10

8 0 0
                                    

Hindi mapigilan ni Camille ang ngumiti habang tinitingnan ang pintuan ng bahay.

Dapat ba hindi ko siya pinigilan kahapon?

Umiling siya sa naisip. Ini-lock niya na ang pinto at pumihit paalis.

Natigilan siya sa nalingunan. Napawi ang ngiti niya sa mga labi.

Nasa harap niya ngayon ang lalaking dahilan kung bakit nahilig siya sa tula. Nasa harap niya ngayon ang lalaking kasabay niyang magbasa ng librong Memories. Nasa harap niya ngayon ang lalaking gusto rin si Lang Leav.

Dumagsa lahat ng emosyong naramdaman niya noong huli silang nagkita. Lahat ng lungkot. Lahat ng galit. Lahat ng panghihinayang. Lahat ng sakit.

"Camille."

Nasa harap niya ngayon ang nag-iisang lalaking may karapatang tumawag sa pangalan niya.

Akala niya maayos na ang lahat. Akala niya maayos na siya.

Bakit ang sakit-sakit pa rin?

Isa-isang pumatak ang mga luha sa kanyang mga mata. Nanlalabo ang mga matang tiningnan niya ang lalaking nasa harap niya.

Ang lalaking sobra niyang nirespeto pero pinagmukha lang siyang tanga. Ang lalaking buong buhay siyang pinaniwala sa mga kasinungalingan nito. Ang lalaking niloko ang unang pamilya nito para gumawa ng bago. Ang lalaking pinaniwala silang sila lang ang pamilya nito. Ang lalaking dahilan kung bakit inatake ang nanay niya noong nalaman ang totoo. Ang lalaking ginawang kabit ang walang kaalam-alam na nanay niya samantalang may nauna na itong pamilya.  Ang lalaking ginawa siyang anak sa labas.

Nasa harap niya ngayon ang lalaking una niyang minahal. Nasa harap niya ngayon ang lalaking unang nanakit sa kanya.

"Camille, anak."

Forever Ba, 'Ka Mo?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon