ng tingin ni Evangelle sa ama at sa jacket na inaabot nito. "Napakainit, Daddy, magja- jacket ako?"

"Papaypayan kita!"

Lalong nangasim ang mukha ng dalaga. "Alam mo, Daddy, sure ako, walang chance na magka- brain cancer ka. Real-talk-an lang tayo."

"Magja-jacket ka lang?"

"Di ba, may on-site ka ngayon sa foundation?

Bakit ba kasi nandito ka sa sabungan?"

"Nakikita mo ba 'yan?" Itinuro ni Allen ang malalim na guhit sa pagitan ng malulusog na dibdib ng anak niya, umuusli sa suot nitong asul na V- neck. "Proud kang nakikita 'yan ng mga nandito?"

Nilingon ni Evangelle si Eloisa at itinuro ang nakaluwang dibdib nito na kita ang pink na bra. "Eto, nakikita mo?" sarkastikong tanong ng dalaga sa ama niya. "Eto ang bigyan mo ng jacket, hindi ako. Yung sleeve ko, hanggang siko na, Daddy. Yung kilikili ko, iyak na iyak na, amoy baskil na 'ko. Tapos gusto mo pa 'kong mag-jacket?"

"Fine! Magbalabal ka na lang." Mabilis na inalis ni Allen ang nakabalabal na shawl sa balikat niya kanina pa.

"Si Daddy, parang tanga," singhal ni Evangelle. "Ano ba? Bayawak ka ba? Ang init-init!"

"Injel, ano 'yang maingay?" sita ni Severino.

"Si Daddy kasi! Kung ano-anong kabobohan na naman ang naiisip!" sumbong ni Evangelle sa lolo niya.

"Ano ba'ng problema niyan, Allen?" tanong na ni Severino sa anak.

Umikot lang ang mga mata ng lalaki. "Women."

Umakyat na ang dalawang sabungero sa gradas. Magbibitaw na ng manok. Isang alimbuyugin at isang kelso.

Akbay-akbay ni Allen ang sandalan ng upuan ng dalaga niya, naka-de-kuwatro pa siya habang pinapaypayan ito ng baong itim at gintong pamaypay na hiniram sa kanyang Tiya Marya. Sa tuwing makikitang may butil ng pawis sa noo ng anak at gagapang sa leeg nito, mabilis niya 'yong hinahabol ng face towel para mapunasan.

Ang lakas ng hiyawan at murahan sa loob. Sari- saring mura na naglalaro sa putang ina, puking ina, at buwakanang ina ang umiikot sa stadium sa tuwing magsasalpukan ang dalawang manok sa gitna ng gradas.

Nakasimangot si Evangelle habang nanonood sa mga manok na nagliliparan ang bawat balahibo ng pakpak sa hangin. Dinig na dinig ang salpukan ng mga katawan nito. Tatalsik sa ere ang bawat dugo at guguhit iyon sa maalikabok na arena.

Namuo ang pawis sa noo ni Allen. Nang magpunas ng mukha, inalok na agad ang anak niya ng malamig na tubig sa tumbler dahil nakaramdam na rin siya ng init. Patuloy siya sa pagpaypay habang hinihintay itong matapos sa pag-inom.

Iika-ika na ang isang manok. May umakyat nang dalawang babae sa puwesto nila at tumabi ang isa kay Severino. Nakuha agad ng babae ang atensiyon ni Evangelle at naghintay pa ng paglapit ng isa sa ama niya.

May isang babaeng luwa ang dibdib ang kumalabit sa balikat ni Allen. Nakasuot ito ng puting tube na hanggang ibaba ng dibdib ang haba at maikling shorts.

"Hi! Puwedeng pausog," utos ng babaeng lumapit, tinuturo ang blangkong upuan sa tabi ni Eloisa.

Lumipat ang tingin ni Evangelle sa daddy niyang kinakalabit nito. Patay-malisya lang na nagpapaypay sa kanya habang nakatingin sa bubong ng covered stadium. Nilingon niya rin si Eloisa na namamapak lang ng inadobong mani sa puwesto nito.

"Eloisa, urong daw," sabi ni Evangelle.

"Dito ang upuan na blangko, dito siya maupo," mataray na sagot ni Eloisa, inginuso ang katabing upuan.

"Umurong ka na lang, miss," sabi ng babaeng naka-tube.

Nakataas ang kilay ni Eloisa nang tingalain ang babaeng nag-utos. "Gusto mong umurong 'yang suso mo papunta sa likod mo?"

Nangungunot ang noo ni Evangelle habang nakikita ang reaksiyon ng daddy niya. Nagpipigil ng ngiti at nakuha pa siyang suklay-suklayan gamit ang mga daliri nito habang nagpapaypay.

"Lumayas ka rito sa 'min, baka ibato pa kita sa gradas," babala ni Eloisa.

Hindi talaga lumingon si Allen, pero sumenyas siya ng kamay para paalisin ang babae sa likuran niya.

Umirap lang ang babaeng naka-tube bago umalis sa hilera nilang 'yon.

"'Bango ng buhok mo, 'nak, ah? Ano shampoo mo?" sabi ni Allen at itinaklob sa mukha ang mahabang buhok ng dalaga.

"Asus, Daddy. Nakahanap ka na naman ng palusot."

Nagsigawan ang mga nasa stadium. May bumagsak nang manok. Ngunit kahit may nanalo at natalo na, malinaw na kung sino ang siguradong kikita sa laban na iyon—ang may-ari ng villa.



♥ End of Special Chapters ♥

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon