Special Chapter 3

23 1 0
                                    


"Eva."

Abala sa pagwawalis sa loob ng unit si Evana nang makita si Eloisa sa harap ng nakabukas na pinto ng unit. Gaya ng parating pormal na ayos nito, mukhang galing ito sa opisina.

"Puwede bang pumasok?"

May inis sa buntonghininga ni Evana nang sumilip sa bintana ng bahay. Kahit ayaw niyang papasukin si Eloisa ay wala siyang nagawa. Mas pag-uusapan lang sila ng mga kapitbahay sa labas kung mananatili ito roon.

"Pasok," simpleng utos ni Evana at isinara ang pinto pagkapasok ng bisita niya.

Dinig na dinig ang lutong ng takong sa sahig habang hinahatak ni Evana ang electric fan patutok sa mesa nila sa kusina.

Hinatak ni Eloisa ang monobloc na upuan mula sa sandalan bago inilagay roon ang dalang laptop bag. Hindi siya naupo, sa halip ay nagkrus lang ng mga braso.

"Wala ka ba talagang balak umalis dito?" pangangastigo ni Eloisa.

"Bakit ka ba nangingialam?" kontra ni Evana. "Kung gusto n'yong magsama ni Allen, magsama na kayo. Walang magagalit."

"Nandito ako para sa anak niya," seryosong tugon ni Eloisa. "It's been eight months since I last went here, Eva. Linggo-linggo na lang kung magsumbong ang anak mo sa opisina ni Allen."

"Nagsusumbong ang anak ko?" Namaywang si Evana. "Ano ang isinusumbong? Mga luho niyang hindi nasusunod? Masanay na siyang mabuhay nang hindi umaasa sa yaman ng daddy niya."

"You're spending Allen's money for your medication. Did you really think na hindi ko kayang i-trace 'yon?"

Natahimik si Evana, halos panawan ng kulay sa mukha dahil sa narinig mula sa di-inaasahang bisita niya.

Bigla na lamang sumagi sa isip niya ang tungkol sa pagpapaospital niya tuwing nasa eskuwelahan ang anak niya.

"Kung hindi mo kayang alagaan ang anak mo, ibalik mo na lang siya kay Allen. Huwag mong idamay ang bata na puwede namang mabuhay nang mas maayos kaysa sa ganito lang," sumbat ni Eloisa.

Huminga nang malalim si Evana at tinapangan ang tingin. "Uulitin ko sa 'yo, wala ako ng mga pribilehiyong meron kayo ng dating asawa ko. Huwag mong hanapin sa 'kin ang wala."

Kumibit lang si Eloisa, bahagyang yumuko para buksan ang laptop bag. Kinuha roon ang isang itim na folder at ilapag sa mesang katabi.

"This is the privilege I have, and I'm offering it not to you but to your daughter. Kaya huwag mo 'kong sasabihan na huwag kong hanapin ang wala." Isinara na ni Eloisa ang laptop bag at kinuha iyon mula sa upuan. "Babalik ako next week, and I want you to sign that for Allen's child. Hindi ako makikiusap sa 'yo kung hindi ikaw ang ina ng bata."

Naglakad na patungo si Eloisa sa nakasarang pinto ng unit.

Hawak na niya ang seradura ng pinto nang lingunin si Evana na nakalingon din sa kanya at sinusundan siya ng tingin paalis. "Kung gusto mong mamatay nang naghihirap, at least do your child a favor. Hindi niya deserve mahirapan gaya ng pagpapahirap mo sa sarili mo. Wala namang nagsabi sa 'yong kunin mo siya kay Allen."

Naging mahaba ang araw na iyon para kay Evana. Nakauwi na ang anak niya galing eskuwelahan at nagtatanong kung ano ang binabasa niya.

Protection Program.

Malaking pera ang nakalaan para lang doon, at ang tanging gagawin lang niya ay pumirma bilang ina ni Evangelle.

Walang ibang nakalagay roon na nagsasabing kukunin nila ang anak niya o malilipat ito sa pangangalaga ni Eloisa.

Ang tanging naroon lang ay ang pagpayag na bantayan sila sa loob ng limampung metrong distansya mula sa bahay nila, sa eskuwelahan kung saan pumapasok si Evangelle, o kung aalis man sila.

Napapabuntonghininga na lang si Evana. Ayaw man niyang tanggapin ang alok ni Eloisa, kusa nang sumasagi sa isipan niya ang gamutan na ilang buwan na rin niyang itinatago sa anak.

Malaki na ang tumor sa atay niya. Hindi rin niya kayang bayaran ang operasyon. Sinubukan niyang makiusap sa mga kapatid niya ngunit hirap din siyang makontak ang mga ito dahil pare-parehong mga nasa ibang bansa at may sari-sarili nang mga pamilya.

"Mommy, may project kami sa school," malungkot na pakiusap ni Evangelle. "I need oil pastels saka watercolor and sketchpad."

"Angel, 'wag mo muna akong kausapin."

"Pero bukas na 'yon, Mommy . . ."

"Sabi nang huwag mo muna akong kausapin!" Bigla niyang hinatak sa buhok ang anak at saka ito itinulak hanggang masubsob ito sa sahig. "Puro ka hingi ng pera, kita na ngang wala na tayong pera!"

"Mommy . . ." palahaw ni Evangelle, hawak ang ulong nasabunutan.

"Lumayo ka sa 'kin, ha! Naririndi na 'ko sa 'yong bata ka! Puro ka gastos!"

Gabi-gabi na lang kung umiyak si Evangelle habang dinadamdam ang ilang pananakit sa kanya ng mama niya. Lalabas siya sa unit nila at magmumukmok sa sulok ng hagdan pababa ng floor kung saan sila nakatira.

Wala nga raw silang pera at hindi pa siya dinadalaw ng daddy niya. Laging sinasabi ng mommy niya na pinabayaan na sila kaya huwag na siyang umasa ng tulong mula sa mga Heyrosa.

Pero sa tuwing tumatawag naman siya sa daddy niya, ang laging sinasabi ng sekretarya nito ay bibigyan naman daw siya ng pera kung kailangan niya.

Ngunit ni isa sa mga pangakong iyon mula sa opisina ng daddy niya ay walang natupad.

Lumalalim na ang gabi at hindi alam ni Evangelle kung saan siya makakakuha ng pambili ng pangkulay at sketchpad.

Naaawa na siya sa sarili tuwing may kanya- kanyang gamit ang mga kaklase niya samantalang siya ay wala. Hawak-hawak niya ang phone na regalo sa kanya ng daddy niya at nag-text dito.

Daddy, I need oil pastels, watercolor, and sketchpad bukas.

Lumipas ang gabi na umaasa si Evangelle na kinabukasan ay makakahabol pa siya sa pagdadala ng project nila sa school.

Pumasok siya sa eskuwelahan na naghihintay na makarating ang mga gamit na iyon dahil pagkatapos pa ng recess ang art subject nila. Alas- nuwebe y medya pa naman niya kailangan at may oras pang natitira.

"Bané."

"Ang aga-aga, tumatawag ka. Ano na naman ba?" iritableng tanong ni Evana kay Allen habang nakaharap sa laundry machine.

"Nag-text kasi kagabi si Angel, may project yata sa school. Hindi ko agad nabasa kasi maaga akong natulog. Nagpasa ako ng five thousand sa bank account mo. Bilhan mo ng gamit niya sa school. Bukas naman na yung bilihan ng school supplies."

"Oo na, oo na. Maglalaba muna ako. Saka na 'yan." Ibinaba niya ang tawag at tinapos na ang paglalagay ng mga labahin sa loob ng washing machine.

Napabili siya ng soft drinks sa katabing tindahan ng laundry shop. Nakaupo siya sa mahabang upuan at sinusundan ng tingin ang mga dumaraang tao sa kalsada. Sa ganoon lang napapayapa ang utak niya.

Lumipas ang alas-dose ng tanghali nang matapos siya sa paglalaba. Buhat-buhat niya ang laundry basket papasok sa unit nila nang maabutan si Evangelle na umiiyak na naman sa may kutson.

"Ano na namang drama 'yan, Angel? Puro ka iyak, a!"

Hindi ito sumagot. Nagsumiksik na lang ito sa kutson paharap sa dingding at doon tahimik na umiyak.



♥♥♥

Not All ThornsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon