Special Chapter 1

915 32 9
                                        


"Bané, si Angel, tumatawag sa office, wala raw kayong pagkain. How come na walang pagkain?"

"Hayaan mo. Masanay na siya," sagot ni Evana nang sumandal sa inuupuang monobloc. "Huwag siyang puro luho. Nakakakain pa rin naman siya tatlong beses isang araw."

Napakamot na lang ng ulo si Allen. "Sabi na kasing doon na kayo sa condo. Ako naman magbabayad, e."

"Enjoy na enjoy na daddy mo sa setup ko, sisirain pa ba natin?" Sarkastiko at may pait sa ngisi ni Evana bago nag-ilag ng tingin. "Baka bumula bibig n'on kapag nakita akong nasa magandang lagay."

Apat na buwan na mula nang matapos ang eleksiyon. Natalo si Evana sa pagkakonsehal kung saan kinalaban ng partido nila ang partido na chairman ang ama ng dati niyang asawang si Allen.

Tatlong buwan na rin mula nang maaprubahan ang annulment nila nang palihim. Umiiwas sa eskandalo na sisira sa pangalan ng mga Heyrosa, lalo pa't inilakad nila ang rason na may sexually- transmitted disease si Allen—bagay na lalong ikinagalit ni Severino Heyrosa dahil ang huling medical exam ng anak niya noong nakaraang dalawang buwan ay malinis at walang kahit na anong sakit.

Inisip ng kampo ng mga Heyrosa na dinodoktor ni Evana ang resulta para lalo silang siraan, kahit pa ilang beses nang inamin ni Allen na siya ang naglakad ng mga papeles.

Ilang beses nang pumupuslit ng dalaw ang lalaki sa apartment kung saan nakatira ang mag-ina niya. Malayo iyon sa villa kung nasaan sila nakatira. Teritoryo rin ng kalaban ng mga Heyrosa kung kaya't hindi madaling mapapasok ng mga tauhan ni Severino kung sakaling magmamanman.

Kasalukuyang nasa eskuwelahan ang anak ni Allen na nagrereklamo nga raw na walang baon kahit pa linggo-linggo siyang nagpapadala ng pera para dito.

Pinagmamasdan ni Allen ang loob ng apartment. Kahit siya ay hindi alam kung paano titira sa ganoong lugar. Puti lang ang pintura ng dingding. May jalousie naman ang nag-iisang bintana na katabi ng pinto. Walang kama kaya ang kutson ay nasa sahig. Iisa lang ang kumot at dadalawa lang ang unan. Maliit ang plastic na drawer kaya ang ibang gamit ay nasa malalaking sako bag pa rin at huhugutin na lang kung kailangan.

May pabilog namang monobloc na mesa kung nasaan sila ni Evana. Dalawa lang din ang monobloc na upuan kaya kung may bisita man ay paniguradong tatayo ang iba o mauupo na lang sa sahig.

Ang kusina ay wala masyadong laman maliban sa isang rice cooker, airpot, at electronic na kalan. Nag-iisa lang ang ilaw sa buong apartment. White LED light sa gitna ng kisame para sa buong sala, kusina, higaan na nasa iisang lugar lang din at nagkakasya. Ang banyo ay maliit lang din kung saan magkasama na ang kubeta at ilang dangkal para sa paliguan.

Napapabuntonghininga na lang si Allen sa pagtingin niya sa unit na iyon.

"Gusto mo doon sa Doña Ana?" alok na naman niya. "May magandang apartment doon. Whole house, rerentahan ko."

"Huwag na nga sabi," kontra ni Evana. "Saka bakit ka ba nandito kung hinahanap mo si Angel? Doon ka sa school. Abangan mo mag-uwian. Bilhan mo ng Jollibee para hindi nag-iinarte 'yon."

Gusto ring gawin iyon ni Allen, pero nasa eskuwelahan ang anak niya. Maliban sa maraming makakakitang magulang, makikilala rin siya ng mga empleyado roon at posibleng i-report pa siya sa pamilya niya.

Ang lalim ng buntonghininga ng lalaki at naghimas ng mga palad.

"Bané . . ." "Ano nga?"

"Maghahanap kasi sana ako ng girlfriend."

Mabilis na umikot ang mga mata ni Evana. "E, di maghanap ka! Ano? Ako pa maghahanap ng girlfriend mo?"

"That's not what I meant kaya ako nagsasabi. Ang akin lang naman . . ."

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon