Wakas

1.4K 13 0
                                    

Wakas

Walong taong gulang, payat at sunog sa araw ang balat. Sa Antique, kung saan ang araw ay kasing init ng mga pangarap ko, tumatakbo ako sa kalsada, hawak ang isang galon na walang laman at hinati sa gitna. Ito ang aking kabuhayan... ang mamalimos sa mga tao sa kalsada, o ang sumakay sa mga jeep umaasang bibigyan ako kahit magkano.

"Kahit piso lang po," paulit-ulit kong sinasabi, umaasa sa bawat pag-abot ng galon, sa bawat tingin ng awa ay bigyan ako para may makain sa buong araw.

"Naku! Aanak-anak kasi kayo tapos hindi niyo man mapalaki ng maayos." Narinig kong bulong ng matanda sa kanyang kausap habang tinitingnan ako.

"Bumaba ka. Tangina, ang baho mo! Perwisyo!" sigaw ng drayber ng tsuper.

Lumipas ang tatlong buwan. Gabi na at nagsimula akong mag-ayos ng aking higaan sa kalye, gamit ang mga itinapon na mga kahon. Habang nakahiga ako, pinalipas ko ang mga gabi sa ilalim ng dilaw na ilaw ng poste, nag-aaral gamit ang mga librong pinahiram sa akin ng mga guro. Nagpatuloy ako sa panlilimos sa umaga at pagsusulat sa gabi, ang aking pangarap na maging abogado ang nagbigay ng lakas sa akin na itulak ang sarili sa kabila ng pagod at gutom.

Isang araw, habang bumaba ako mula sa gilid ng jeep, isang malakas na busina ang umalingawngaw sa paligid. Nataranta ako... parang tumigil ang oras. Ang mga mata ko ay nanlaki habang ang mga gulong ng kotse ay pumailalim sa aking paningin. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, ngunit bago pa man ako makagalaw, may mainit at matibay na kamay na dumantay sa balikat ko, hinihila ako palayo sa kalsada.

Napatingala ako, at sa liwanag ng araw, nasilayan ko ang isang lalaking tila galing sa ibang mundo. Malinis ang kanyang puting polo na may manipis na guhit, at may kurbata siyang kulay itim. Ang sapatos niyang makintab ay parang salamin na kayang ipakita ang mga mukha ng nagmamadaling tao sa paligid. Hindi ko maiwasang magtaka sa kanyang presensya.

"Anong pangalan mo, iho?" tanong niya, ang boses niya ay malalim ngunit may lambing.

"U-uh, A-apollo Abir Barrett, po, sir" nahihiya kong sabi.

Matapos ang sandaling iyon, isinama ako ng lalaki sa kanyang sasakyan. Sa loob ng mahabang oras, huminto kami sa harap ng isang malaking bahay. Ang gate nito ay gawa sa bakal na may mga ukit na elegante, at ang mismong bahay ay napaliligiran ng mga berdeng hardin na puno ng mga bulaklak.

Gabi na kaya halos hindi ko na makita ang bawat detalye ng bahay. Hindi nagtagal, binuksan ng isang kasambahay ang pinto, Pumasok si Mr. Manuel ngunit napabaling sa akin.

"Wag mo nang tanggalin ang mga tsinelas mo, iho." aniya.

Pumasok ako at ang mga ilaw nag chandelier ay nagningning mula sa kisame, bumabalot sa loob ng bahay ng ginintuang liwanag. Isang babae sa unipormeng puti at itim ang lumapit, hinawakan ang aking kamay at nginitian ako nang bahagya. "Halika, iho, paliliguan ka muna namin," aniya.

Dinala nila ako sa isang malaking banyo na may sahig na marmol at mga gripo na pilak. Ang tubig na dumaloy sa katawan ko ay malamig ngunit nakakapagpagaan ng pakiramdam. Ang mga bula ng sabon ay pumalibot sa akin habang ang mga kamay ng kasambahay ay maingat na naglinis sa aking madungis na balat.

Ang saya ko sa kanilang pag-aalaga, na para bang ako ay isang prinsipe na muling isinusulong sa kanyang kaharian.

Isang kasambahay ang nagsalita, "Naku iho, saan ka ba napulot ni Mr. Vandeleur, ang bantot mo na..." aniya, sabay nag tawanan ng iba. Isang pang kasambahay ang humirit, "Oo nga, ang kapal na ng dumi mo sa katawan!"

Natawa naman ako sa kanilang mga sinabi. "Mayaman po ba siya?" tanong ko, sa likod ng ngiti ko.

"Naku, maswerte ka! Abogado kaya 'yan, at mabait din," sagot ng isang kasambahay.

Tides of Betrayal (Casa del Pueblo Series #1)Where stories live. Discover now